Alaala at pakikibakang inaalpasan ang limitasyon ng espasyo
Kinakailangan nating maglaan ng espasyo na magpapaalala sa atin ng ating nakaraan at pinagmulan.
Mapaglaro ang alaala.
Minsan aakalain mong nakatanim na sa memorya ang mga dapat gawin sa buhay o hagilapin sa bahay. Ngunit sa isang iglap, biglang susulpot ang pagiging ulyanin.
Mapaminsala naman ang mapabihag sa bitag ng limot.
Ginagambala nito ang kasalukuyan at binubura ang iyong ugnayan sa nakaraan at pinagmulan. Upang punan ang pagkukulang ng alaala, natuto tayong magtala at lumikha ng mga materyal na pananda.
Isa sa mga nailuwal ng deka-dekadang pakikibaka at mapanghas na pag-alala ang Martial Law Mobile Gallery na hatid ng Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC).
Upang gunitain ang ika-54 na taon mula noong ipinasailalim ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr. ang Pilipinas sa batas militar, umikot ang Martial Law Mobile Gallery sa University of the Philippines (UP) Diliman Plaridel Hall sa Set. 17 hanggang 18 at iikot sa Philippine Science High School-Main Campus sa Okt. 2 hanggang 3.
Layon nitong ipakilala sa kabataan ang madilim na kasaysayang kinaharap ng mga Pilipino sa kamay na bakal na pamumuno ni Marcos Sr. at maging ang mga aral na mapupulot mula sa pagigiit at pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang tuldukan ang diktadura.
Ayon kay James Barbee Olaivar, officer-in-charge ng Museum Division ng HRVVMC, tumutuon ang mobile gallery sa mga kabataan bilang pagsasakatuparan ng kanilang mandato na pukawin ang kamalayan ng susunod na henerasyon hinggil sa edukasyong karapatang pantao at batas militar.

Pinagtibay ng Republic Act 10368 o ang Human Rights Reparation and Recognition Act of 2013 ang pagkilala at reparasyon para sa mga naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao noong batas militar.
Katuwang ng naturang batas ang pagtatatag ng HRVVMC, ang ahensiya ng pamahalaan na tututok sa memoryalisasyon sa kasaysayan ng diktadurang Marcos noong 1972 hanggang 1986.
Isa lang ang mobile gallery sa mga programang hatid ng HRVVMC. Kabilang sa kanilang pagsisikap upang panatilihing buhay ang alaala ng batas militar ay ang pag-aayos ng library, archives at compendium ng mga materyales na nagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa diktadura.

Ngunit sa kabila ng kanilang hangarin, nagiging biktima rin ang ahensiya ng mga puwersang sumasagka sa kanilang mandato. Sa katunayan, ang mobile gallery ay pansamantalang solusyon lang sa kawalan ng permanenteng espasyo para sa museo.
“Wala pa ‘yong [Freedom Memorial Museum] na dapat itatayo dito sa loob ng UP Diliman campus. But of course, in the absence nga of ‘yong ganong physical na space naging initiative na ng HRVVMC to go out and actually reach people,” ani Olaviar sa isang panayam.
Bukod sa mga mobile gallery, isinalin na rin ng HRVVMC ang kanilang misyon sa digital na espasyo sa pamamagitan ng isang virtual gallery upang maabot pa nito ang mas maraming Pilipino.

Ngunit sa kabila ng kanilang mga tagumpay, patuloy na umaasa si Olaivar na umarangkada na ang pisikal na Freedom Memorial Museum sa UP Diliman.
“Sa amin, it’s a start pa lang ‘yong mobile gallery. We know that it’s not enough kasi kailangan din natin yung actual museum,” aniya.
“We hope na sana through human rights education program and utilizing ‘yong cultural programs to reach and engage people to know more about the Marcos Martial Law Period, and then to build our collective memory as a society as Filipino people.”

Inihahanda nina James Barbee Olaivar ang Martial Law Mobile Gallery sa UP Diliman Plaridel Hall. Emman Capones/Pinoy Weekly
Maalab ang tinig ng paglaban upang hindi maulit ang karumaldumal na paglabag sa mga karapatang pantao noong batas militar at hindi malimutan ang diktador na nag-iwan ng malalim na sugat sa ating kasaysayan.
Pero hindi maikakaila na habang patuloy na lumilipas ang panahon, lalong humihirap na maitawid ang alaala sa mga salinlahi na natutunghayan lang ang impormasyon at kasaysayan sa mga aklat at social media na pinamumugaran pa ng kasinungalingan.
Hindi natin kailangang makipagpatintero sa mga alaala. Kinakailangan nating maglaan ng espasyo na magpapaalala sa atin ng ating nakaraan at pinagmulan.
Ika nga nila, ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.