Rebyu

Para kay Edjop, para sa pagbabalik-tanaw

,

Sa muling pagbabalik-alaala ng isang anak, nabubuklat para sa mga manonood ang buhay ng isang lider ng kilusang masa at isang panahong hindi dapat malimutan.

Marahil hindi nag-iisa si Joyette Jopson sa mga anak ng mga aktibista noong batas militar na nakadama na para bang inabandona sila. Pinatay ng mga sundalo ang kanyang ama, si Edgar Jopson, mas kilala bilang Edjop, noong siya’y tatlong taong gulang pa lang.

Aminado si Joyette (Jodi Sta. Maria) sa pelikula na iniwasan niya at tila nilagyan ng piring ang sariling mga mata sa mahabang panahon tuwing mapag-uusapan ang buhay ng kanyang amang rebolusyonaryong lumaban sa diktadurang Marcos. Hindi niya maiwasang maramdaman, “Iniwan niya kami.”

Hindi maipagkakaila ang dama ng ibang mga anak ng mga beterano ng batas militar, na hinahanap-hanap ang kalinga ng magulang.

Siguro, ang bentahe ng ibang magulang ay nagkaroon sila ng pagkakataon, nang magkamalay na ang kanilang mga anak, na magpaliwanag at gumabay. Pero si Edjop, tinanggalan ng pagkakataong ito.

Gayunpaman, makikita sa bagong pelikula ni Katski Flores ang pagyakap at pagtuklas ni Joyette sa pagkatao at politika ng amang si Edjop (Elijah Canlas), na noo’y naririnig lang niya sa mga kuwento.

Sa muling pagbabalik-alaala ng isang anak, nabubuklat para sa mga manonood ang buhay ng isang lider ng kilusang masa at isang panahong hindi dapat malimutan.

Still mula sa Edjop via Edjop The Movie

Kahanay ng pagbabago sa pag-unawa ni Joyette sa kasaysayan, ipinapakita ang pag-unlad ng kamalayan ni Edjop mula sa pagiging pasipistang lider ng National Union of Students of the Philippines hanggang sa pagiging kadre ng Communist Party of the Philippines (CPP). Tulak ng mga pangil ng pasismo ng batas militar, na sumusuporta sa diktador na nagsasara sa mga pagbabago, iiwan ni Edjop ang aniya’y hindi patas na larangan ng politika upang mag-organisa para sa armadong pakikibaka.

Saklaw ng pelikula ang kuwento ng buong pamilyang Jopson. Hindi lang usaping pampolitika ang binibigyang-diin, kundi pati ang mga taong nalagay sa gitna ng pakikibakang ito. Ang panganay na anak na si Noy (Cedrick Juan) ay natutong maging matapang nang makasama ang ama sa detensiyon. Ang asawang si Joy (Kakie Pangilinan at Menchu Lauchengco-Yulo) at ang mga kapatid ay kumapit sa isa’t isa sa panahon ng batas militar.

Higit pa sa mga imahen ng kadakilaan at pagiging mukha ng isang henerasyon, may mas simpleng dahilan kung bakit, sa mahabang panahon at sa iba’t ibang anyo, libro man o pelikula, nabubuhay si Edjop sa ating imahinasyon.

Katulad ng maraming Pilipino, napunta si Edjop sa sangandaan dahil sa mga ‘di pangkaraniwang kalagayan. Sapul ng pelikula ang pagbabago ng anyo at pagkatao ni Edjop, salamin ng karanasan at mga kontradiksiyon ng sinumang aktibistang nagpasyang ialay ang sarili para sa sambayanan.

Muling ipinakikilala ng “Edjop” ang isang modernong bayani. Hindi siya pangulo, wala siyang superpower at hindi naman daw siya tanyag ayon sa dating diktador. Gayunpaman, madaling makita ang sarili na dumaraan sa kaparehong mga kontradiksiyong inigpawan nina Edjop at Joyette.

Inilalagay ng pelikula ang manonood sa kanilang sitwasyon. Ang mga nakakalimot o nagbubulag-bulagan ay iniimbitahang maging matapang sa pagbabalik-tanaw at pagsulong.

Still mula sa Edjop via Edjop The Movie

Kung ibabatay sa marami-rami na ring naisulat tungkol sa kanila, imposibleng isiksik sa dalawang oras ang lahat ng detalye, usapin at tauhan sa buhay ng pamilya Jopson. At mukhang iyan naman ang limitasyon ng mga genre ng pelikulang biopic. Pero tulak ng panahon at pakikibaka, natransporma silang lahat.

Parang sipi lang, batay sa interpretasyon ng mga nasa likod nito, ang pelikula sa buhay ni Edjop at sa pakikibaka noong panahong iyon. Malamang maraming kulang na detalye lalo para sa mga pamilyar sa buhay ng bida, pero mabuti na ring imbitasyon na makisangkot sa politika ng pagbabago para sa mga dating umaaligid lang at hindi nakikialam. Tiyak din naman at karamihan ng manonood o target audience ay hindi mga aktibista o iyong mga pamilyar na sa mga karakter at konteksto.

Para sa ibang napukaw ang isip, mabuting isunod na pagbabasa ng mga iba pang salaysay, akda at dokyumentaryo tungkol kay Edjop at iba pang martir ng rebolusyon.

Sa payak at hindi nagmamadaling mga eksena, hinimay kung paano nahubog ang pag-unawa ng bida na hindi sasapat ang pakikipag-usap sa isang gobyernong mamamatay-tao. Ang mga kapatid ni Edjop na noong una’y pumipigil sa kanya, kalaunan ay naubusan ng dahilan para harangan siya.

Paano ba naman tatapat ang katulad ni Edjop sa rehimen kung, para sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. (Christian Esguerra), ay isa lang siyang “son of a grocer” o anak ng tindero?

May mga piling cameo rin ang iba pang rebolusyonaryong kinatawan sa pelikula. Bagama’t naiiba ang paglalarawan sa kilalang malumanay na Luis Jalandoni, may susing papel ang dating pari sa pagkumbinsi kay Edjop na wasto ang rebolusyon sa kanayunan.

Hindi man pinangalanan, mukhang si Jose Ma. Sison, tagapagtatag ng CPP noong 1968, ang karakter sa eksena kung saan pormal nang ipinahahayag ni Edjop ang pagsapi sa kanilang hanay.

Mahusay ding nabigyang-linaw ang tunggalian ni Edjop sa iba pang lider ng CPP noon, katulad ni Popoy Lagman na hindi rin pinangalanan, na kalauna’y itinakwil ng buong kilusan.

Tapat at patas ang paglalarawan sa pagpaslang o pagparusa—depende sa panig—ng CPP kay Romulo Kintanar, ikalawang asawa ni Joy at tumayong ama nina Joyette.

Iwas sa jargon o salita ng isang pangkatin at madaling maunawaan ang mga linya sa pelikula, bagaman nag-iimbita rin ito sa manonood na alamin pa ang kasaysayan sa likod ng mga tauhan.

Still mula sa Edjop via Edjop The Movie

Hindi tuwid ang daloy ng pelikula—non-linear storytelling, ika nga sa wika ng mga lumilikha—ngunit mahusay ang pagkakahabi nito dahil iisang sinulid ang nagbubuklod sa mga eksena: ang panloob na digmaan ni Joyette.

Paano niya ituturing na “ama” ang taong halos hindi niya nakasama, pero inialay ang buhay para sa iba, para sa pamilya, para sa kanya at para sa mga susunod pang salinlahi? 

Madaling maunawaan ang matagal na pag-iwas ni Joyette. Mabigat harapin ang sistemang kumitil sa buhay ng sariling ama, lalo na para sa batang lumaki nang wala ito. 

Bilang petiburges, likas at tiyak na marami rin sa atin ang umiiwas o bumabaling sa eskapismo sa mga mabibigat na usapin, pero sa iba’t ibang dahilan. Ang iba sa atin, abalang makibagay sa anumang uso at itinutulak ng popular na kultura, kaya halos hindi na rin napapansin ang pinagdaraanan ng nakararaming Pilipino. 

Sa ganitong konteksto, malaking hakbang ang pagtindig ni Joyette sa dulo ng pelikula. Hindi man madali, pinili niyang alalahanin ang pakikibaka ng kanyang ama. Magkaiba ang danas ni Joyette at ni Edjop, pero mabuti at sa huli, pinagtagpo sila sa pagiging matapang kontra sa agos ng mga mapang-api sa kasaysayan at kasalukuyan. 

Mula rin sa ganitong uri si Edjop. Sa isang banda, tama si Marcos. Anak nga siya ng tindero. Hindi siya uring manggagawa, pero tanyag ang pagyakap niya sa pakikibaka ng uring anakpawis. Maraming Edjop sa ating paligid, mga nagmula sa ganitong kalagayan pero piniling makibaka.

Nasa gitna ng mag-ama si Joy. Middle class din siya at aminadong konserbatibong Kristiyano, pero nanatili siyang nakatindig sa kabila ng takot, sa kabila ng pangungulila, sa kabila ng pagkawala. Kung may pag-ibig sa panahon ng pakikibaka, makikita ito sa kanya. 

Sa kabuuan, tila isinulat ang iskrip bilang panawagan sa kasalukuyang henerasyon. Hindi puwedeng piringan ang ating mga mata dahil patuloy tayong minumulto ng nakaraan. Nananatili ang karahasan nito sa ‘di pagkapantay-pantay, sa kawalan ng katarungan at sa pagpapatahimik sa mga lumalaban. 

Wika nga ng kasabihang madalas iugnay kay Jose Rizal, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Natutong lumingon si Joyette. Kung ang makataong lipunang inasam ni Edjop ang ating paroroonan, kailangan din nating lumingon at maging kasintapang niya.

Ito ang hamon ng pelikula sa nakalilitong panahong ito: hayaang mamulaklak ang mas marami pang Edjop, handang igpawan ang pagwawalang-bahala at buo ang loob na baguhin ang daigdig tungo sa mas makataong lipunan.

Still mula sa Edjop via Edjop The Movie

Makabuluhang ambag ang “Edjop” sa lumalaking kaban ng panitikan at pelikulang tumatalakay sa diktadurang Marcos at sa mga tauhan ng rebolusyonaryong kilusan—simple, madaling maunawaan para sa karaniwang manonood at nakakabusog panoorin. Higit sa lahat, paunang imbitasyon ito para balik-aralan ang pakikibaka noong bataw militar na nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon.

Sa panahon ngayon, ang panay laman ng balita ay ang alitan ng mga kampo nina Marcos at Duterte. Madaling mapalampas ang kaliwa’t kanang pag-absuwelto ng mga korte sa naghaharing pamilya.

Nitong Hunyo, ibinasura ng Sandiganbayan ang petisyon para sa pagkuha ng iba pang ninakaw na yaman ng mga Marcos. Walong taon matapos masentensiyahan dahil sa kasong graft, inabsuwelto si Imelda Marcos ng Supreme Court.

Nakahanap ang mga Marcos ng paraan para manumbalik sa poder at kontrolin ang naratibo ng kanilang paghahari noon. Kahit ilang beses pa nilang itambol ang umano’y “golden years,” hindi nakakalimot ang sambayanan. Maaalala nating may mga Edgar Jopson na nabuhay at may mga kaanak siyang magpapaalala.