Uncategorized

Ipinagmamalaki ni Rico J. Puno, malakas ang kanilang “Pilipinas Win na Win”


LAHAT ay gagawin ng Hitmakers, ang katipunan mga mga bituin at mang-aawit na sina Rey Valera, Marco Sison, Rico J. Puno at Nonoy Zuñiga, para mangibabaw at manguna ang kanilang programang pantanghalian na “Pilipinas Win na Win” sa ABS-CBN upang maipakita sa lahat na sila ay maraming tagapanood at tagatangkilik sa kanilang pagsasama nang araw-araw […]

LAHAT ay gagawin ng Hitmakers, ang katipunan mga mga bituin at mang-aawit na sina Rey Valera, Marco Sison, Rico J. Puno at Nonoy Zuñiga, para mangibabaw at manguna ang kanilang programang pantanghalian na “Pilipinas Win na Win” sa ABS-CBN upang maipakita sa lahat na sila ay maraming tagapanood at tagatangkilik sa kanilang pagsasama nang araw-araw sa pangunahing istasyon sa bansa.

Kaya nga’t si Rico ay heto at siya, ayon sa mga tagapag-obserba, sa palatuntunan maliban siyempre sa mga orihinal nang nasa palabas na sina Pokwang at Valerie Concepcion.

Pero itinanggi naman ito ni Puno.

“Hindi naman siguro. Lahat naman kami ay nagko-contribute para sa programa. Hindi naman ito ako lang. Nand’yan naman si Pokwang at si Valerie na una nang naging bahagi ng show,” pahayag ni Rico sa isang eksklusibong panayam.

***

Kasi nga’y si Puno lang ang maingay, magarbo, makulit, mabiro, masatsat, mabilis kaysa kina Nonoy, Marco at Rey.

Ang sabi nga ng peryodistang pampelikula na si Reyma Buan-Deveza, sina Zuñiga, Sison at Valera ay parang dekorasyon lamang samantalang ang nagtatrabaho nang husto ay si Corics.

Siyempre, may bahagi sina Nonoy, Rey at Marco pero ayon kay Buan-Deveza ay nandoon lang sa isang sulok at hindi pa makulay kundi parang kulang pa ang bahagharing puwedeng pasilayin sa kani-kanilang mga kamalayan.

Sa ibang salita, maputla pa sina Valera, Sison at Zuñiga.

“Given the time, marami ring ibubuga sina Marco. Kasi, mga singer naman kami at hindi hosts pero magagaling din sila. Marami pa kaming puwedeng gawin,” wika ni Rico.

Kaya nga kahit siya ay nagtuturo at nagbibigay ng mga mungkahi sa kanyang mga ka-Hitmakers.

***

Ipinagtapat ni Puno na nakakaungos lang ang kanilang kalaban ng tatlong puntos.

“That is according to the posts,” sabi ng mang-aawit na binansagang maginoo pero may pagka-bastos.

At ito ngang pagka-medyo bastos ni Rico ang inaabangan hindi lang ng mga tao kundi ng Movie and Television Review and Classification Board.

Kaya nga nasabi rin ni Rico na siya mismo ay inilagay ng Philippine Star sa watchlist ng mga inaabangan na magsasabog ng “kabastusan” sa ere kung sakali.

Pero pinangunahan na ni Corics si Maria Consoliza Laguardia, ang tagapangulo noon ng MTRCB.

Nito lamang Linggo ay ibinalita nang si Mary Grace Poe Llamanzares ang siyang itinalaga ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na siyang maging tagapangulo ng sensura sa bansa.

Kaya si Mary Grace ngayon ang magbabantay kay Rico kung sakali at sa kanya rin mangingimi ang singer sa pagpalaot nito sa hosting at sa paglalaglag ng mga kataga sa kanyang palatuntunan.

***

Samantala, may takdang-aralin na dapat tupdin sina Nonoy, Marco at Rey at ito ay ang pagpapagaling ng kanilang pag-i-emcee sa telebisyon.

Kung talagang gusto ni Sison na matupad ang kanyang pangarap na maging mahusay na emcee, ito na ang kanyang pagkakataon.

Marahil ay naaasiwa pa si Marco o nako-conscious pero mabilis na nauubos ang oras at ang pagtatagal ng palatuntunan ay nakasalalay rin sa kanya at kina Zuñiga at Valera kasama si Puno.

Ito na ang tsansa ni Sison na ipakita sa mundo na kaya niya ang bagong hamon at ang pagtatatalaga sa kanya bilang host ng programa.

Kailangang makapag-ambag na ang iba pang Hitmakers sa paghi-hit ng show dahil kung hindi ay sayang naman ang pagkakataon na ibinigay sa kanila.

***

Pumapailanglang naman ani Rico ang “Pilipinas Win na Win” dahil ang ganda ng pagtanggap ng balana sa kanila.

“Ang daming Facebook messages. Lahat sila ay nagsasabing magagaling kami at we should keep up kaya naman ano ang masasabi na wala kaming ginagawa. Pati mga email at text messages, magaganda ang sinasabi sa amin.

“Mas marami pa kaming magagawa. Kaya panoorin lang nila kami,” sabi ni Corics.

Pati nga ang mga tagahanga ay sinusubaybayan ang Hitmakers tulad ng pagtangkilik nila sa mga pagtatanghal ng Hitmakers mula nang sila ay ilunsad sa Araneta Coliseum mga ilang taon na ang nakakaran.

At ang mga testimonya ng kanilang matatagumpay na pag-awit at pagpapatawa sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay mga palatandaan na marami silang tagapag-abang.

***

Sinabi nga ni Valerie na ang tinatarget na mga manonood ng kanilang programa ay nabibilang sa mga taong may edad trenta pataas at hindi na ang mga nasa ibaba nito.

Pero siyempre’y nakukuha ni Concepcion ang mga kabataan at si Pokwang naman ay gusto ng kahit na sino.

Masaya si Valerie sa pagdagdag nina Rico sa kanila.

Inaasahan ba niyang siya ay mababastos ni Rico?

“Hindi naman po siguro. Kasi, mabait naman si Tito Rico. At wala naman ‘yong bastos-bastos,” pahayag ng batang aktres.

Pati rin si Rico ay nagsasabing hindi siya gagawa ng gano’n kahit na ‘yon ang kanyang imahen sa publiko.

“Gigil na gigil na nga ako kina Pokwang at Valerie pero behaved ako,” sabi ni Rico.