Dati’t kasalukuyang sekretaryo ng DOLE, nagsasabwatan vs empleyado ng PAL?
Posibleng nagsasabwatan ang nakaraan at kasalukuyang sekretaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sikilin ang karapatan ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL).

Posibleng nagsasabwatan ang nakaraan at kasalukuyang sekretaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sikilin ang karapatan ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL).
Ito ang hinala ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, na nagsabing maaaring may impluwensiya ang dating mga boss ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na ngayo’y abogado ng PAL sa desisyon ng DOLE na payagan ang malawakang tanggalan ng mga empleyado sa naturang airline.
“Kaduda-duda ang wisyo at moral ng desisyon ni Secretary Baldoz at may bahid ng impluwensiya mula kay dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ngayon ay abogado ng PAL,” ani Mariano.
Ayon sa desisyon ng DOLE, makatarungan, resonable, makatao at ayon sa batas ang retrenchment/outsourcing na ayon kay Mariano ay mukhang kinopya mula sa posisyon ng manedsment ng PAL sa pagtatanggol sa outsourcing.
Idinagdag pa ni Mariano na ang manedsment ng PAL ay kinakatawan ng Laguesma, Magsalin, Consulta and Gastardo Law office kung saan kabilang sina Laguesma at Buenaventura Magsalin, na dati namang Executive Director of the National Conciliation and Mediation Board (NCMB).
“Sina Laguesma at Magsalin ay mga dating ‘boss’ ni Baldoz sa DOLE,” ani Mariano.
“Si Laguesma ang Labor Secretary noong 1998 nang puwersahang ipatupad ng manedsment ng PAL ang 10-year CBA moratorium, suspensiyon sa welga at malawakang tanggalan,” dagdag ni Mariano.
Naniniwala si Mariano na kung mayroon opisyal ng DOLE bilang abogado ang isang kompanya, nasa kamay ng kompanyang ito ang lahat ng posibleng paraan para maimpluwensiyahan ang desisyon.
Siniguro umano ng mandesment na nasa kanila ang “pinakamahuhusay na anti-manggagawang abogado” na eksperto rin sa paggamit sa Labor Code para sa kanilang kapakanan.
Nagpahayag ng buong suporta si Mariano sa mga manggagawa ng PAL sa pagsampa ng unyon nito ng Notice of Strike (NOS) dahil sa di makatarungang kalagayan sa paggawa at pagbuwag sa unyon na ginagawa ng manedsment.
“Makatwiran ang protesta para labanan at mailantad ang matagal nang paglabag ng manedsment ng PAL sa karapatan ng mga manggagawa. Nasa mga mangagagawa ng PAL ang lahat ng dahilan para magwelga para protektahan ang kanilang trabaho at labanan ang planong outsourcing sa PAL na pinapayagan ng maka-Lucio Tan na departamento ng paggawa,” sabi ni Mariano.
Binalaan pa ng kinatawan ang DOLE sa pag-iisyu nito ng Assumption of Jurisdiction (AJ) para masikil ang karapatan ng mga manggagawa na kolektibong magprotesta.