Reporter, minaltrato ng PSG sa bisita ni PNoy sa Baguio
Minaltrato ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ni Pang. Benigno Aquino III ang isang reporter sa pagpapasinaya ng pangulo sa outlet ng Jollibee sa Baguio City noong Biyernes na sinalubong ng demonstrasyon ng mga kabataang estudyante. Ayon sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Baguio Benguet Chapter, matapos ang […]
Minaltrato ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ni Pang. Benigno Aquino III ang isang reporter sa pagpapasinaya ng pangulo sa outlet ng Jollibee sa Baguio City noong Biyernes na sinalubong ng demonstrasyon ng mga kabataang estudyante.
Ayon sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Baguio Benguet Chapter, matapos ang dispersal sa protesta, pabalik na sa Jollibee ang reporter ng Northern Dispatch na si Adela Wayas nang biglang hablutin ang kanyang bag ng isang miyembro ng PSG at pinigilang makapasok hanggang sa matapos ang talumpati ni Aquino.
Ininteroga si Wayas habang tinutulak-tulak, ayon sa ulat. “Saan ka ba galing? Kasama ka ba ng mga iyon?” tanong sa kanya ng miyembro ng PSG, na tinutukoy ang mga demonstrador.
Iginiit ni Wayas na kinokober niya ang pagpapasinaya, at ipinakita ang kanyang media ID, kabilang ang ipinagkaloob sa kanya ng Philippine Information Agency sa media registration booth.
Ipinasa si Wayas sa dalawang babaing pulis. Isa rito ang umanong nagsabi sa kanyang “Saglit lang ma’am i-che-check namin sa intel. Trabaho lang po!” Isa pang lalaking naka-sibilyan, na pinaniniwalaang miyembro ng PSG, ang lumapit sa kanya at sinabing, “Saan ka galing? Bakit ka kasi lumabas nasa loob ka na nga?”
“The NUJP-BB considers the PSGs action as pure harassment and discriminatory affront to the people’s right to information as it prevents one journalist duly accredited earlier by their security guidelines from covering the presidential visit,” pahayag ng lokal na tsapter ng NUJP, ang pinakamalaking organisasyon ng mga mamamahayag sa bansa.
Tinawag nila ang insidente na isang malinaw na pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag, at nanawagan sa pangulo na magbigyan ng karampatang parusa sa nagmaltratong miyembro ng PSG.