Uncategorized

May bagong lumang pakulo ang 2010 Metro Manila Film Festival Philippines


Kahit saang bahagi ng buhay ay may mga pakulo—bago man o luma o lumang bago o bagong luma tulad nang sa 2010 Metro Manila Film Festival Philippines. Kung noong isang taon ay singkuwenta porsyento ang inilaan ng selection committee ng MMFFP para sa mataas na kita sa takilya ng isang lahok upang maiproklamang Pinakamahusay na […]

MMFF logoKahit saang bahagi ng buhay ay may mga pakulo—bago man o luma o lumang bago o bagong luma tulad nang sa 2010 Metro Manila Film Festival Philippines.

Kung noong isang taon ay singkuwenta porsyento ang inilaan ng selection committee ng MMFFP para sa mataas na kita sa takilya ng isang lahok upang maiproklamang Pinakamahusay na Pelikula, ngayon ay binabaan na ang porsyento nito sa dalawampu’t limang bahagi ng kabuuang siyento porsyentong bigay sa mga kalahok.

Ang tinaasan ay ang mga pamantayan sa pagkamalikhain, pangglobal o pandaigdig na panghalina, kaekselentehan ng teknikal na paggamit, kasiningan at inobasyon.

Gayunman, nananatiling may mahalaga ring puntos ang kulturang Filipino na ipinamamarali ng bawat pelikula.

***

Kaya nga ngayon pa lang ay nagsasaya na ang mga prodyuser lalo na yaong mga walang panlaban sa box-office na mga artista kundi nananalig sa kagandahan ng kanilang lahok.

May nakalaan kasing premyo ang mananalo sa mga pinakamagagandang pelikula kaya naman mahalaga ang pagbabagong ito ng MMFFP.

Kung ang kalaban nga naman ng kanilang pelikula ay ang mga sikat na artistang tulad nina Vic Sotto, Ramon “Bong” Revilla, Jr., Dolphy at iba pa na malalakas sa takilya kaysa sa mga bituing katamtaman lang ang panghatak sa takilya.

***

Pero dapat nga kayang ipagsaya ng mga kinauukulan ang pagrerebisang ito sa mga panuntunan ng paggagawad ng karangalan sa awards night ng MMFFP 2010?

Maaaring sa unang tingin ay magandang balita ito pero kung talagang aanalisahin ay may kapintasan at butas ito.

Maaaring wala na ngang kalaban ang mga pelikulang itinuturing ng mga hurado o kahit ng publiko at mga kritiko at may alam sa showbiz at sa mga produkto dito na maganda at makasining at makokopo na ang mga gantimpala ng mga ito at ang kita lang sa takilya ang sasandigan ng mga lahok na may mga matitibay na panghatak sa takilya, pero nakakapanlanse ito.

Una na’y bakit ba ang 2010 MMFFP ay maghahangad na makapaghakot ng limandaang milyong piso sa kabuuang kita ng lahat ng mga pelikula?

Sa ganitong pamamaraan ay nagpapakamartir din at nagpapakitang-gilas ang MMFFP na ito ay nagtataguyod talaga ng magagandang pelikula.

Pero talaga bang gano’n ang tunay na kulay ng organisasyon?

Hindi kaya pampalubag-loob lang ang sa MMFFP para sa mga produksyong may natatanging artistikong merito at hindi talagang sa paglaya at pag-usbong ng mga pelikulang ekselente sa lahat ng aspeto ng produksyon at maipagmamalaki hindi lang sa loob ng bansa kundi maging sa labas man nito?

***

Mula sa dating ika-27 ng Disyembre o kung kailan mang petsang malapit sa araw na ito ginaganap ang awards night, sa ika-26 ng Disyembre, 2010 idaraos ang gabi ng parangal sa Meralco Theater.

Ito marahil ay para makasiguro ang pestibal na ang mga mananalo lalo na ang mga tinitingnang magagandang obra ay hahabol sa pagkita sa mga malalakas na pelikula na hindi naman inaasahang magiging pinakamahusay na pelikula kundi talagang kusang papasukin ng mga tao dahil pang-General Patronage (pambata lalo na) ang mga ito at sigurado panghalina ang mga artista.

Bakit hindi ipako talaga ang limampung porsyento sa pelikulang may malakas na kita sa takilya para ideklara itong Best Film?

Kung talagang ang isang pelikula kahit na ang mga artista nito ay malalakas din pero hindi naman makakapasa sa pamantayan ng mga hurado sa kasiningan at kaekselentehan ng mga elemento, e, di huwag gawing pinakamaganda.

Kung ang pelikula naman kahit ng malalakas na artista ay makasining at ekselente at mahusay para sa mga hurado, aba’y karapatan nito na manalo, hindi ba?

***

Ang problema ay nakasalalay sa oryentasyon ng bansang ito sa kung ano ang ibig sabihin ng film festival.

Dahil nakasanayan na nga ng Pilipinas na ang film festival sa Disyembre ay inilalaan sa tunggalian ng pagkita ng pera sa takilya at hindi ng kasiningan at kahalagahan ng mga materyal na pampelikula sa pag-unlad ng mga buhay ng mga Filipino, hinayaan na lang natin na hala, sige, kung pambata ang pelikula at malalakas ang artista, pantasya ang tema ng pelikula, isali ‘yan sa film festival pag Disyembre at ‘yan ang akmang pelikula.

Dahil hindi pa nawawaglit sa ating kamalayan na ang film festival sa Disyembre sa Pilipinas ay pang-aaliw lang at hindi pagsunod sa mga panuntunan ng kagandahan at kahalagahan ng pelikula sa buhay ng mga tao.

Nagkataon pa na ang Metro Manila Development Authority ang naatasan na humawak nito, ang pagkita nang malaki ay isang malaki at pangunahing layunin bagamat hindi naman aaminin na ang pag-usad ng sining ng pelikula ay ikalawang target lamang.

Hindi kasi malinaw talaga sa bansang ito kung ano ang ibig sabihin ng film festival.

Hindi naman ibig sabihin na sa ibang bansa ay hindi pinahahalagahan ang pagkita ng mga pelikula sa pestibal dahil pare-pareho lang ang pulitika ng mga showbiz sa lahat ng panig ng mundo.

Gayunman, may matayog na pamantayan ang film festival sa ibayong-dagat at hindi basta-basta lang tumatanggap ng mga lahok sa okasyong ito.

Ito ang kaibang pagkakaiba ng film festival sa Disyembre sa Pilipinas at sa ibang bansa dahil ang Cinemanila International Film Festival naman ni Tikoy Aguiluz na gagawin sa ika-1 ng Disyembre sa taong ito sa Robinsons Galleria ay may matayog na pamantayan sa pagtanggap ng lahok pero ang nakakalungkot nga ay hindi ito ang MMFFP.