Soloist ng Nonoy Lopez and His Orchestra na si Armie Zuñiga, ilulunsad sa isang solong concert
Pagkatapos na makipagbahagi at makipagniig sa musika ng sikat at beteranong musikero na si Nonoy Lopez, ilulunsad sa isang solong pagtatanghal ang mahusay na mang-aawit na si Armie Zuñiga. Ito na ang tamang pagkakataon na bigyan ng tsansa si Armie dahil limitado lang ang kanyang mga tagapakinig at tagapanood samantalang nakay Armie ang mga katangian […]
Pagkatapos na makipagbahagi at makipagniig sa musika ng sikat at beteranong musikero na si Nonoy Lopez, ilulunsad sa isang solong pagtatanghal ang mahusay na mang-aawit na si Armie Zuñiga.
Ito na ang tamang pagkakataon na bigyan ng tsansa si Armie dahil limitado lang ang kanyang mga tagapakinig at tagapanood samantalang nakay Armie ang mga katangian ng isang popular na singer.
Malaki na rin ang iniunlad ni Zuñiga sa kanyang pagkanta mula nang makasama niya sa isang show, handog sa mga mang-aawit na sina Dulce at Rey Valera, si Michael Laygo.
***
Malaki na rin ang iginanda ng musika ni Michael mula nang pasikatin niya ang awiting “Minahal Kita” dahil ngayon ay nasa Amerika na siya, sa Las Vegas sa partikular, at kasapi ng ipinagmamalaki at pandaigdig na tagapagbando at tagapagkinatawan ng musika ng Pilipinas na Society of Seven na pinagmulan din ng mga bating na mga mang-aawit na sina Bert Nievera, Jun Polistico at marami pang iba.
Dating tinuturuan lang ni Laygo si Armie ng karagdagang mga puntos sa pag-awit pero ngayon ay kayang-kaya na niyang magsolo at batikan nang tagapag-aliw ng mga pusong nalulumbay at nasisiyahan.
Nang una ngang marinig at makita ni Michael si Zuñiga ay isa lang ang kanyang nabanggit—“Sisikat ka. Magaling ka.”
Tinandaan ito ni Armie, Armida Zuniega sa tunay na buhay at itinaga sa batong patutunayan niyang hindi niya bibiguin si Laygo na isa na ring bantayog sa musikang Filipino.
“I would like to dedicate my career to Michael Laygo dahil malaki ang impluwensiya niya sa akin,” pahayag ni Armie sa isang eksklusibong panayam kamakailan.
***
At dahil hindi naman makakarating si Mike sa Pilipinas para masaksihan ang paglulunsad kay Armie sa isang natatanging palabas, pampalubag-loob at pampalakas na lang ng loob ang kanyang inihahandog sa babaing mang-aawit.
Si Armie naman ay nanghihinayang na hindi makikita ng kanyang guro ang kanyang paglago bilang alagad ng sining.
“Padadalhan ko na lang siya ng CD ko pag nag-recording na ako. As a matter of fact, ang SFX Productions ay nag-offer na sa akin ng kanilang recording services.
“Malaki kasi ang recording studio ng SFX kaya walang problema. Marami nang nakapag-record r’yan at lahat ay nagtatagumpay kaya nai-excite na rin ako sa gagawin ko.
“Kaya lang, wala pang mga piyesa. ‘Yong kausap namin na composer, wala pang naipi-present sa akin. Ang gusto ko sana, parang pinaghalong Imelda Papin at Charice Pempengco ang mga kanta ko. Kahit sabihing ang taas-taas naman ng ambisyon ko, hindi na ako mahihiya. Kasi, talagang gusto kong iparating sa mas malawak na audience ang aking music,” katwiran ni Armie.
***
Kaya nga sa ika-18 ng Disyembre, 2010, sa Villa Castillo Hall sa Villa Castillo Homeowners Association, Inc. (VCHAI) Hall, sa ganap na ika-8 ng gabi, mamamayagpag si Armie sa kanyang pagtatanghal ng “Village Voices” isang pangkomunidad na konsiyerto upang maabot ang higit na nakararaming tagapakinig na mamamayang Filipino na nais magkaroon ng inspirasyon sa pag-angat at pag-unlad sa buhay.
Sa mas malawak na “Paskuhan sa Villa Castillo 2010,” idaraos ni Zuñiga ang kanyang pagbabahagi at pakikisangkot sa mga tao sa iba’t ibang antas ng buhayn para maihain at makasali at makasalo sa kanyang pagtatanghal.
Sa VCHAI ay may mga iba’t ibang kaganapan tulad ng Christmas Tiangge, Basketball Tournament, Bingo Social at Ballroom Dancing.
At ang tutugtog pa sa concert ay walang iba kundi si Nonoy Lopez, ang sikat na musikero na nagbigay-aliw sa mga Imelda Marcos, Tingting Cojuangco, Viring Ongkeko at iba pang may mataas na katungkulan sa lipunan.
Ang Nonoy Lopez and His Orchestra ay magbibigay ng inspirasyon at pagsaliw kay Armie sa mga musikang klasikal, reggae, rap, samba, bossa nova, pop, jazz, Latin beat at iba’t ibang anyo ng musika.
Talagang kahit saan ay puwede si Armie at utang na loob din niya ito sa paghubog at pagsama niya sa pagtugtog ni Lopez.
Nais din nina Zuñiga at Lopez na makapaglingkod sa mga taong nais makipagkasundo sa kanilang musika.
Mga taong nasa komunidad na mulat din at nakapagpapahalaga rin sa musikang ipinamamarali nina Armie at Nonoy sa balana.
***
Alam ba ninyo na kahit hindi magkaanu-ano sina Armie at ang isa pang Nonoy, si Nonoy Zuñiga, ay magkapalagayan na sila ng loob?
Madalas magkita sa mga gig ang dalawang Zuñiga at naitanong pa nga ni Nonoy kung tagasaan ang songstress.
“Hindi naman po kami magkamag-anak ni Nonoy Zuñiga. Pero hindi ko rin po alam. Baka naman may pinagpinsanan kami. Baka iisa lang ang pisa namin. Kahit na po pa Zuniega ang tunay kong pangalan, puwede ring magpinsan kami,” pagtatapat ni Armie.
Sa show ng bituin, ang kanyang mga kakantahin ay mga foreign covers nina Britney Spears, Taylor Swift, Lady Gaga, Bonnie Tayler, Whitney Houston, Gloria Estefan at iba pa.
Samantala, titira rin si Armie ng mga parang Astraud Gilberto, Sitti, Jacqui Magno, Ella May Sayson at ang mga pang-bedroom na kanta.
Ang mga may impluwensiya naman sa kanya sa Filipino singers ay sina Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla, Kuh Ledesma, Sylvia Latorre, Dulce, Didith Reyes at marami pang iba.
Husgahan na lang natin si Armie Zuñiga sa kia-18 ng Disyembre, 2010 kasama si LA Jacinto sa Villa Castillo sa San Pedro sa pakikipagtulungan ng mga may ginintuang puso na sina Engr. Ricardo Fernando ng R&M Construction at Engr. Leovino C. Datario ng EcoMart at LFD Construction na kapwa nasa San Pedro, Laguna.
Libre itong concert na ito.
Walang gagawin ang mga nais manood kundi magdala lang ng higit bababa sa limang (5) piraso o basyo ng mga plastic na lalagyan halimbawa’y ng softdrinks o mineral water para makatulong tayo sa pangangalaga ng kalikasan at paggawa ng mga upuang monoblock chairs na puwedeng gamitin sa mga paaralan.