Uncategorized

Bakit kailangang sikat ang pangalan ng singer para maibahagi ang kanyang talino?


Muli, napatunayan ng isang alagad ng sining na kahit hindi siya kilala sa mas malawak na balana ng mga tagapakinig at tagapanood ng musika ng Pilipinas ay kaya niyang dalhin ang mga ito. Tulad na lang nang nangyari sa mahusay na mang-aawit na si Armie Zuñiga na solong nagtanghal sa Villa Castillo Homeowners Association, Inc. […]

Muli, napatunayan ng isang alagad ng sining na kahit hindi siya kilala sa mas malawak na balana ng mga tagapakinig at tagapanood ng musika ng Pilipinas ay kaya niyang dalhin ang mga ito.

Tulad na lang nang nangyari sa mahusay na mang-aawit na si Armie Zuñiga na solong nagtanghal sa Villa Castillo Homeowners Association, Inc. (VCHAI) noong Sabado sa kanyang concert na pinamagatang “Village Voices” sa saliw ng pamosong Nonoy Lopez & His Orchestra.

Kahit na biglang bumuhos ang malakas na ulan at walang patlang ang pag-ambon ay itinuloy ni Armie at ng produksyon ang kanyang pagbibigay at pagbabahagi ng kanyang sining sa mga tao na matiyagang nagbantay at nanood sa kanya sa CVHAI Hall.

Hindi matatawaran ang husay ni Zuñiga sa kanyang pagbibigay-buhay sa mga awitin ng mga sikat na musikero at musikera sa loob at labas ng bansa.

***

Bastat magaling ang isang singer, kahit na hindi siya nilikha ng publisidad at makinarya ng popularidad ay dudumugin siya ng mga tao.

Tulad nang naganap kay Armie.

Umaga pa ay inabangan na ng mga tao sa loob at labas ng Villa Castillo ang kanyang pagtatanghal at hindi sila naunsiyami sa kanyang ipinamalas.

Unang sabak pa lang ni Zuñiga ay binanatan na agad niya ang medley ni Lady Gaga.

Kuntodo peluka pa siyang kulay-ginto kaya nagmukha siyang Lady Gagang-Lady Gaga.

Naka-mini-skirt pa siyang otso-diretso na kulay itim at nagmumura ang kanyang mga dibdib na hindi ibig sabihin ay ipinapahiya niya ang kababaihan kundi paano niya itinataas ang diwa at ranggo ng mga feminist.

Matindi ang kompetisyon sa larangan ng aliw kaya kailangang gawin ang lahat para mangibabaw ang mga ideya at pangarap para sa higit na nakararami.

Hindi ibig sabihin na seksi ang kasuotan ay nilalapastangan na ang dignidad ng kababaihan.

Mas malawak na pananaw ‘yon.

Paano naman ang mas matikid na pakikipagtunggali sa buhay na kailangang sakyan ang kaokrayan ang nangibabaw na sistema para maipahayag ang mga prinsipyo ng isang babae na titingkad sa kanyang indibidwal na pakikipaglaban sa mas maliit na daigdig na kanyang ginagalawan tulad ng tahanan?

***

Dahil si Armie ay isa ring babae, ilaw ng tahanan at may mga opisyo rin na kailangang tupdin para sa ikagaganda ng kanyang pinagrereynahang bahay at pamilya at makukuha niya ang paghahari sa lugar na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsunod sa nakagawian na kasabay ang pagtatakwil sa makaluma at tradisyunal na pamamaraan na pagsunod.

Hindi simple ang ganitong paglaban at pagbasag sa nakagawian pero nananatiling nakakapit si Zuñiga sa kanyang mga subok na pero epektibong paraan na makakaigpaw sa kanyang personal na laban.

Ang kanyang seksing kasuotan ay hindi kinakitaan ng mga paslit na maiskandalo at nakakahiya kundi pinalakpakan pa siya ng mga kabataan at kahit ng mga katandaan.

Dahil mas malalim ang laban si Armie bilang babae kaysa pagsusuot ng mga seksing kasuotan.

Hindi lang kasi siya ang nakikipagtunggali sa masama at mapang-aping kalakaran kundi maging ang buong produksyon.

Kahit unti-unti ang pakikipaglaban, mabubuo rin ang tunay na diwa ng pagbasag ng hindi na epektibong pamamaraan ng kababaihan.

Kailangang magkaboses si Armie kahit na may puslit pa ng tinig mula sa mga taong nakapaligid sa kanya na nagmamahal din sa mga layunin at adhika ng babae na makalaya sa opersibong kaayusan ng lipunan.

***

Lalo pang hindi magkamayaw ang mga tao nang kantahin pa ni Armie ang kanyang bersyon ng “Run To You” ni Whitney Houston at ang kanyang pagbibigay-buhay sa orihinal na piyesa at obra ni Shirley Bassey na “Never, Never” na siyempre’y may kompositor na dinandigan ang itim na mang-aawit at binersyunan naman ng bagong timpla ni Celine Dion.

Nakipagduweto rin si Zuñiga ng “Have Yourself A Merry Little Christmas” kay LA Jacinto na alam naming marami pang kakaining bigas pero makakaalagwa sa masidhi ang kompetisyong industriya ng musika.

Lalo pang tumindi ang paghanga ng mga tao nang tirahin ni Armie ang mga samba at bossa nova kabilang ang mga kantang Espanyol na ayon nga sa panauhin na si Vanessa Noda ay napakahirap kantahin.

Nag-Basha rin siya sa “Baby You’re Mine.”

Nagbigay rin siya ng tribute sa mga lokal na singer tulad ni Vernie Varga (“Kahit Isang Saglit”), Sharon Cuneta (“Sana’y Wala Nang wakas”), Dulce (“Paano”) at Didith Reyes (“Bakit Ako Mahihiya?”).

Ang kanyang encore ay ang medley na APO Hiking Society nina Jim Paredes, Danny Javier at Buboy Garrovillo na sinayawan ng mga manonood.

***

Sikat na sikat si Armie sa sirkulo ng mga ballroom dancers tulad nina Imelda R. Marcos, Tingting Cojuangco, Viring Ongkeko, Magdalena de la Pas at marami pang iba.

Pero sa pagkakatong ito, ang masa ang kanyang pinaglingkuran at kinantahan at hinandugan ng kanyang talent.

Hindi ba’t simula lang ito ng maliit na pag-ako niya ng reponsibilidad ng paglilingkod sa maliliit, sa kababaihan at kahit na kanino pang sektor sa lipunan?

Nakaduweto na rin ni Zuñiga si Jose Mari Chan ay hangang-hanga ang beteranong mang-aawit sa kanya.

Gayundin, si Gary Valenciano ay hindi pinaglagpas ang pagduduweto sa kanya sa mga nakaraang pagtatanghal ni Armie kasama si Nonoy Lopez.

Pati na ang kanyang malayong pinsan na si Nonoy Zuñiga ay nakipamista sa kanyang talento sa pagkanta.

Kaya paano sasabihing walang pangalan sa industriya si Armie Zuñiga?

Kung gayon, sa bisa ng kanyang talino sa musika, bigyan natin siya ng mas malaki at mas maningning na pangalan sa mga susunod na araw.