Uncategorized

Mga reklamo sa 2010 Metro Manila Film Festival Philippines awards night


Hindi natapos ang ika-36 awards night ng Metro Manila Film Festival Philippines kamakailan sa Meralco Theater nang walang alingasngas. At halos taun-taon ay ganito ang eksena. Ang pangunahin sa mga reklamador sa resulta ng 2010 MMFFP gabi ng parangal ay si Joan Cabaldo-Bañaga, ang Line Producer ng pelikulang “Rosario” ng Cinemabuhay at Studio 5. Bagamat […]

Hindi natapos ang ika-36 awards night ng Metro Manila Film Festival Philippines kamakailan sa Meralco Theater nang walang alingasngas.

At halos taun-taon ay ganito ang eksena.

Ang pangunahin sa mga reklamador sa resulta ng 2010 MMFFP gabi ng parangal ay si Joan Cabaldo-Bañaga, ang Line Producer ng pelikulang “Rosario” ng Cinemabuhay at Studio 5.

Bagamat hindi naman siya ang nagsimula ng reklamo dahil kami ang nagbukas ng usapin sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanya kung ano ang kanyang reaksyon sa resulta ng timpalak, may sentimiyento pa rin siyang kinikimkim sa kanyang puso’t isip.

“Ano ang msasabi mo sa resulta ng 2010 MMFFP awards night?” tanong namin.

Kasi nga’y ni hindi man lang nominado si Albert Martinez bilang best director para sa kanyang pelikulang “Rosario” na hindi siya artista kundi nasa likod siya ng kamera.

“Bakit gano’n? Graded A naman kami ng Film Evaluation Board at nanalo kami ng mga technical awards pero bakit hindi man lang nominated si Albert? Hindi ko maipaliwanag,” pahayag ni Cabaldo-Bañaga.

***

Ang isa pa’y si Jennylyn Mercado na siyang bida at title role ng “Rosario.”

Ni banggit ng nominasyon ay walang nakamtan si Jennylyn samantalang bago ang gabi ng parangal ay marami nang umasa na isa si Mercado sa magiging nominee sa kategorya.

‘Yon pala’y bokya siya.

Ang ibig bang sabihin nito ay wala siyang kuwentang aktres at walang kalatuy-latoy ang kanyang pagganap sa pelikulang ito?

Pinaghandaan pa naman ni Jennylyn ang kanyang pagdalo sa gabi ng parangal dahil kuntodo Pepsi Herrera pa ang gumawa ng kanyang kasuotan.

Kaya nga nakadagdag pa ito sa tensyon at komplikasyon sa pagiging line producer ni Joan.

Pati lahat ng mga nasa likod ng produksyon ay nadismaya sa resulta ng awards night.

***

Sa panig ng nominasyon, binago na kasi ang panuntunan sa pagpili sa mga nominado hindi tulad ng mga nakaraang pestibal na sandamukal ang mga nominasyon na binabasa ng mga presenter sa rostrum.

Ngayong taong ito, nirebisa ang regulasyon.

Ginawa na lang o nilimitahan ang bilang ng nominasyon sa tatlo.

Kaya si Albert ay wala sa pangunahing tatlo ng pagiging pinakamahusay na direktor na pinanalunan ni Wenn V. Demaras para sa pelikulang “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” ng Star Cinema.

Gayunman, tinanggap nang mahinahon ni Martinez ang kanyang kapalaran.

“At least, I did my best. It was a good fight. Saka na lang ako babawi,” wika ni Little, palayaw noon pa ni Albert.

Ang nanggagalaiti sa inis at dismaya ay ang kanyang misis na si Liezl Sumilang-Martinez.

Sinabi ni Liezl na nabigo ang kanyang inaasam.

“It’s ridiculous. But I think the people knew that he won in their hearts and minds,” sabi ni Liezl na halos mapatid ang mga ugat na leeg sa pagsasalita.

***

Hindi rin nominado si Kris Aquino para sa “Dalaw” ng Star Cinema at Cine Media sa direksyon ni Dondon Santos.

Ang ganda pa naman ng gown ni Kris at kasama pa naman niya si James Yap sa bulwagan.

Ang nominado sa best actress category siyempre ay sina Ai Ai de las Alas para sa “Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na ‘To)” na siyang itinanghal na panalo, Carla Abellana para sa “Shake, Rattle & Roll” ng Regal Entertainment at Marian Rivera para sa “Super Inday and the Golden Bibe” ng Regal Films.

Kaya lang, ang akala ni Ai Ai ay nominado sina Jennylyn at Kris dahil nang tanggapin niya ang kanyang tropeyo ng karangalan ay inihandog pa naman niya ito sa dalawang aktres.

“Inihahandog ko rin ito sa mga co-nominees ko na sina Jennylyn at Kris,” sabi ng komedyana na maling impormasyon.

Nasa likod kasi ng tanghalan ni de las Alas habang binabasa ang mga nominado sa kanilang kategorya at marahil ay hindi niya naririnig ang pagtawag sa mga nominees at pinanindigan na lang niya sa kanyang puso at isip bago pa man siya magtungo sa Meralco Theater na kalaban niya sina Mercado at Aquino dahil mga bida ito sa dalawang pelikulang kalahok.

***

Kabilang naman sa nagwagi sa ibang kategorya na walang kinalaman sa pag-arte sina Dennis Trillo at Jennylyn, Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Sam Pinto.

Nag-uwi ng karangalan sina Dennis at Mercado bilang Male at Female Best Dressed, sa pagkakasunud-sunod, na inihandog ng beauty consultant na si Ellen Lising.

Samantala, ang UK ni Louie Gamboa ang nagbigay ng mga karangalan kay Ramon bilang Male Face of the Night at Sam bilang Female Face of the Night.

Malaki na ang naiunlad ng kumpanya ng mga produktong pampaganda ni Louie mga ilang taon na ang nakakaraan nang kanya itong simulan.

Nang tanggapin naman ni Bong ang kanyang napanalunan, nagtanong siya sa publiko ng “Bakit ako?”

Siyempre, ang tugon naman ni Gamboa kahit sa kanyang upuan ay “because he is gorgeous and his skin is well-toned.”

At bakit si Pinto naman ang nagwagi ng Female Face of the Night?

“She’s really beautiful,” pagpapamarali ni Louie sa apat na sulok ng Meralco Theater.