Komunidad sa North Triangle, muling naghahanda sa demolisyon


Anim na buwan makaraan ang kanilang magiting na paglaban, muling naghahanda ang mga mamamayan ng Sityo San Roque at iba pang komunidad sa North Triangle, Quezon City laban sa panibagong banta ng demolisyon sa Marso 15. Ayon sa mga residente, nakatanggap sila ng impormasyon na muling dadagsa ang mga demolition team ng National Housing Authority […]

Pinulong ng alyansang kontra sa QC Central Business District ang mga residente sa North Triangle para sa paghahanda sa bantang demolisyon sa Marso 15. (Ilang-Ilang Quijano)

Anim na buwan makaraan ang kanilang magiting na paglaban, muling naghahanda ang mga mamamayan ng Sityo San Roque at iba pang komunidad sa North Triangle, Quezon City laban sa panibagong banta ng demolisyon sa Marso 15.

Ayon sa mga residente, nakatanggap sila ng impormasyon na muling dadagsa ang mga demolition team ng National Housing Authority (NHA) para gibain ang mga kabahayan upang bigyang-daan ang proyektong QC Central Business District.

Noong Setyembre 23, 2010, nauwi sa karahasan ang tangkang demolisyon ng pinagsanib na puwersa ng NHA at pulisya sa bahagi ng komunidad sa may EDSA Ave, at nagparalisa ng trapik doon.

Dahil sa paglaban ng mga residente, napigilan ang mga demolisyon at natulak si Pang. Beningo Aquino III na ideklara ang moratorium sa demolisyon. Magtatapos ang nasabing tatlong-buwang moratorium sa Marso 24.

Ngunit ayon kay Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, naipaabot sa kanila na iniuutos na mismo ni Pangulong Aquino kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na ituloy ang demolisyon sa North Triangle kahit di pa man tapos ang moratorium, sa kondisyon na wala umanong masasaktan.

“Masyado na raw naaantala ang proyekto. Ipinapakita ni Aquino na talagang hindi mga mamamayan ang kanyang tunay na ‘boss’ kundi ang malalaking negosyante,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ang 29-ektaryang Sityo San Roque ay tatayuan ng mga komerisyal na establisimyento ng debeloper na Ayala Land Corp. Sa 10,000 orihinal na residente rito, tinatayang kalahati ang tumanggap na sa alok ng NHA na relokasyon sa Montalban, Rizal.

Pero ayon sa mga residente, marami na ang nagsisibalikan sa San Roque dahil sa kawalan ng kabuhayan at pangunahing mga serbisyo sa Montalban.

Kahapon, Marso 13, pinulong ng Contra CBD Alliance ang mga mamamayan ng North Triangle sa Brgy. Central, na misteryosong nasunog ang daan-daang kabahayan ilang linggo lamang ang makaraan.

Hinikayat ng kagawad na si Josie dela Torre ang mga residente na sumama sa itatayong mga barikada para labanan ang demolisyon. “Sana po, mga kapitpabahay ko, yung mga hindi pa nagpapa-relocate, o yung mga nagpa-relocate na gustong bumalik, bumalik kayo para sumakit muli ang ulo ng NHA. Mas maganda nang mamatay na lumalaban, kaysa mamatay sa gutom,” aniya.

Bandang alas-singko ng hapon, nagsagawa naman ng noise barrage sa EDSA Ave. ang mga kabataan mula sa San Roque at mga tagasuporta nila.

“Nananatili ang batayan ng dakilang pagdedepensa kontra demolisyon noong nakaraang taon: walang pamalit ang gobyerno sa kabuhayang mawawala sa mga taga-San Roque. Walang karapatan ang gobyerno na puwersahin ang mga mamamayang tumira sa lugar na hindi naman angkop sa tao,” pahayag ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Mag-uumpisa ang vigil at pagtatayo ng mga barikada sa EDSA Ave. at Agham Rd. ngayong gabi.