KMU: Dagdag-sahod ng RWB, P26 lang ang pinakamataas sa kasaysayan
Inihayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi ito makikipagkompromiso sa iginigiit na legislated na dagdag-sahod, kaya’t hindi magsasampa ng petisyon sa mga Regional Wage Board (RWB). Kahapon, inanunsiyo ng RWB sa Metro Manila na didinggin nito ang mga petisyon para sa dagdag-sahod. Ngunit ayon sa KMU, sa kasaysayan ay hindi pa lumalampas sa P26 ang […]

Inihayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi ito makikipagkompromiso sa iginigiit na legislated na dagdag-sahod, kaya’t hindi magsasampa ng petisyon sa mga Regional Wage Board (RWB).
Kahapon, inanunsiyo ng RWB sa Metro Manila na didinggin nito ang mga petisyon para sa dagdag-sahod.
Ngunit ayon sa KMU, sa kasaysayan ay hindi pa lumalampas sa P26 ang ibinibigay na dagdag-sahod ng RWB–isang malinaw na ebidensiya ng kabiguan nitong magbigay ng dagdag-sahod na magbibigay sa mga manggagawa ng ginhawa, sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Ito ay isa lamang taktika ng gobyernong Aquino para pahinain ang malalaking protesta ng mga manggagawa’t mamamayan para sa makabuluhang dagdag-sahod at laban sa overpricing ng mga produktong petrolyo,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Matagal nang nananawagan ang militanteng sentrong unyon ng abolisyon ng mga RWB.
Ayon sa grupo, “inasahan na nila” ang hakbang na ito. Anila’y hindi ito magpapahupa, bagkus magpapatindi pa nga ng galit ng mga mamamayan na tutungo sa lansangan sa Mayo 1, Araw ng Paggawa na binasagang People’s and Workers’ Day of Outrage.
Inihalintulad ni Labog ang dagdag-sahod sa pamamagitan ng RWBs sa oil subsidy para sa sektor pangtransportasyon, na “kakarampot at wala nang halaga dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng mga presyo.” Ipinapakita rin umano ng mga hakbang na ito ang pakikipagsabwatan ng gobyerno sa malalaking kompanya ng langis at kapitalista.
Samantala, hindi naman naniniwala ang grupong Anakbayan na may batayan ang sinsabi ng gobyerno na “hindi kaya” ng mga kapitalista ang malaking dagdag-sahod, at na dapat itong magkaroon ng boses sa mga konsultasyong ipapatawag ng RWB.
“Ang mga manggagawa lamang ang dapat magsabi kung gaano kalaki ang dagdag-sahod na nararapat sa kanila. Alam nila kung kakayanin ito ng kapitalista, dahil nakasabak sila sa produksiyon. Sa kabilang banda, alam din ito ng kapitalista, pero ginagawa nito ang lahat para protektahan ang kanilang tubo,” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Ipinunto niya na ayon sa dating economic manager ng administrasyong Arroyo na si Joey Salceda, tumubo ng P2.1 Trilyon ang nangungunang 1000 kompanya sa bansa.
Kaya’t ayon sa lider-kabataan, kayang-kayang ibigay sa mga manggagawa ang P125 na pambansang dagdag-sahod na iginigiit nitong isabatas ng gobyernong Aquino.