Karaban kontra Balikatan, isinagawa sa Tarlac


Sinugod ng organisadong mga magsasaka at iba pang progresibong grupo ang Camp Servillano Aquino sa Tarlac upang irehsitro ang pagtutol sa presensiya ng militar ng US sa Gitnang Luzon sa uri ng Balikatan Military Exercises. Nakiisa din sila sa laban ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita para sa tunay na reporma sa lupa.

Tumungo ang militanteng grupo sa Tarlac upang irehistro ang kanilang pagtutol sa nagaganap na PH-US Balikatan Exercises sa Gitnang Luzon.

Unang tinungo ng karaban ang Clark Freeport, na tumatayong simbolo anila ng presensiya ng tropang Kano sa bansa. Ang Freeport ay ang dating airbase na itinayo ng gobyernong US para sa mga tropa nilang ibinase sa bansa magmula noong simula ng ika-20 siglo.

Muling tangkang pigilan ng militar ang mga militante na magprotesta sa harap ng kampo nito sa Tarlac. (Darius Galang)

Tumulak naman sila sa Camp Servillano S. Aquino sa Tarlac upang ipagpatuloy ang pangangalampag sa militar at irehistro ang kanilang pagtutol sa pagbisita ng tropang kano.

Para kay Rep Rafael Mariano ng Anakpawis Party-list, ang kasalukuyang Balikatan ay isang mayor na bahagi ng “Oplan Bayanihan” na inilulunsad ng administrasyong Aquino.

“Ang Oplan Bayanihan at ang US-PH Balikatan ay parehong nakatuon sa marahas na pagsupil sa paglaban ng sambayanang Pilipino, na pinapatamis ng pinangangalandakan nilang ‘kapayapaan, pag-unlad, at respeto sa karapatang pantao,” ang pahayag ni Mariano.

Nanawagan si Mariano sa pagbabasura ng mahigit limampung taon nang kasunduang RP-US Mutual Defense Treaty at ng Visiting Forces Agreement. Para sa progresibong mga grupo, ang patuloy na panghihimasok ng US sa bansa ay itinatago sa bansag na ‘humanitarian missions at civic actions’ na nakabalangkas sa US Counter-Insurgency Guide.

“Ang patuloy na presensiya ng tropang Kano sa bansa ay malinaw na nagpapakita na hindi naiiba si Aquino sa mga naunang pangulo sa usaping (in terms of) pagiging tuta ng US,” dagdag ni Mariano.

Kasama sa karaban ang iba pang progresibong grupo gaya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, Pamalakaya, ACT Teachers Party-list at Gabriela Women’s Party.