Ayaw paalisin sa entablado: Handog ng mga musikero sa kanilang tinubuang bayan
Naging banal pa rin ang Sabado de Gloria sa pamamagitan ng palabas na “Masters & Diva Homecoming,” ang natatanging pagtatanghal ng Amazing Diva na si Armie Zuñiga, ng piano prodigy na si Nelson Olalde at ng beteranong saxophonist at flutist ng Watawat Band ni Freddie Aguilar na si Pete Canzon sa Big Boy Recreational Hub sa […]
Naging banal pa rin ang Sabado de Gloria sa pamamagitan ng palabas na “Masters & Diva Homecoming,” ang natatanging pagtatanghal ng Amazing Diva na si Armie Zuñiga, ng piano prodigy na si Nelson Olalde at ng beteranong saxophonist at flutist ng Watawat Band ni Freddie Aguilar na si Pete Canzon sa Big Boy Recreational Hub sa Calle Anda sa Lopez, Quezon.
Lalo pang naglatag ng nanduduyan na musika ang mga awitin, tunog at himas ng mga melody ng mga artistang ito kahit na ilang oras pa ang pagkabuhay na manag-uli ni Hesukristo.
Taga-Calauag, Quezon sina Armie at Nelson samantalang may dugong-Lopez si Pete kaya ang mga tagumpay na kanilang nakamtan sa daigdig ng musika ay iniaalay at ibinabalik nila sa kanilang mga kababayan.
Natuwa ang mga kababayan nila sa kanilang handog na musika sa mga nagpanday at huminog sa kanilang sining.
Dahil ito naman talaga ang layunin ng konsiyertong ito at nakamtan naman sa loob lamang ng isa’t kalahating oras na pagtatanghal.
***
Una nang nagparinig ng tula si Joma Malihan, ang nasa unang taon sa mataas na paaralan sa Lopez National Comprehensive High School sa Lopez sa saliw sa piyano ni Conde Ubaldo, Jr., ang isa sa mga anak ng pangunahing namayapang alalay at katrabaho bilang aktor ni Dolphy na si Mang Conde.
“Kahinaan, Hanggang Kailan” ang pamagat ng tula ni Joma at nagwagi ito sa “I” Inspire The World Writing Contest na inorganisa ni Doc Penpen, isang pathologist o doktor ng medisina.
Masyadong direkta ang berso ni Joma at sumasalim sa kanyang edad at ang kanyang pagtanaw sa mundo pero dahil sa wala pa namang malalim at edukadong kaalaman sa pagsulat ng taludtod si Malihan, simple lang ang kanyang pagtula tungkol sa gasgas nang paksa ng tunggalian ng mabuti at masama.
***
Pagkatapos ni Malihan, na dayo sa Lopez, tumugtog ng kanyang musika sa tiklado ng ebony at ivory si Nelson at nakakapagpaduyan sa sarap at diwa ang kanyang mga indayog.
Pagkatapos ay si Armie na ang sumunod at mga samba at Bossa Nova ang kanyang binanatan subalit dahil ang Lopez ay isang antuking bayan at masang-masa dahil pagsasaka ang ikinabubuhay, hindi pa sopitikadong tunay ang paghimas at pagyakap nila sa mala-Latinong tipa ng klase ng musikang ito.
Nang sumampa na sa tanghalan si Pete ay nagkagulo na sa paghanga ang mga tao lalo na sa pag-ihip niya sa kanyang sax.
Palakpakan nang masigabo ang mga tao.
Pero humiling ang mga tagapakinig na tugtugin ni Canzon ang “Careless Whispers” pero sa mga sandaling ito ay humiling din si Pete na saluhan siya ni Zuñiga sa kanyang pagsaliw kasama si Ubaldo sa piyano na sinunod naman ng babaing ito.
Lalong nahalina ang mga tao nang umindak pa nang malumanay at nag-anyong seksi ang aktres at bituin dahil ang kanta ay may sekswal na konotasyon sa video scandal nina Katrina Halili at Hayden Kho.
***
Magmula noon ay hindi na hiniwatan ng mga manonood ang galing ng hagod ni Zuñiga, ang pag-ariba ni Canzon, ang pagsalipawpaw sa kaluwalhatian ng pagtipa sa piyano nina Ubaldo at Olalde.
Nagpakalulong ang mga tao sa nakakalulang arte ng mga musikerong ito lalo na kay Armie na ayaw nang bitiwan ng mga tao sa kanyang husay.
***
Nagbiyahe pa mula sa Maynila ang patnugot at peryodistang pampelikula na si Art Tapalla, ang international na aktres at make-up artista, ang balo ni Conrad Poe na si Zeny Marcelo-Poe at ang international boxing judge na si Rey Danseco para lang mapanood ang pagtatanghal ng mga taga-Quezon na ito.
Bagamat si Rey ay taga-Calauag at nagkataong nagbabakasyon din pero ang kanyang presensiya sa dulaan ay talagang kinakitaan ng kanyang wagas na suporta.
***
Sumuporta rin ang mga kababayan nating sina Dr. Nestor de la Rosa, Ted Tejada, Engr. & Mrs. Manny Argante, Mr. & Mrs. Bertini Arriero, G. at Gng. Melville Villasanta at ang mga kaibigan nating sina Boy Abunda, Marcelo-Poe, UNTV sa pamamagitan ni Daniel Razon, Louie Gamboa at ang kanyang UK Derm Pharma, Ria Garcia ng pelikulang “Ismael” ni Richard Somes katambal sina Mark Gil at Ronnie Lazaro, Ronald K. Constantino ng Tempo, Madam Suzette Arandela at Jowee Morel at marami pang iba.
Napapag-usapan na rin lang si Jowee, bumalik na sa London ang kontrobersyal na direktor.
Napapirma na rin niya si Pilar Pilapil para sa pagsasapelikula ng ”Leona Calderon,” ang kuwento ng isang Overseas Filipino Worker na may uterine cancer at hindi malaman kung uuwi sa Pilipinas at dito na mamamatay o mananatili siya sa United Kingdom.