Ang kaarawan ni Bong Revilla at ang kamatayan ng asawa ni Camille Prats
Tunay na daloy ng buhay ang pinakahuling dalawang kaganapan sa showbiz, ang pagdiriwang ng kaarawan ni Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa sa mga aktor at senador ng bansang ito at ang pagtangis ni Camille Prats sa maagang pagyao ng kanyang asawang si Anthony Linsangan. Bagamat ang isa ay nakangiti at ang isa ay lumuluha, ang […]
Tunay na daloy ng buhay ang pinakahuling dalawang kaganapan sa showbiz, ang pagdiriwang ng kaarawan ni Ramon “Bong” Revilla, Jr., isa sa mga aktor at senador ng bansang ito at ang pagtangis ni Camille Prats sa maagang pagyao ng kanyang asawang si Anthony Linsangan.
Bagamat ang isa ay nakangiti at ang isa ay lumuluha, ang dalawang larawan ng maskara ng showbiz ang ipinamamalas ng mga okasyon at tunay na showbiz na showbiz dahil malalim, malawak, makulay, matalinghaga, masalimuot, maintriga, matsismis, matunggali, maadamdamin, maintelektwal, masinsin ang mga ito.
Ipinapakita ng piging ni Bong ang kapangyarihan niya sa lipunang ito, kapangyarihang nanggagagaling sa mamamayan at hindi lang sa kanya dahil sa pamamagitan ng pagboto at panonood sa kanya ang sukatan ng pagkakaloob sa kanya ng kapangarihang ito pero siyempre’y ang pamamaraan na lang ng kanyang paglilingkod ang ibinabalik niya sa mga nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan.
Tanging ang mga kasama niya sa pagganap sa kapangyarihan ang nasa kanyang okasyon tulad ng mga kapwa niya senador na sina Juan Ponce-Enrile, Loren Legarda, Jinggoy Estrada at Franklin Drilon.
***
Gayundin, dahil si Lani Mercado na kanyang asawa ay pinagkalooban din ng kapangyarihan ng mga taga-Cavite bilang kongresista ng kanilang lugar, ang mga kongresman o kongreswoman ay nandoon sa kaarawan ng kanyang esposo.
Kasali si Bong sa proseso ng sosyo-pulitikal na rekositos kaya naman siya at taung-tao na nakikipaglangkap sa gawaing ito anuman ang mga motibo at resulta ng mga ito.
Ang pinakatampok na eksena sa kanyang kumpleanyo ay ang pagdalo ng dating presidente ng Pilipinas na si Joseph Estrada na bukod sa artista ay pulitiko pa.
Matatandaan na tinalikuran ni Bong si Joseph nang magreklamo ang mga mamamayang Filipino sa klase ng kanyang pamamahala at nang malapit na siyang mapatalsik ay iniwan na siya ni Revilla at mukhang nakalimutan na inaanak ang kapangyarihang inasahan sa kanya ng mga Estrada at ng sambayanan bastat ang mahalaga ay mailigtas niya ang kanyang sarili sa panganib ng pagkawala ng kapangyarihan at maipagpatuloy ang kanyang takbo ng utak at maging ng pagtugon ng mga payo sa kanya.
***
Dumalo rin sa kaarawan ni Revilla ang mga nakikibahagi sa kapangyarihan mula sa iba’t ibang sangay ng lipunan.
Nandoon si Shalani Soledad kasama ang kanyang kasintahang si Roman Romulo na kinatawan ng Pasig sa Kongreso.
Pati na sina Phillip Salvador, Amay Bisaya, King Gutierrez, Ricky Davao, Efren Reyes, Jr., Annabelle Rama, Eddie Gutierrez, Portia Ilagan at iba pa ay nakiisa sa mahalagang araw ni Junior.
Larawan ito ng puwersa ng pulitika na kumakatawan sa pamayanan.
***
Samantala, batambata nang iwan ng kanyang mister ang aktres na si Camille Prats nang pumanaw ang kanyang asawang si Anthony Linsangan nang dahil sa kanser sa lalamunan at ilong.
Umagos ang luha sa pahimakas ni Camille sa kanyang minamahal na asawa.
Hindi madalumat ni Prats ang maagang pagbawi sa kanya ng kaligayahan sa pag-ibig bagamat biniyayaan sila ni Anthony ng isang anghel, ang tatlong taong gulang na si Nathan Prats Linsangan.
Kakakasal lang noong isang taon nina Camille at Anthony at parang kung kailan lang ay ang saya-saya nilang pamilya pero sa isang iglap ay napawi ang kaligayahang ‘yon nang dahil sa kamatayan.
Gayunman, nakiramay sa kanila ang maraming kaibigan, kaanak, kasamahan sa trabaho, tagahanga.
Kabilang sa mga nakisimpayta sina Rachelle Ann Go, ang matagal na syota ni John Prats, Isabella Ledesma Gonzales, Gian Magdangal at marami pang iba.
Ngayon ay nakikibakang mag-isa si Camille sa buhay katuwang ang kanyang mga mahal sa buhay.