Ang pagyao ni Ram Revilla
Patay sa mga tama ng baril at mga saksak ang batang aktor na si Ram Revilla, anak ni Ramon Revilla, Sr. sa batambatang nag-aktres noon sa “That’s Entertainment” na si Genalyn Magsaysay. Pinatay si Ram, nagbida sa pelikulang “Anak ka ng Ama mo,” ng maskaradong suspek sa kanyang silid samantalang ang kasintahan ng bituin na […]
Patay sa mga tama ng baril at mga saksak ang batang aktor na si Ram Revilla, anak ni Ramon Revilla, Sr. sa batambatang nag-aktres noon sa “That’s Entertainment” na si Genalyn Magsaysay.
Pinatay si Ram, nagbida sa pelikulang “Anak ka ng Ama mo,” ng maskaradong suspek sa kanyang silid samantalang ang kasintahan ng bituin na si Jenelle Manahan ay binaril sa may mukha nito at nakaratay ngayon sa Asian Medical Hospital sa Alabang.
Ayon sa peryodistang pampelikula na si Art Tapalla, naliligo si Revilla sa banyo na nasa kanyang kuwarto nang makarinig ito ng putok ng baril.
Kagyat na lumabas ang action star at agad siyang binaril pagkuwan ay pinagsasaksak ng labing-isang beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
***
Papunta na pala noon sina Ram at Jenelle sa Baguio City kung saan magtatagapos sa Philippine Military Academy ang isa sa kanyang nakababatang kapatid.
Siyam na magkakapatid si Ram at siya ang panganay sa mga ito.
Samantala, ang kanyang babaing kapatid na si Ramona Bautista ay nakita ang duguang utol na nakahandusay sa sahig kaya tinulungan niya ito.
Pero dinala rin si Ramona ng salarin at isinakay sa kotse palabas ng subdibisyon sa BF Homes Paranaque, ang BF Homes Phase 6-A.
Ibinaba ng suspek ang dalagang Bautista sa tapat ng Starmall sa Las Pinas City at mula roon ay natungo ito sa himpilan ng pulisya para isumbong ang nangyari.
***
Ang dalawa sa mga unang dumating sa Paranaque Medical Center sa Paranaque City kung saan dinala si Ram subalit wala na itong buhay nang dumating sa pagamutan ay sina Ramon “Bong” Revilla, Jr., isang aktibong aktor at senador ng bansa at ang anak nitong si Brian Revilla.
Pagkatapos ay sumunod sa kanila si Jolo Revilla.
Maglalaan ang mga Revilla ng halagang P500,000.00 na pabuya sa kung sinuman ang makapagtuturo sa kinaroroonan ng salarin.
Hindi titigil ang mga Revilla sa pagkakamit ng katarungan para sa kanilang kaanak.
***
Nakalagak ang mga labi ni Ram, Ramgen Magsaysay Bautista Revilla sa tunay na buhay, sa Angelus Eternal Garden sa pinakabayan ng Imus, Cavite.
Kabilang sina Jinggoy Estrada, ER Ejercito, Bangs Garcia, Gretchen Pullido, Phillip Salvador, King Gutierrez, Maita Sanchez, Zeny Marcelo-Poe, balo ni Conrad Poe, Digna Bonnin, balo ni Bernard Bonnin at mga kaanak ni Ram sa mga nakipaglamay.
Siyempre’y nandoon sina Lani Mercado, Stryke Revilla, Marlon Bautista, Andrea Bautista Ynares, Gigi de la Riva, Rowena Bautista, ang mag-aamang Bong, Brian at Jolo, Portia Ilagan at marami pang kaanak.
Sa hanay ng mga peryodistang pampelikula, nandoon sina Raymund Vargas, Luz Candaba, Art Tapalla, Linda Cabuhayan at Anthony Solis.
Humabol talaga sa Araw ng mga Patay ang pagpanaw ni Ram na kakandidato sanang konsehal sa Imus sa 2013.