Militanteng kababaihan, umalma sa P6/kg pagtaas ng presyo ng LPG


Umalma ang grupong pangkababaihan na Gabriela sa pagtaas ng P6/kg, o kabuuang P66 kada 11-kg na tangke, sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong Pebrero.

Kasabay ng pagpanawagang ibaba ang presyo ng batayang mga bilihin, nananawagan din ang Gabriela ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. (Macky Macaspac / PW File Photo)
Kasabay ng pagpanawagang ibaba ang presyo ng batayang mga bilihin, nananawagan din ang Gabriela ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. (Macky Macaspac / PW File Photo)

Umalma ang grupong pangkababaihan na Gabriela sa pagtaas ng P6/kg, o kabuuang P66 kada 11-kg na tangke, sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong Pebrero.

Ayon sa Gabriela, magdudulot umano ito ng “masakit na hagupit sa naghihingalo na ngang badyet ng karaniwang pamilyang gumagamit ng LPG.” Ito umano ang pinakamataas na LPG price hike na kanilang naitala sa ilalim ng administrasyong Aquino.

“Dagdag itong panibagong pagtaas sa presyo ng LPG sa mahabang listahan ng mga bilihin at bayarin gaya ng yutilidad na walang awat na nagtataasan,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sinabi pa ni Linaban na “hindi na magkandaugaga” ang mga nanay sa maralitang mga komunidad sa kung paano pagkakasyahin ang dumadausdos na halaga ng kita ng pamilya.

Galit din umano sila sa “pagiging kampante at walang aksiyon (ng administrasyong Aquino) para kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin na matagal nang nagpapahirap sa kababaihan at kanilang pamilya.”

Sa kabila ng mga pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo, sinabi ng Gabriela na nararapat lang na seryoso at sa kagyat ay dinggin na ng gobyerno ang matagal nang panawagang ibasura ang Oil Deregulation Law na siyang “nagbibigay kapangyarihan sa mga dambuhalang korporasyon ng langis na manipulahin ang presyo.”

Iminungkahi din nila ang pagtanggal sa ipinapataw na 12-porseiyentong Value-Added Tax (VAT) sa langis at mga pangunahing bilihin para mapababa ang presyo at magbigay luwag sa dibdib ng mga konsiyumer, laluna sa maralitang kababaihan.

Sinabi ng Gabriela na magsasagawa sila ng malawakang kampanya sa mga palengke para suportahan ng mga mamamayan ang laban sa pagtaas ng presyo.