Dagdag singil sa SSS na gagamitin sa PPP, kinontra ng mga obrero
Tinawag na “baligtad na Robin Hood” ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang plano ng Social Security System (SSS) na dagdagan ang singil o kontribusyon ng mga miyembro nito, at gamitin sa mga “alanganing proyekto” sa ilalim ng Private Public Partnership (PPP) ng gobyerno. Maglulunsad din ng mga protesta sa mga susunod na linggo ang grupo […]
Tinawag na “baligtad na Robin Hood” ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang plano ng Social Security System (SSS) na dagdagan ang singil o kontribusyon ng mga miyembro nito, at gamitin sa mga “alanganing proyekto” sa ilalim ng Private Public Partnership (PPP) ng gobyerno.
Maglulunsad din ng mga protesta sa mga susunod na linggo ang grupo laban sa naturang plano.
“Plano ng SSS na nakawin ang pinaghirapang kita ng mga manggagawa at gamitin ito para sa mga malalaking lokal at dayuhang negosyo. Hindi namin ito papayagan,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Kamakailan, inanunsyo ni SSS President at Chief Executive Officer Emilio de Quiros na itataas ng ahensiya ang premium ng bawat miyembro nito sa 11 porsiyento mula 10.4 porsiyento.
Sinabi niyang kailangang taasan umano ang nakukuhang pensiyon ng mga manggagawa. Kasabay ng pag-anunsiyo, sinabi din ni de Quiros na handa ang SSS na ipuhunan ang P50-Bilyon para sa mga proyektong nasa ilalim ng PPP.
“May pondo ang SSS upang madagdagan ang pensiyon ng mga manggagawa na hindi na kailangang itaas ang premium. Gusto namin ng dagdag pensiyon ngunit hindi manggagaling sa aming premium,” reaksiyon ni Labog sa plano ng ahensiya.
Sinabi pa ni Labog na plano lamang ng SSS na kunin mula sa mga kontribusyon ng mga manggagawa ang “pagtulong” nito (tulad ng sa SSS) sa mga proyekto ng PPP at malalaking kapitalista na nagnanais ng katiyakan sa kanilang puhunan.
“Mukhang ignorante itong si de Quiros, dahil sa katotohanan ang pondo ng SSS ay pag-aari ng mga manggagawa at hindi ng gobyerno at mga kapitalista. Dapat interes ng manggagawa ang isipin ng SSS,” sabi pa ni Labog.
Ayon sa KMU, malaking kabawasan din sa minimum na sahod (P404 idagdag pa ang P22 Cost of Living Allowance) ang makakaltas sa oras na ipatupad ang dagdag singil sa premium, katumbas na rin umano nang P60 na kaltas sa sahod ang 0.6 porsiyento dagdag sa premium.
“Sa halip na maserbisyuhan ang mga manggagawa, pinagpa-planuhan naman ng SSS na pahirapan ang aming buhay. Mas papaliitin pa ng plano ang kakarampot naming sahod, at sa panahong ipinagkakait sa amin ang makabuluhang dagdag sahod,” sabi pa ni Labog.
Dagdag pa ni Labog, sa gitna ng nagtataasang presyo ng produktong langis at iba pang batayang bilihin at serbisyo, ang pagbawas sa sahod ng mga manggagawa ay “kalabisan na.”