Uncategorized

Ang paninindigan ni Tikoy Aguiluz sa produksiyon ni ER Ejercito


Tuluyan nang iniwan ni Tikoy Aguiluz, tinaguriang maverick director, ang pagtatapos sa obrang “El Presidente: The General Emilio Aguinaldo Story” na pinagbibidahan at ipinoprodyus ni ER Ejercito, ang gobernador ng Lalawigan ng Laguna. Nasimulan na ni Tikoy ang maraming tagpo at eksena para pelikulang tumalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ni Emilio Aguinaldo pero nang dagdagan […]

Tikoy Aguiluz

Tuluyan nang iniwan ni Tikoy Aguiluz, tinaguriang maverick director, ang pagtatapos sa obrang “El Presidente: The General Emilio Aguinaldo Story” na pinagbibidahan at ipinoprodyus ni ER Ejercito, ang gobernador ng Lalawigan ng Laguna.

Nasimulan na ni Tikoy ang maraming tagpo at eksena para pelikulang tumalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ni Emilio Aguinaldo pero nang dagdagan o bawasan ng kampo ni ER ang idinirek ding obra ni Aguiluz na “Manila Kingpin Asiong Salonga Story,” nagpasya ang direktor na tapusin ang pakikipag-ugnayang komersyo sa pulitikong aktor.

Nais ni Tikoy na mapanatili ang kanyang mga prinsipyo’t paniniwala kaugnay sa kanyang sining at kalakal.

Naniniwala si Aguiluz na may kakanyahan ang kanyang likhang-sining at hindi puwedeng pakialaman ng kahit na sinong Ponsiyo Pilato.

***

Bagamat maaaring puwede rin namang pikit-matang tapusin ni Tikoy ang obra tungkol kay Aguinaldo pero may nauna nang pasakalye sa aktitud ni ER sa pagyakap sa mga pilosopiya ng sining ng pelikula.

Hindi dahil sa siya ang prodyuser ng pelikula ay absoluta na ang kanyang karapatan, kapangyarihan at pagkontrol sa gawain ng iba.

Marami ang nagsasabi na para namang hindi naapektuhan ang kabuuang resulta ng pelikula tungkol kay Asiong Salonga dahil bakit nanalo pa ito ng Pinakamahusay na Pelikula sa 2011 Metro Manila Film Festival Philippines awards night kung saan ang paham at edukador na si Roland Tolentino, tagapangulo ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, ay isa sa mga hurado.

Bastat ngayon ay pinaninindigan na ni Aguiluz ang kanyang desisyon.

***

Nagbalik na nga si Nora Aunor mula sa Estados Unidos para tapusin ang pelikula bilang ikalawang asawa ni Aguinaldo sa istorya.

Kahit na sinong direktor ng proyektong ito ay tatanggapin ni Nora dahil ito ay nasa kanyang kontrata kay Ejercito.

Tutuparin na ni Aunor ang nalalabi pa niyang tungkulin kay ER bilang paghahain at pagdudulot ng serbisyo sa isang namumuhunan.

Kahit na walang ingay ang pagbabalik ni Guy sa Pilipinas ay siya pa rin ang Superstar at nag-iisang idolo ng masa.

***

Unang naibalitang si Mario O’Hara ang magpapatuloy ng obra ni ER pero tumanggi na ang premyadong direktor at sinabi niyang ayaw niyang gumawa ng isang proyekto na nasimulan na ng iba.

Ang gusto niya ay siya mismo ang magsisimula.

Ang kapalit ni Tikoy sa responsibilidad ay sina Rico Gutierrez at Mark Meily.

Hindi pa namin nababasa ang iskrip ng “El Presidente…” pero kung si Aguiluz pa rin ang naging direktor nito, ano ang kanyang gagawin at interpretasyon sa kamatayan ni Andres Bonifacio sa poder ni Aguinaldo?

Ano naman kaya ang pamamaraang gagawin nina Mark at Rico kaugnay sa tunay na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas sa pagpapapatay kay Bonifacio ng mga puwersa ni Aguinaldo?

Kailangang tutukan ang mga susunod na kabanata sa buhay nina Ate Guy, ER, Mark at Rico.