Kabataan

Nanalong tagapangulo ng student council sa UPLB, di pa rin naipoproklama


Mahigit isang linggo makaraan ang halalan ng konseho ng mag-aaral sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), hindi pa rin ipinoproklama ng Central Electoral Board (CEB) ang nanalong tagapangulo ng student council dahil sa umano’y di-pagbayad ng kanyang matrikula sa takdang panahon. Ayon sa partidong Sakbayan, maanomalya ang di pagproklama sa nanalong kandidato na si Ynik Ante […]

Ynik Ante, nanalong tagapangulo ng student council ng University of the Philippines Los Baños (Contributed Photo)

Mahigit isang linggo makaraan ang halalan ng konseho ng mag-aaral sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), hindi pa rin ipinoproklama ng Central Electoral Board (CEB) ang nanalong tagapangulo ng student council dahil sa umano’y di-pagbayad ng kanyang matrikula sa takdang panahon.

Ayon sa partidong Sakbayan, maanomalya ang di pagproklama sa nanalong kandidato na si Ynik Ante dahil mismong ang Chancellor ng UPLB na si Rex Victor Cruz ang nag-apruba sa promissory note ni Ante. Gayundin, naunang nagdesisyon ang CEB na payagan ang pagtakbo ni Ante bilang tagapangulo ng University Student Council.

Inilinaw din ng Sakbayan na nakapagbayad na ng kanyang tuition fee si Ante noong Pebrero 29, dalawang oras matapos ang arbitraryong “deadline” na ibinigay ng CEB, ngunit hindi pa rin ito kinilala ng nasabing kapulungan.

Sa isang pulong noong araw na iyon, nagresolba ang CEB na ideklarang tagapangulo ng USC ang natalong kandidato na si Joyce Divino, matapos hindi makapagbayad si Ante ng matrikula bago mag-alas-tres ng hapon. Ngunit ayon kay Ante, napakiusapan niya ang Accounting Division na i-extend ang deadline hanggang alas-singko ng hapon, at nakapagbayad siya bago ang nasabing oras.

Nakapagbayad si Ante na tulong ng mga kapwa-estudyante, na nakalikom ng P11,000 para mapunuan ang kulang sa kanyang tuition fee.

Ayon kay Cristina Majeda, tagapangulo ng Sakbayan, hindi naman dapat isyu ang oras ng pagbayad dahil good as cash ang promissory note, at isang lehitimong estudyanteng nakapag-enroll si Ante. Kasalukuyang inaapela ng partido ang desisyon ng CEB.

Para naman kay Ante, “Ang laban na ito ay hindi lamang laban ng Sakbayan, kundi laban ng mga estudyante. Patuloy akong lalahok sa laban para sa mas malaking sudsidyo mula sa gobyerno at para sa demokratisasyon ng UP.”

Sa gitna ng anunsiyo ng Commission on Higher Education na magtataas ng tuition fee ang mahigit 300 na unibersidad at kolehiyo sa darating na pasukan, nanawagan si Ante sa mga estudyante na ipagtanggol ang karapatan para sa libreng edukasyon.

Si Ante ay isang estudyante ng BA Development Communication at miyembro ng Anakbayan-UPLB. Kabilang siya sa Calamba 7, mga estudyanteng hinuli at panandaliang nadetine matapos magprotesta laban sa polisiya sa edukasyon ni Pangulong Aquino, na dumalo sa komemorasyon sa ika-150 na kaarawan ni Jose Rizal sa Calamba, Laguna noong nakaraang taon.