Sina Francine Prieto at Victor Neri ang nais ipalit kina Alan Paule at Joy Viado
Huli man daw at magaling, naihahabol din. Ito ang huling kabit sa kontrobersya at usapin kaugnay sa gulo sa Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines at Cinemalaya Foundation. May napili na ang Cinemalaya na sampung opisyal na kalahok sa New Breed category ng pestibal at isa si Emerson Reyes sa bilang […]

Huli man daw at magaling, naihahabol din.
Ito ang huling kabit sa kontrobersya at usapin kaugnay sa gulo sa Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines at Cinemalaya Foundation.
May napili na ang Cinemalaya na sampung opisyal na kalahok sa New Breed category ng pestibal at isa si Emerson Reyes sa bilang na ito sa pamamagitan ng kanyang obrang “MNL 143.”
Ang nais isip at bisyon ni Emerson sa kanyang likhang-sining ay sina Alan Paule at Joy Viado ang mga bida dahil ito ang kanyang katwiran, pasya, lohika at damdamin at isip sa bagay sa mga karakter ng kanyang istorya.
Pero hinadlangan ito ni Robbie Tan, ang Monitoring Head ng Cinemalaya.
Ang iba pang opisyal ng organisasyon ay sina Antonio Cojuangco, kilala rin sa tawag na Tony Boy Cojuangco, ang minamahal ni Gretchen Barretto sa mga sandaling ito at siyang Tagapangulo ng Cinemalaya Foundation; Laurice Guillen, ang Competition Director at Nestor Jardin, ang Festival Director.
***
Ang gusto ni Robbie na ipalit kina Alan at Joy ay sina Francine Prieto at Victor Neri dahil kailangan anya ang “greater audience acceptability” bagamat bilib anya siya kina Paule at Viado bilang mga artista.
Pero ang pinag-uusapan nga ay ang reyalismo at katarungan sa pagpili ng tunay na babagay sa mga tauhan.
Ayaw pumayag ni Reyes kaya pinalitan ng Cinemalaya ang kanyang lahok at ipinasok ang isa pang kaibigan ni Emerson na nasa Top 15 ng pilian sa Cinemalaya New Breed category.
***
Kamukat-mukat mo ay si Gino Santos na ang kapalit ni Emerson.
Walang kamalay-malay sina Reyes na wala na sila sa opisyal na listahan ng sampung finalists sa kategorya ng bagong dugong filmmaker.
Kaya nagpoprotesta ang grupo ni Emerson dahil sa kawalan anila ito ng kalayaan sa hanay ng mga gumagawa ng pelikula bilang sining na siyang ipinamamarali ng Cinemalaya.
Sumunod na sa mga nagrereklamo ang mga grupo ng kritiko, ang Young Critics Circle nina Patrick Flores, Nonoy Lauzon at iba at ang University of the Philippines Film Institute.
Pati ang mga indibidwal na alagad ng sining ay napika na rin sa desisyon nina Robbie dahil paano pa kaya tinawag itong Cinemalaya kung hindi malaya ang mga filmmaker na gawin ang kanilang nais.
***
Bagamat wala na si Emerson sa opisyal na talaan ng Cinemalaya ay itinuloy niya ang paggawa ng pelikula at naghanap siya ng ibang mamumuhunan para matuloy ang proyekto.
Nagsu-shooting na ngayon si Reyes pero hindi na niya ito ipapasok sa Cinemalaya New Breed.
Pero kailangang mapanood pa rin ang kanyang produkto kung talagang karapat-dapat siyang ilagay sa pedestal ng pakikibaka sa tunay na mapagpalayaang sining ng pelikula.
***
Ang pinakahuli namang kaganapan sa Cinemalaya ay ang pagbibitiw ni Nestor Jardin sa grupo.
Naninindigan si Nestor sa kalayaan ng mga alagad ng sining.
Gayunman, nananatili ang status quo sa pananaw ni Tony Boy, ang siyang patron ng gawain.
Ano kaya ang magiging epekto nito sa industriya ng pelikulang lokal?
Abangan ang susunod na kabanata.