Mga saksripisyo ng mga taga-showbiz kahit hindi Mahal na Araw


Ang isa sa mga kauna-unahang nagsasakripisyo ngayon sa showbiz kahit noon pa at hindi pa Mahal na Araw ay walang iba kundi ang baguhang TV host na si Jirah, Rolly Pebrer sa tunay na buhay, isang maliit na negosyante pero nangangarap na mailigtas ang kanyang mga naghihirap na kapwa Filipino sa impiyerno ng paghihkahos sa […]

Ang isa sa mga kauna-unahang nagsasakripisyo ngayon sa showbiz kahit noon pa at hindi pa Mahal na Araw ay walang iba kundi ang baguhang TV host na si Jirah, Rolly Pebrer sa tunay na buhay, isang maliit na negosyante pero nangangarap na mailigtas ang kanyang mga naghihirap na kapwa Filipino sa impiyerno ng paghihkahos sa kanyang nalalamang paraan ng pagsasalba sa isang tao.

Alam ba ninyo kung bakit at ito ay sa sukatan ng isang fundamentalist sa relihiyon ng Born Again Christian?

Kasi nga’y milyun-milyong piso na ang nalulugi at nalulustay ni Rolly sa kanyang produksyong pantelebisyon—para makongkreto ay tinataya sa humigit-kumulang sa labinlimang milyong piso o P15M—para sa pagpapatuloy ng “Show Up,” ang tinaguriang “Ang Bagong Game Show ng Bayan” na napapanood sa Channel 4 tuwing araw ng Linggo, alas onse ng umaga hanggang alas dose y medya ng hapon pero hindi pa siya sumusuko.

Pero sumasakit na ang kanyang bulsa.

***

“Gusto ko lang naman pong makatulong sa mga Filipino,” pahayag ni Jirah, ang alter ego ni Rolly kahit na sabihin ng mga taga-showbiz tulad ng Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel at ng kapatid ni Lualhati Bautista na si Marilag Bautista na nakakaawa at hindi pa nauuntog sa pader ang ulo nito para matauhan.

Alam ni Jirah ang mga problema ng mahihirap sa Pilipinas dahil halos liggu-linggo ay nakapila ang mga may suliranin sa kanyang programa—mag-asawang walang maitustos sa pagpapaaral sa kanilang mga anak, may diabetes at baldadong taga-barangay na walang maipagpagamot, may cancer na wala nang maipambili ng lunas sa sakit at iba pang mga kongkreto at kalunus-lunos na pasakit.

“Wala na bang pag-asa ang mga Filipino? Meron pa!” sasabihin niya na parang siyang pinaghalong Willie Revillame at Bro. Mike Velarde sa bahaging “Cash Blessing” ng palatuntunan.

At mamumudmod siya ng pera sa ilan na karapat-dapat sa barangay.

Parang ala-suwerte, tingnan ang buwenas o pag-asam sa tadhana at magandang kapalaran sa pamamagitan ng lotto, “jueteng,” taya sa roleta, perya at iba pa.

Minsan, tumatangis si Jirah sa kalunus-lunos na kapalaran ng mga Filipino kaya ibinabahagi niya ang yaman na nakamtan sa pagnenegosyo.

“We share our blessings,” wika ni Jirah.

Ito rin ang pilosopiya ng iba pang game show sa buong Pilipinas tulad ng “Wil Time Big Time,” “Eat Bulaga,” “Deal or No Deal” at marami pang iba.

Kaya lang ay nagsisimula pa lang sina Jirah at ang mga co-host niyang sina MJ, ang isa sa mga regular na hurado sa “Show Up What You’ve Got,” Mico Aytona, Boobay at Chabilita kaya hilahod pa sa laban ang programa.

***

Ang isa sa mga batayan ng layunin ni Jirah ay ang kanyang Born Again Christian belief na laging “the Lord will provide” sa mga nangangailangan na totoo namang kailangan ding panaligan pero kailangan ding maiparating sa mga kinauukulan ang tunay na diwa at ugat ng kahirapan at ito ay ang pagpapahirap din ng mga institusyon sa lipunan at sa buong daigdig na mga higante at lumulukob na kapangyarihan sa sansinukob tulad ng World Bank at International Monetary Fund o IMF na masalimuot ang papel at hindi agad maiintindihan ng hindi ekonomista at pangkaraniwan lang na diskusyon kung meron man.

Idagdag pa ang kapitalismo na siyang sistema ng buong bansa at ang mga rekositos ng ating kultura, ekonomiya, pulitika at ang mga institusyong kaugnay pa rin na walang pakialam sa kapwa kahit na ipinagsisigawan pang para sa kapakanan ang mga ito ng mga Filipino.

Dahil sa tunay na kahulugan at pagkilos ay hindi naman naisasakatuparan ang mga ideyal na pamantayan dahil na rin sa makasariling motibo ng mga taong kumakatawan sa matatayog na layunin ng paglilingkod sa mamamayan.

Kailangan ng mga ito ang mga tulad ni Jirah na magpapanuto sa nagpupumiglas na mga damdamin ng mga naghihirap.