Aktibistang tutol sa dam, pinaslang sa Bukidnon


Isa na namang tagapagtaguyod ng kalikasan ang pinaslang ng di pa nakikilalang salarin noong Mayo 9, sa Brgy. Palma Kibawe, Bukidnon. Ang biktima, si Margarito Cabal, ay aktibong lider ng Task Force Save Pulangi (TFSP) na tumututol sa pagtatayo ng isang hydroelectric dam sa ilog ng Pulangi na banta umano sa kapaligiran at maaaring magtaboy […]

Kasabay ng pamamaslang sa mga aktibistang makakalikasan ang mga "development project" na banta sa kalikasan, ayon sa Kalikasan Party-list. (Contributed Photo)
Kasabay ng pamamaslang sa mga aktibistang makakalikasan ang mga "development project" na banta sa kalikasan, ayon sa Kalikasan Party-list. (Contributed Photo)
Kasabay ng pamamaslang sa mga aktibistang makakalikasan ang mga "development project" na banta sa kalikasan, ayon sa Kalikasan Party-list. (Contributed Photo)

Isa na namang tagapagtaguyod ng kalikasan ang pinaslang ng di pa nakikilalang salarin noong Mayo 9, sa Brgy. Palma Kibawe, Bukidnon.

Ang biktima, si Margarito Cabal, ay aktibong lider ng Task Force Save Pulangi (TFSP) na tumututol sa pagtatayo ng isang hydroelectric dam sa ilog ng Pulangi na banta umano sa kapaligiran at maaaring magtaboy sa mga magsasaka at katutubong mamamayan sa paligid ng naturang ilog.

Mariin namang kinondena ng mga grupong makakalikasan ang naturang pamamaslang.

Ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan – People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE),si Cabal ang ika-13 tagapagtaguyod ng kalikasan na napatay sa ilalim ng administrasyong Aquino. Kabilang dito ang pagkakapatay sa lider katutubong si Jimmy Liguyon at Fr. Pops Tenorio, na parehong mga aktibistang makakalikasan.

Siyam sa 13 kaso ng pagpaslang sa mga tagapagtaguyod ng kalikasan ay naganap sa Mindanao, kung saan laganap ang pagmimina at proyektong pang-enerhiya.

Bago ang pagpaslang kay Cabal, pinagbibintangan umano ito ng mga militar bilang kasapI ng komunistang New People’s Army (NPA).

“Ito ang nagiging modus operandi sa pagpatay sa ibang aktibistang makakalikasan. Ang lider magsasakang si Jose Doton at ang katutubong Dumagat na si Nicanor Delos Santos ay pinagbintangan ding tagasuporta ng NPA bago sila napaslang,” sabi ni Bautista.

Idinagdag niya pa na mga militar at kanilang mga ahente ang suspek sa mga pagpaslang na ito.

Isinisi ni Bautista ang lumalaking bilang ng pagpaslang sa hanay ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan at ang militarisasyon sa Oplan Bayanihan, ang programang anti-insurhensiya ng administrasyong Aquino.  Ipinatutupad umano ito sa mga lugar kung saan may malalaking mamumuhunan na nagsasamantala sa likas na yaman at kung saan din tumututol ang mga komunidad at grupong makakalikasan.

“Ang mga pagpaslang na ito ay hindi matitigil hanggang itinutulak ng administrasyong Aquino ang Oplan Bayanihan at mga mapangwasak na mga proyekto tulad ng malalaking dam at malawakang pagmimina,” ayon pa kay Bautista.