Dahil sa panggagahasa, diplomatikong protesta hinikayat ng Gabriela na isampa ng DFA


Hiniling ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela sa administrasyong Aquino na gawin nito ang lahat para mapasailalim sa hustisya ng bansa ang tumakas na rape suspect at Panamanian diplomat na si Erick Schks

Atty. Danielito Jimenez, abogado ni Pamela, Gabriela Women's Party Rep. Luz Ilagan at Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela. (James Relativo)
Atty. Danielito Jimenez, abogado ni Pamela, Gabriela Women's Party Rep. Luz Ilagan at Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela. (James Relativo)
Atty. Danielito Jimenez, abogado ni Pamela, Gabriela Women's Party Rep. Luz Ilagan at Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela. (James Relativo)

Hiniling ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela sa administrasyong Aquino na gawin nito ang lahat para mapasailalim sa hustisya ng bansa ang tumakas na rape suspect at Panamanian diplomat na si Erick Schks.

Kabilang sa maaaring gawin nito ang pagsampa ng diplomatic protest laban sa gobyerno ng Panama dahil sa pagtanggi nitong iatras ang diplomatic immunity ni Schks at agarang pag-alis ng suspek sa bansa.

“Sa halip na unang tiyakin ang kapakanan ng ating kababayan, ay naging paraan pa, naging kasangkapan upang patakasin ang rapist na si Schcks,” ani Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Paliwanag pa ni Salvador, kung kaya ng administrasyong Aquino na magsampa ng diplomatikong protesta laban sa North Korea, China, at iba pa, madali itong makakapagsampa laban sa Panama.

Ang problema, aniya, ay tila “nimamaliit” ng administrasyong Aquino ang kasong panggagahasa sa 19-anyos na Pilipina na si “Pamela.”

Nababahala din ang Gabriela na hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring pahayag ang Malakanyang at si Pang. Benigno Aquino III ukol sa kaso.

Ayon sa DFA, nakasaad sa Vienna Convention on International Relations, kumbensiyong isa sa naka-pirmang mga bansa ang Pilipinas, na hindi maaaring litisin ang mga dayuhang diplomatiko dahil sa ginagawad na “diplomatic immunity” sa kanila.

Persona non-grata lalong nagpabilis sa pagtakas’

Samantala, tila lalong nagpabilis ang pag-alis sa bansa ni Schks matapos tumanggi ang gobyerno ng Panama na iatras ang diplomatic immunity niya at ideklara siya ng Department of Foreign Affairs na bilang persona-non-grata (PNG) sa Pilipinas.

Binansagan na rin ni Sen. Mirian Defensor-Santiago ang hakbang na “pagmamatigas” ng Panama bilang  “unfriendly move” laban sa bansa.

Ipinapataw ang PNG sa mga indibidwal o diplomat na idineklarang hindi na tanggap sa isang bansa. Alinsunod sa Article 9 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, maaari itong ipataw sa mga diplomat na hindi rumerespeto sa mga batas ng bansang kanilang binibisita.

Ayon kay Salvador, tila lalong napabilis pa ang pag-alis ni Schks sa bansa matapos ideklara siya ng DFA na PNG.

Sabi ni Salvador, nais nilang magpatawag ng rin PNG sa Panamanian Ambassador na si Roberto Carlos Moreno dahil sa kanyang “pagtulong “na makatakas sa diplomat at pagpapakita ng sertipikasyon ng immunity sa korte.

Namataan umanong sinundo ni Moreno si Schks mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at tinulungan itong makalabas ng bansa.

Ayon kay Danielito Jimenez, abogado ni Pamela, maaaring mapabalik si Shcks upang sagutin ang mga reklamo kung mapatunayang may extradition treaty ang Pilipinas at Panama.

‘Apologist’

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Luzviminda Ilagan, nagmistula “apologist” ni Schks ang DFA sa pangunguna nitong patunayan ang diplomatikong immunity ni Schks.

Dagdag ni Ilagan, ang embahada mismo ng Panama ang nararapat na magdeklara ng immunity sa naturang diplomat sapagkat nasa kanila ang “burden of proof” at wala sa DFA.

“Kung ang ating DFA mismo ang naging ‘apologist,’ siya ang nagdeklara, hindi ito magandang tignan dahil hindi tayo pumapanig sa ating kababayan na mas nangangailangan ng hustisya,” ayon sa kongresista.

Napapabalitaang technical staff lamang si Erick Shcks at hindi konsul o ambassador, kung kaya’t lalong naghihinala at dismayado ang Gabriela na nakalampas ang suspek nsakrimen.

Nararapat lamang raw na balikan ang Vienna Convention at iba pang mga kasunduan na maaaring bangga sa interes ng mga bansa. Mainam raw na magkaroon ng mga reserbasyon ang bansa lalo na pagdating sa mga karumaldumal na krimen tulad ng panggagahasa at droga.

Sa pagkakataong maubusan ng pamamaran ang gobyerno sa pagpapanagot kay Schks, pahayag ni Salvador, mapipilitan ang grupo na iakyat ang reklamo sa United Nations at international community.

“Kung tunay ngang inosente si Shcks at consensual ang dalawang panig sa nangyari, hindi ba sapat ang isang araw sa korte para mapatunayan ang antas ng kanyang pagka-inosente?” tanong ni Ilagan.