Pimentel: Pederalismo huwag gamitin sa adyenda ni GMA
Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino Q. Pimentel, Jr. sa mga kaalyado ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na huwag gamitin ang kanyang adbokasiya sa pederalismo para isulong ang umano’y makasariling adyenda ni Arroyo para sa Charter Change. Inihayag kamakailan ni House Espiker Prospero Nograles na kakausapin nila ang mga senador na pabor sa pederalismo at […]
Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino Q. Pimentel, Jr. sa mga kaalyado ni Pangulong Arroyo sa Kongreso na huwag gamitin ang kanyang adbokasiya sa pederalismo para isulong ang umano’y makasariling adyenda ni Arroyo para sa Charter Change.
Inihayag kamakailan ni House Espiker Prospero Nograles na kakausapin nila ang mga senador na pabor sa pederalismo at hihimuking ipanukala ang nasabing pagbabago sa porma ng gobyerno sa Constituent Assembly na binabalak tipunin sa Hulyo.
Pero ayon kay Pimentel, handa siyang iatras muna ang panukalang pederalismo dahil sa pangambang gagamitin lamang ito ng administrasyon para pahabain ang termino ni Arroyo at iba pang opisyal ng gobyerno.
“If that is the price I have to pay to prevent Gloria from exploiting the federalism proposal to perpetuating herself in power, then I am willing to pay that price,” sabi ng senador.
Samantala, sinabi rin ni Sen. Chiz Escudero na magiging bukas lamang siya na pag-usapan ang pagpapalit sa pederal na porma ng gobyerno matapos ang halalan sa 2010.
Ipinunto ni Escudero na hindi ang pederal na sistema ng gobyerno ang solusyon sa mga problema ng bansa.
Aniya, nananatiling isa sa pinakamahirap na rehiyon ang Autonomous Region for Muslim Mindanao, ang umano’y pinakamalapit na mayroon ang bansa sa isang estadong pederal.
Iginiit ng dalawang senador na sa kabila ng panunuyo ng mga kongresista ng administrasyon, patuloy ang kanilang oposisyon sa Con-Ass.