Con-Ass pansamantalang nadiskaril sa desisyon ng SC –Bayan


Pansamantalang nadiskaril ang mga nagsusulong ng Constituent Assembly dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ni Atty. Oliver Lozano laban sa House Resolution 1109, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Ang ibigsabihin nito, hindi matutupad ang hiling ng mga kaalyado ni Arroyo na agad na magdesisyon ang Korte Suprema hinggil sa kawastuhan ng HR […]

Pansamantalang nadiskaril ang mga nagsusulong ng Constituent Assembly dahil sa pagbasura ng Korte Suprema sa petisyon ni Atty. Oliver Lozano laban sa House Resolution 1109, ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

“Ang ibigsabihin nito, hindi matutupad ang hiling ng mga kaalyado ni Arroyo na agad na magdesisyon ang Korte Suprema hinggil sa kawastuhan ng HR 1109,” sabi ni Renato M. Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Inihayag ng Korte Suprema na “premature” at kulang sa “justiciable issue” ang petisyon ni Lozano, na kumukuwestiyon sa konstitusyunalidad ng HR 1109 o pagtitipon ng Con-Ass na walang partisipasyon ng Senado.

Ngunit babala ni Reyes, posibleng lalong maitulak ang Kamara na tipunin ang Con-Ass sa Hulyo para pilitin ang Korte Suprema na magdesisyon sa isyu.

“Kapag ginawa nila ito, siguradong magkakaroon ng malawakang mga kilos-protesta sa State of the Nation Address ni Arroyo,” aniya.

Inihayag ng Bayan na muling nag-uusap ang iba’t ibang grupo para sa isa na namang malawakang pagkilos kontra Con-Ass sa Hulyo 27, inaaasahang magiging pinakamalaking kilos-protesta sa SONA ni Arroyo.