Ang nakapagtataka sa mga TV news
Hindi man ako nagtapos ng Journalism o Peryodismo dahil Panitikan at Teatro ang mga kurso ko sa kolehiyo at graduate school, sa humigit-kumulang sa tatlumpu’t anim na taon naming pagiging peryodistang pampelikula, marami na rin kaming natutunan at naintindihan sa larangan ng peryodismo sa pahayagan, magasin, komiks, radyo, telebisyo o ang multimedia o kaya naman […]
Hindi man ako nagtapos ng Journalism o Peryodismo dahil Panitikan at Teatro ang mga kurso ko sa kolehiyo at graduate school, sa humigit-kumulang sa tatlumpu’t anim na taon naming pagiging peryodistang pampelikula, marami na rin kaming natutunan at naintindihan sa larangan ng peryodismo sa pahayagan, magasin, komiks, radyo, telebisyo o ang multimedia o kaya naman ay ang makabagong lagusan ng impormasyon, ang new media o social media tulad ng sa computer na webcast, online news, Facebook, Twitter, Instagram at marami pang iba.
Ang balitaan sa anumang sangay ng media ay mahalagang sangkap sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, ng mga Filipino, sa buong daigdig.
Lalo na ngayon na importante na at napakarami nang nanonood ng mga TV news dahil sa “binakya” o ginawang pang-masa o kaya naman ay ginawang popular ang pambalitaang midyum na humahalina ng iba’t ibang sektor ng lipunan, mas nagiging makabuluhan ang pananaw sa balita at ang kahulugan ng mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay.
Ang isa sa nakapagpauso at nakapagpalakas sa ratings sa balita ay ang madadramang pagsasahimpapawid ng mga kaganapan o kaya naman ay ang pagsasahog ng mga balitang pampelikula at iba pang pag-igpaw sa tradisyunal na pamamaraan ng pagbabalita sa telebisyon at radyo.
***
Oo nga’t napag-aralan sa mga eskuwelahan na ang mga katangian ng balita ay ang napapanahon, malapit sa buhay ng isang lugar, may kahalagahan sa pambansang kalagayan, naiiba at iba pang mga pamantayan para ang isang ulat ay maglanding sa pang-ulo o kaya naman ay sa ikalawang linya o importansiya ng headline o kahit na sa loob ng mga pahina o sa mga sumusunod na bahagdan ng pagkakahalayhay ng mga ulat.
Marami pa ring konsiderasyon kung bakit ang isang balita kahit na hindi sumusunod sa mga napag-aralang pamantayan sa balitaan ay mahalaga at kailangan.
Ang nakakalungkot ay hindi na wari nagbabago ang estilo at nilalaman ng mga balitang pantelebisyon sa kasalukuyan.
Parang panahon pa ni Mahoma ang pagsukat sa kung ano ang dapat na ibalita at ano ang dapat hindi.
***
Pag may bagyo, naku, bagyo lahat ang kaugnay na mga istorya.
Hindi naman ibig sabihin ay hindi mahalagang ibalita ang bagyo at ang mga epekto nito sa isa o higit pang lugar o sa isa o higit pang mga tao o mga bagay, may buhay man o wala.
Pero pagkarami-rami pa ring balita sa himaymay ng lipunang Filipino na hindi nabibigyan ng panahon o espasyo sa TV o radyo o maging nang wastong pagtutok at pagtalakay.
Halimbawa ay ang mga piket at pagkilos para sa pag-angat ng pang-ekonomiyang kalagayan ng bawat Filipino.
Kung isinasaalang-alang ng dyurnalismo na ang pambansang kalagayan ay mahalagang ibalita, ang paghahanapbuhay ng mga tao para sa kanyang sarili, sa kanyang mga minamahal ay katumbas na rin ng pagkandili sa pambansang interest pero ang dami-daming mga kaulat-ulat o kabali-balita sa mga pabrika, upisina o anumang pagawaan o lugar ng paggawa ang maaring balita—pangit man o maganda.
***
Kung ang pamumuhay na pang-araw-araw sa pamamagitan ng paggawa at pag-ani ng kita mula rito para sa ikabubuhay o pagdurugtong o subsistensiya ay ang pangangalaga sa bawat mamamayan upang umunlad ang sambayanan at ang pambansang kondisyon, ang hanay ng paggawa ay isang matingkad at malusog na larangan na kakikitaan at panggagalingan ng mga balita sa TV.
Pero kung anu-ano lang ang ibinabalita dahil ang mga istasyon naman ng telebisyon ay umaasa rin sa mga kumpanya para sa patalastas kaya ang mga problema sa pagawaan na may kaugnayan sa naglalagay ng mga ads sa TV ang siyang ibabalita, halimbawa’y mga reklamo laban sa maliit na suweldo o kawalan ng karapatang pantao sa paggawa, tiyak na hindi na lalanding sa espasyo ang kuwento kahit lehitimong balita pa ito.
Kaya paano sasabihing ang mga balita sa TV ay patas o walang kinikilingan?
***
Mahahalaga rin ang mga balita tungkol sa bagyo, sunog, delubyo, baha, demolisyon at iba pa pero ang mas malalim at kumikilatis na mga talakayan at balitaktakan ay mahalaga para lalo pang mas mahalaga ang balita para sa makatarungang pagkiling sa mga apektado ng mga kalamidad o iba pang krisis.
Tulad ng karamihan sa mga pelikula, soap opera sa telebisyon at iba pang sining, ang balitaan sa Pilipinas ay kadalasan ay eskapismo at nakabaling lang sa naghaharing-uri sa pagpapatakbo ng negosyo ng media.
