Maligayang Araw ng mga Puso, kanino?
Yayaman din lamang at ang itinuturing nating ka-Valentino o ka-Valentina ay ang madlang pipol, nakalipas man o heto na o sa isang taon o darating pa, Maligayang Araw ng mga Puso sa lahat. Maligayang Araw ng mga Puso rin sa lahat ng mga bading at tomboy na ginagawa ring maligaya kahit paano ang kanilang Valentine’s […]
Yayaman din lamang at ang itinuturing nating ka-Valentino o ka-Valentina ay ang madlang pipol, nakalipas man o heto na o sa isang taon o darating pa, Maligayang Araw ng mga Puso sa lahat.
Maligayang Araw ng mga Puso rin sa lahat ng mga bading at tomboy na ginagawa ring maligaya kahit paano ang kanilang Valentine’s Day.
Maligayang Araw ng mga Puso rin sa lahat ng mga manggagawa na may pusong gawin ang lahat ng mga trabaho para sa pang-araw-araw na buhay at sa katuusan, Maligayang Araw ng mga Puso rin sa mga namumuhunan o kapitalista na may pusong wagas, lalo na.
Maligayang Araw ng mga Puso rin kahit na paano sa mga may pusong bato na tumigas at nagkakalyo na sa pagmamahal kahit na hindi nasusuklian ang pagmamahal, kahit masakit ay sige pa rin.
Hindi tulad ni Marian Rivera na mahal din ni Dingdong Dantes bukod pa sa pagmamahal sa kanyang sarili at sa kanyang propesyon.
Aminado si Marian na simple lang ang kanyang kalifayahan pagdating ng Valentine.
“Para sa akin, isang pumpon ng mga bulaklak lang, maligaya na ako,” sambit ng aktres.
Kiyem kaya?
O kiyeme kaya?
***
Aber, tingnan nga natin.
Siyempre’y pinadalhan siya ng isang bouquet of flowers ni Dingdong at laking tuwa ng masipag na aktres na sa kasipagan ay nagkakasakit pero inaalagaan naman ni Dantes.
Sarap, di ba?
Kasi nga’y ang laki naman ng suweldo ng mga artista kaya naman kung magiging problema pa nila ang pag-ibig o pagmamahal—sa kawalan o pagkakaroon ng maraming sandali o oras ng isang nagmamahal—parang kalabisan na pero hindi dapat kainggitan dahil dapat alamin din ang mga proseso at konteksto ng kanilang abalahan at pagsisikap sa buhay.
***
Ang nakakaloka ay ang walang habas na paggasta ni KC Montero para sa kapakanan ng kanyang kasintahang si Rhian Ramos.
Ewan kung nagawa na ni KC ito kay Geneva Cruz nang sila pa ang magkatipan.
Alam ba ninyong umarkila pa si Montero ng isang limousine para sakyan nila ni Rhian papunta sa kung saanma sila pupunta.
Pero ayon sa peryodistang pampelikula na si Lhar Santiago, sa Pasig City ang tungo nina KC at Rhian pagkatapos ng hapunan noong Araw ng mga Puso.
Saan kaya sa Pasig City?
Sa Ortigas Center kaya o sa may Valle Verde?
O sa Victoria Court kaya o sa mga motel na pag-aari ni Antonio Cabangon-Chua?
Ma at pa.
Sa ibang salita, malay at paki.
***
Si Mark Herras naman, ayon sa saksing si Lhar pa rin.
Nagtiyaga na hindi pansinin si Ynna Asistio sa buong maghapon ng Valentine’s Day.
Siyempre’y nagtaka si Ynna dahil hindi naman gano’n ang karakter ni Mark dahil sa tuwi-tuwina’y nag-uusap sila kahit sa telepono man lang dahil hindi kumpleto ang kanilang araw kung hindi naririnig ang mga boses nila—live man o sa awdutibo ng cellphone.
Muntik nang magpalahaw sa iyak si Asistio dahil sa “pagkawala” ng isang araw ni Herras.
Ganyan din kaya nararamdaman noon ni Nadia Montenegro nang magkasintahan pa lang sila ng dating mayor ng Caloocan City na si Macario “Boy” Asistio?
Ganyan din kaya ang kasaysayang tinatahak ng anak?
Kaya ang ginawa ni Ynna ay umuwi na lang ng bahay na masama ang loob.
Wala ring sagot ang kanyang boyfriend sa mga missed call at text.
Pero nang dumating siya ng kanilang tahanan ay madilim ang kanyang dinatnan.
Parang kasingdilim ng kanyang puso ng mga sandaling ‘yon.
Binuksan niya ang pihitan ng pintuan at ang tumambad sa kanya ay pusikit na dilim.
Ni walang kandila samantalang nakapagbayad naman sila sa Meralco.
Walang kaginsa-ginsa ay bigla na lang nagliwanag at niyakap siya ni Mark.
Sus!
Parang nasa alapaap agad si Ynna kahit na nakatuntong siya sa sahig.
May nakalatag nang preparasyon—pinggan, kutsara’t tinidor, table napkin, mantel, baso, kopita at mga pagkain—sa mesa.
Pinahid ni Herras ang mga luha ng kaligayahan sa mga pisngi ng girlfriend at nagsimula silang kumain.
Corny ba?
Love ‘yan, intindihin!
Belated Happy Valentine.