Uncategorized

Mapait ang buhay para kay film critic Johven Velasco pero masagana ang kanyang pagkabuhay na mag-uli


Mahusay na guro at kritiko sa pelikula ang namayapang si Johven Velasco, kilala rin bilang manunulat at mananaliksik. Gayundin, nakalikha na siya ng mga dulang pampelikula at nakapagdirek na ng mga teatro at TV show. Sa katunayan, nagwagi na siya sa Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club sa kanyang pamamahala sa Broadcast […]

Mahusay na guro at kritiko sa pelikula ang namayapang si Johven Velasco, kilala rin bilang manunulat at mananaliksik.

Gayundin, nakalikha na siya ng mga dulang pampelikula at nakapagdirek na ng mga teatro at TV show.

Sa katunayan, nagwagi na siya sa Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club sa kanyang pamamahala sa Broadcast and Film ng Philippine Educational Theater Association o PETA noong mga 1990s.

Sa madaling salita, marami nang ambag si Johven sa showbiz pero bakit ngayon ay isinisiwalat ng kanyang mga kaibigan na mapait ang panlasa niya mga ilang buwan bago siya mamatay?

***

Ayon sa kanyang matalik na kaibigang direktora na si Ellen Ongkeko-Marfil, gusto nang talikuran noon ni Johven ang pagtuturo para ipako ang kanyang atensyon sa showbiz—sa pagsusulat ng iskrip at pagdidirek.

Pero wala namang nag-aalok sa kanya at marami nang malalaking pangalan na nagdaan sa kanyang pagtuturo at nalagpasan na siya.

Sinikal na si Johven mga ilang buwan bago siya mamatay.

Pero ang mga kaibigang tulad ni Ellen, ni Ed Instrella, ni Jess Evardone at marami pang iba ay nand’yan lang at umalalay sa kanya dahil naniniwala sila sa kahalagahan at kahusayan ni Velasco sa kanyang propesyon.

Alam ba ninyo na pag may bagong nais gawing pelikula si Ongkeko-Marfil ay isinasangguni niya kay Johven ang kanyang dulang pampelikula at hinihingi ang mga komento nito para sa pagsulong ng akda?

***

Pero nais nga ni Johven na magkapangalan na siya sa showbiz bilang alagad ng sining dahil napakatagal na nga naman niyang nakikisalamuha sa mga tagarito at ngayon ay parang gumagawa pa lang siya ng pangalan.

Nanggaling na sa kanyang pag-aaruga ang mga Emmanuel de la Cruz ng “Sarong Banggi,” Jerrold Tarog ng “Confessional” at “Mangatyanan” at Raya Martin ng “Indio Nacional,” “Manila” at “Independencia.”

Pero masaya siya para sa mga baguhang filmmaker na tulad nila.

Pero siya ay may kanya ring buhay na kailangang palaguin at itaguyod kaya nais niyang magkapangalan na bilang scriptwriter at direktor.

Kaya lang ay namatay nga siya.

***

Bago ‘yon ay lubhang pasakit ang kanyang nakamtan nang ilipat siya ng University of the Philippines Film Institute mula sa pagiging instructor hanggang sa pagiging lecturer.

Ito ay dahil hindi matapus-tapos ni Johven ang kanyang master’s degree in Media Studies, isang diploma na magsesemento ng kanyang pagka-empleyo sa pambansang pamantasan dahil ang isa sa mga pangangailangan sa pagtuturo ngayon sa kolehiyo ay pagkakamit ng isang propesor ng Master of Arts at ito ng utang ni Johven sa UP.

Nakasalalay sa batas ng UP at iba pang pamantasan na kailangang nakatapos ng MA ang mga guro dito.

Kaya nga nahirapang makipagbuno sa kanyang pagtataguyod sa kanyang mga karapatan bilang empleyado si Johven.

***

Ayon kay Joel David, isang kritiko at kasamahan ni Velasco sa Up College of Mass Communication noon, ang pagtatanggal kay Johven sa pagiging instructor tungo sa isang lecturer ay isang matinding dagok sa titser na ito.

Naitanong nga niya sa sarili, ayon na rin kay Joel, kung siya ba ay nagpabaya? Ano ang kanyang kasalanan at siya ay pinaparusahan ng ganito? Siya ba ay naging tamad?

Pero ang sagot ni David ay hindi ang pagbabago sa sarili ni Johven ang ugat ng kanyang mga pagdurusa kundi ang pagbabago ng daigdig sa labas ng kanyang mundo.

Walang-walang kapera-prea si Johven nang siya ay bigyan na lang ng dalawang load sa unibersidad.

Wala rin naman siyang ibang trabahong mapagkikitaan pero ang dami niyang gastos.

Mabuti na lang at marami siyang kaibigan na tumulong sa kanya sa pinansiyal na aspeto ng buhay.

Maging ang pagpunta niya sa South Korea para maging panauhing tagapag-lecture sa isang pamantasan sa imbitasyon din ni Joel ay nangailangan ng maraming halaga at ang napagkunan niya ng pamasahe, pag-aasikaso sa mga dokumento ng paglalakbay at iba pang gastusin ay ang kanyang mga kaibigan.

***

Mabuti na lang at may naiwan siyang mga manuskrito na puwedeng gawing libro at ilimbag kaya naman nang matuklasan ito ni Joel at ni Ellen at ni Ed ay handa na silang pagbigay-pugay sa kaibigang namatay dalawang taon na ang nakakaraan.

At ang resulta ay isang mapagpalaya at magandang aklat na nagpapaliwanag ng kahalagahan ng showbiz sa ating buhay.

Pinamatagan ni David na “Huwaran/Hulmahan Atbp. The Film Writings of Johven Velasco” ang aklat batay na rin sa unang bersyon na nais ilabas ni Velasco sa kanyang mga napanaliksikan.

Inilunsad ang aklat sa UPFI Ishmael Bernal Gallery kamakailan at batay sa dami ng mga dumalo sa pagtitipon, maluwalhti ang paghanga at pagpapahalaga ng sambayanan at ng sektor ng sining at akademya kay Johven.

Maraming dumating at nadiskubre nga natin ang kalungkutan sa buhay ng propesor na disin sana’y marami nang naiambag sa ating mundo ng arte.

***

Sinabi ni Joel Lamangan na si Johven lang ang nakaunawa sa ibig niyang sabihin sa kanyang “Hiram na Mukha” na pinangunahan noon nina Nanette Medved, Christopher de Leon at Daria Ramirez.

“Mahusay na kritiko si Johven at siya lang ang tanging nakaintindi sa ginawa kong movie version ng pelikula mula sa isang popular na midyum ng komiks. Karapat-dapat na ituring na critic si Johven,” sabi ni Joel na kasama rin niya sa PETA noon.

Bagamat hindi sila masyadong nagkakuwentuhan at nagkapalagayang-loob, sinabi ni Susan Roces na ipinagmamalaki niya si Velasco lalo na nang magkasama sila sa “Gumising Ka Maruja” sa Bacolod City noong 1980s.

Sana ani Susan ay mas marami pa silang pinagsamahan para mas makapaglingkod siya sa mga bisyon at misyon ng alagad ng sining.

Gayundin si Mary Grace Poe-Llamanzares na hindi na nakatalamitam kahit na isang sandali nang buhay pa si Johven.

Bumasa si Mary Grace ng isang bahagi sa sinulat ni Velasco tungkol sa kanyang amang si Fernando Poe, Jr.

***

Kung noong buhay pa ay mapait ang pagkakamit ng magagandang kapalaran kay Johven, ngayon ay mas matingkad at mas matayog ang kanyang mga layunin sa paglalabas ng kanyang mga sulatin na makapagpupukaw ng isip at damdamin ng mga mamamayan.

Bagamat patay na si Johven ay mananatili siyang buhay sa puso at diwa ng maraming nagmamahal sa kanya.

Mahusay siyang guro at hindi na niya kailangan pa ang pormal na kuwalipikasyon ng mas mataas na ranggo sa pagtuturo kung ang kanyang mga estudyante mismo ang nagtetestimonya na magaling siyang magsalin ng mga karanungan sa kanyang mga mag-aaral.

Kabilang din sa mga dumating sa kanyang book launch sina Art Tapalla, Mel Chionglo, Gil Portes, William Reyes, Armando Lao, Ricky Gallardo, Archie de Calma, Pol del Mundo ng Movie and Television Review and Classification Board, Edwin Joaquin ng Mowelfund, Jerry Respeto at Nonoy Lauzon ng Young Critics Circle, Wendell Capili, Lito Zulueta ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, Cecille Bulaong-Garrucho at Beng Cabangon ng PETA at marami pang iba.

Nabuhay siyang manag-uli sa kanyang aklat na masagana sa mga ideya at karanasan para sa pagpapalaya ng sambayanan.

Nawa’y maligaya ka na ngayon sa dako pa roon, Johven!