Bakit di pa rin mapawi ang tiraniya


Sa mismong araw na ginugunita ng bansa ang deklarasyon ng batas militar ng isang nagdaang diktador ng bansa, may kaganapan sa araw na itong tila magpapaalala sa atin sa katotohanang malayo pa bago mawakasan ang tiraniya sa bansa.

Sa mismong araw na ginugunita ng bansa ang deklarasyon ng batas militar ng isang nagdaang diktador ng bansa, may kaganapan sa araw na itong tila magpapaalala sa atin sa katotohanang malayo pa bago mawakasan ang tiraniya sa bansa.

Sa araw na ito, pormal na iaanunsiyo nina Sen. Noynoy Aquino at Sen. Mar Roxas ang kanilang pagtakbo bilang presidente at bise-presidente sa 2010. Sa pagpupumilit na bigyan ng makasaysayang pakahulugan ang kanilang pulitikal na kasalan, itinaon ng Partido Liberal ang pag-aanunsiyo sa Setyembre 21. Hindi pa nagkasya rito, gagawin pa ang anunsiyo sa Club Filipino sa San Juan – para magkaroon ng makasaysayang “aura” ang tambalang Aquino-Roxas.

Sa unang tingin, masasabing mabuti ito para sa pulitika ng bansa. Kahit papaano, ipinapakita nito na may kasaysayang nililingon ang Partido Liberal, na may tradisyon at prinsipyo itong gustong katawanin at ipagpatuloy sa kasalukuyang mga laban. Sina Noynoy at Mar ang inaasahan nilang magpapatuloy sa liberal na pulitika, sa paglaban sa tiraniya, sa kasakiman, sa korupsiyon. Katulad daw ito ng paglaban ng kanilang mga ama na sina Ninoy Aquino at Gerry Roxas bago ang batas militar.

Totoo namang naging maningning ang kasaysayang ito ng Partido Liberal. Kabilang ang mga lider nito sa mga sinupil ng diktadurang Marcos. Naging kapanalig ito ng mga progresibo sa maraming isyu at paninindigan, mula sa paglaban sa tagibang na pang-ekonomiyang mga kasunduan (maaasahan ang mag-amang Tañada sa labang ito) hanggang sa paggiit ng pambansang soberanya sa harap ng lantarang pananakop (si Jovito Salonga ang nanguna sa pagbasura sa Baseng Militar ng mga Kano noong 1991). At kahit na noong una’y nakaalyado ng partidong ito ang administrasyong Arroyo (mahahalintulad sa pagiging miyembro ni Marcos ng Liberal, bago lumipat sa Nacionalista), sa sumunod na mga tao’y nanindigan naman ito laban sa despotikong rehimen.

Pero tulad ng hangganan ng kaisipang liberal, may hangganan ang paglilingkod ng partidong ito at ng mga pulitikong bahagi nito.

Mahihinuha ang hangganang ito sa mismong pagpili kina Noynoy at Mar – supling ng dalawang dating lider nila. Mistulang pulitikal na royalty sila na binasbasan para bawiin ang tronong minsan nang abot-kamay ng kanilang mga ama.

Sa tambalang ito, masasabing di hamak na mas marami ang ipinundar sa kanyang karera si Mar. Magmula nang tumakbo para sa Senado sa bisa ng kabansagang “Mr. Palengke”, hanggang sa pagmumura niya sa isang rali sa Makati, hanggang sa pagpapatampok sa kanyang relasyon kay Korina Sanchez, masasabing pinaghirapan ni Mar na makarating sa rurok ng pulitika. Malamang, dahil hindi kasing tampok sa kasaysayan ang naging papel ng kanyang ama, kung ikukumpara siyempre sa ama ni Noynoy. Pero sa huli, anumang pagpupundar niya sa pulitika’y nataob ng matagal nang naipundar na karisma at mahika ng apelyidong Aquino.

Gayunman, hindi aksidente o tsamba na nasa tarangakahan na ng kapangyarihan sina Noynoy at Mar. Katanggap-tanggap sila sa kanilang partido at sa mayayamang pumopondo sa kanila dahil wala naman silang inihahayag na intensiyong guluhin ang panlipunang kaayusan maliban sa palitan ang kasalukuyang rehimen. Katanggap-tanggap din sila sa isang seksiyon ng sambayanan, laluna sa panggitnang saray nito, dahil tumitindig sila laban sa kinamumuhiang gobyernong Arroyo.

Dito makikita ang limitasyon ng Partido Liberal, at ng kasalukuyang tradisyunal na oposisyon na umusbong noong batas militar. Lumalaban sa kinamumuhiang rehimen samantalang ipinapanatili ang estado poder. Lumalaban sa tiraniya habang di nayayanig ang pundasyon ng bulok na sistemang nagmamantine sa napakatinding kahirapan sa bansa. Gustong palitan ang nakaupo sa puwesto habang ipinapanatili ang pagsasamantala sa mayorya ng sambayanan.

At sa pagmamantine ng panlipunang kaayusan, namamantine rin ang kundisyon para muling maganap ang bagong mga uri ng batas militar sa hinaharap.