Executive Order 839: Hanggang kailan?
Kung gugustuhin nito, kaya naman pala ng gobyerno na kontrolin ang presyo ng langis. Pero dahil layunin lamang ng EO 839 na magpapogi sa publiko, nagkakandarapa na ito sa pagsabing kulang na ang suplay ng langis – para muling amuin ang nagmamaktol nang mga kompanya ng langis.

Dahil subsob sa pamamasada, hindi gaanong alam ni Samuel Erasquin ang tungkol sa Executive Order 839 at ang kasalukuyang sigalot na nililikha nito. Ang alam lamang niya, mula sa P300, naging P400 ang kanyang kinikita sa isang araw, simula nang mapako ang presyo ng diesel nang mababa sa P30 kada litro.
“Sana nga mas maibaba pa ito. Kasi kahit araw-araw ako kumikita, parang laging hirap pa rin, sa mahal ng presyo ng mga bilihin,” ayon sa drayber ng dyip na biyaheng Fairview sa Quezon City.
Pero taliwas sa inaasam-asam ni Erasquin, mas posible na bawiin ng gobyerno ang EO 839 at umakyat muli sa susunod na mga linggo ang presyo ng mga produktong petrolyo, ayon kay Arnold Padilla, public information officer ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
“Posibleng isabay lang ng gobyerno (ang pagbawi sa EO 839) sa pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado para hindi masyado magalit ang taumbayan,” sabi ni Padilla sa panayam ng Pinoy Weekly.
Kamakailan, iutos ni Pangulong Arroyo sa National Disaster Coordinating Council na pag-aralan kung maaari nang alisin ang Luzon sa ilalim ng state of calamity. Inilabas ang EO 839, na pansamantalang ipinako ang mga produktong petrolyo sa presyo nito noong Oktubre 15, para diumano’y tulungan ang mga mamamayan na makabangon mula sa sunud-sunod na kalamidad.
Simula noong ipinatupad, samu’t saring hakbang na ang ginawa ng industriya ng langis para labanan ito. Kabilang dito ang paghiling sa Korte Suprema na ideklarang labag ito sa Konstitusyon, ang pagkatuwiran na maapektuhan ang mga negosyo sa bansa sa pakikialam ng gobyerno sa kalakalan nito, at ang pagbabanta ng kakulangan sa suplay ng langis dahil sa umano’y kawalan ng kakayahan na bumili nito.
Mismong si Kal. Angelo Reyes ng Department of Energy (DoE) pa ang nag-anunsiyo na nasa walong araw na lamang ang suplay ng mga produktong petrolyo ng mga kompanya ng langis.
Kontrol ng kartel
Pero naniniwala ang marami—maging ang mga kaalyado ng administrasyon—na “artipisyal” lamang ang sinasabing kakulangan sa suplay ng langis at na isa itong porma ng blackmail o pangho-hostage sa gobyerno. Samantala, lalong tumibay ang paniniwala ng progresibong mga grupo na gumagalaw ang industriya ng langis bilang isang makapangyarihang kartel.
“Kung tumigil ang ilang estasyon ng langis sa pagbebenta o bawasan ang service hours nito, hindi ito dahil wala nang suplay ng langis. Ito’y dahil minamanipula ng malalaking kompanya ng langis ang suplay, kabilang ang ibinebenta nila sa maliliit na retailers. Malinaw na pinepresyur nito ang gobyerno na bawiin ang EO 389,” pahayag ng Bayan.
Umano’y kayang-kayang manipulahin ang suplay ng langis ng Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron Philippines, at Total Philippines, na kumokontrol sa 87% ng lokal na merkado.
May sapat din umano na suplay ng langis sa mga refinery, depot, at terminal dahil nabili na ito ng mga kompanya ilang buwan na ang nakakaraan. Bukod pa rito, may long-term supply contracts ang lokal na mga kompanya sa kanilang mother units o inang kompanya sa ibang bansa, kaya nasisiguro ang tuluy-tuloy nilang suplay ng langis, ayon sa Bayan.
Binatikos naman ng grupong Piston o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide ang diumano’y panlilinlang ni Reyes sa publiko hinggil sa suplay ng langis. Gayundin sa pagsabi ng kalihim na “hindi ko maaaring puwersahin ang pribadong mga kompanya na magbenta ng langis nang palugi nang walang taning.” (“I cannot force private companies to sell at a loss indefinitely.”)