Gamit na mantika, puwede sa kalan?


Ayon sa imbentor nito, matipid talaga ang paggamit ng kalan de mantika dahil libre lang ang gagamitin na panggatong imbis na LPG o gaas.

Pritong manok, baboy o isda. Ilan lang ‘yan sa masarap na ulam ngayong tag-init, kasabay ng malamig na inumin. Ngunit sa mahal ng bilihin, nakapanghihinayang na magprito dahil itatapon na lang ang pinaggamitang mantika. Pero ‘wag mag-alala! Dahil ang patapong mantika, magagamit pa pala!

Posible iyan sa isang kalan na naimbento ni Jaysus delos Santos noong 2022, ang kalan de mantika. Ani ni delos Santos sa isang panayam, nakuha niya ang ideya mula sa mga lampara noong sinaunang panahon.

Matapos ang ilang araw na pananaliksik, nabuo na niya ang unang prototype ng kalan de mantika. Gamit ang pinagdikit-dikit na mga bakal at isang blower, gumagana ang kalan na ito sa pamamagitan ng gamit na mantika.

Hindi ito namimili ng mantika, puwede mong gamitin dito ang used cooking oil o ‘di kaya’y langis na galing sa makina.

Katulad ng mga materyales nito, simple lang din ang paggamit ng kalan de mantika.

  1. Buksan nang bahagya ang valve para dumaloy patungo sa chamber ang gamit na mantika.
  2. Sindihan ang kapirasong tisyu o kaya’y papel na inilagay sa loob ng chamber.
  3. Para magtuloy-tuloy na magningas ang apoy, buksan lang ang de-bateryang blower. 
  4. Para lumakas o humina ang apoy, pihitin lang ang kontrol ng blower. 
  5. Kapag tapos na sa pagluluto, hinaan at isara lang ang valve na nilalabasan ng mantika at hintaying unti-unting mawala ang apoy. 

Ayon sa imbentor nito, matipid talaga ang paggamit ng kalan de mantika dahil libre lang ang gagamitin na panggatong imbis na LPG o gaas. Dahil gumagamit ng mga patapong langis ang kalan de mantika, itinuturing na renewable fuel source ito, ayon sa chemist na si Janur Datukan.

Kung ikukumpara sa kalan na LPG at gaas, “mas tipid talaga [ito] lalo na kapag may pinapalambot. ‘Yong blower, 12 boltahe lang, bale katumbas lang ng pagcha-charge ng phone,” ani Batoy na gumagamit ng kalan de mantika.

Base sa ilang buwang karanasan ng paggamit ng kalan nina Batoy at Alfon Domingono, nagbebenta at gumagawa ng kalan de mantika, ligtas namang gamitin ito kung ikukumpara sa ordinaryong kalan. Ang bilin nila, aralin muna ang kalan bago gamitin at huwag ito hahayaang maawasan ng niluluto upang hindi lumaki ang apoy.

Nabanggit din ni Datukan na ligtas gumamit ng kalan de mantika basta’t gagamitin lamang ito sa isang well-ventilated area. Kung sakali naman na hindi na makontrol ang apoy, takpan lang ito ng isang metal container o lid.

Naibenta ni delos Santos ang unang disenyo ng kalan de mantika sa halagang P2,000. Ngunit dalawang taon ang nakalipas matapos itong maimbento, dumami na ang gumagawa nito at nagkaroon ito ng mga upgraded version.

Sa ngayon, gumagamit ng used oil galing sa makina ang karamihan sa mga upgraded kalan de mantika. Mas maganda ang apoy nito kumpara sa used cooking oil. Mabibili ito online sa halagang P1,000 hanggang P5,000, depende sa laki. Samantalang ang gagamiting langis naman, puwedeng ipanghingi mula sa mga talyer. 

Kadalasan, naglalaro sa halagang P1,000 hanggang P3,000 ang mga single burner na kalan de mantika, samantalang mabibili naman sa halagang P3,000 hanggang P5,000 ang mga double burner.

Sa kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi maikakaila na gusto nating makatipid. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga akala nati’y mga patapong bagay, hindi lang tayo makakatulong sa kalikasan ngunit pati na rin sa ating bulsa.