Araullo, panalo sa kaso vs 2 red-tagger
Pinagbabayad ng korte sa Quezon City ng P2.08 milyon danyos perhuwisyo ang mga red-tagger na sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz dahil sa paninirang puri sa mamamahayag na si Atom Araullo ng GMA Network.
Kinatigan ng korte sa Quezon City ang mamamahayag na si Atom Araullo ng GMA Network sa isinampang kasong sibil laban sa mga red-tagger na sina Lorraine Badoy-Partosa at Jeffrey Celiz.
Sa desisyon ng Quezon City Regional Trial Court nitong Dis. 12, pinatawang magbayad ng P2.08 milyong danyos perhuwiso sina Badoy-Partosa at Celiz dahil sa paninirang puri kay Araullo sa kanilang mga social media platform at dating programa sa SMNI.
Ikinagalak ni Araullo at ng iba’t ibang grupo laban sa disimpormasyon ang panalo sa kasong sibil.
“Ibinubukas nito ang isang legal na paraan para sa sinumang biktima ng red-tagging at mapanganib na disimpormasyon, lalo na sa mga peryodista,” ani Araullo sa wikang Ingles.
Dagdag ni Araullo, hindi umano makatuwiran ang mga atake at harassment sa mga mamamahayag dahil sa paggampan nila sa kanilang trabaho.
Pahayag naman ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), ipinapakita ng panalo ni Araullo sa kaso na nagdudulot ng totoong pinsala at panganib ang red-tagging sa nagiging biktima nito.
Para sa NUJP, isang babala ang panalo ni Araullo sa mga red-tagger na maaari at kayang panagutin sa iba’t ibang paraan ang mga malisyoso at mapanirang paratang laban sa mga mamamahayag.
Kinasuhan ni Araullo sina Badoy-Partosa at Celiz noong Set. 11, 2023 sa tulong ng mga abogado mula sa Movement Against Disinformation.
Nagmula ang isinampang kasong sibil sa mga post sa social media nina Badoy-Partosa at Celiz na inuugnay si Araullo sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines.
Sinabi rin noong 2020 ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, kung saan dating tagapagsalita si Badoy-Partosa, na tungkol sa “terrorist training camp” ang dokumentaryo ni Araullo na “Ang Iskul Kong Bakwit” hinggil sa mga karanasan ng mga estudyanteng Lumad na lumuwas sa Maynila dahil sa militarisasyon sa kanilang mga paaralan at komunidad sa Mindanao.