International, world-class Lea Salonga, naisyuhan ng talbog na tseke
Huwag mabibigla dahil kahit na pandaigdig na ang imahen ni Lea Salonga bilang mang-aawit at aktres, naiisahan pa rin siya. Ito ang kanyang karanasan sa kamay ni Jerome Vinarao, ang presidente ng Center for the Arts Foundation at prodyuser ng advocacy concert na “Echoes of Dreams” noong isang taon. Kahit na noong Nobyembre 30, 2009 […]
Huwag mabibigla dahil kahit na pandaigdig na ang imahen ni Lea Salonga bilang mang-aawit at aktres, naiisahan pa rin siya.
Ito ang kanyang karanasan sa kamay ni Jerome Vinarao, ang presidente ng Center for the Arts Foundation at prodyuser ng advocacy concert na “Echoes of Dreams” noong isang taon.
Kahit na noong Nobyembre 30, 2009 pa ito naganap ay mahalagang balita rin ito para sa lahat dahil kasangkot dito ang isang bituin na nanalo na ng Tony Award, ang pinakapangunahing tagapagbigay ng parangal sa teatro sa buong mundo, for Best Actress sa dulang “Miss Saigon” ni Cameron Mackintosh.
At siyempre’y kasama sa drama ng buhay na ito si Jerome na nagtatanghal ng mga palabas na may kaugnayan sa pagtataguyod sa mga kabataang hindi nabibigyan ng mas maraming pagkandili ng lipunan—ang mga marginalized group tulad ng mga autistic, rehabililated drug users, special children, battered women at iba.
Isa pa’y kasali kami sa pagpapalaganap ng impormasyon nito bago maidaos ng pagtatanghal.
***
Napasok ako proyekto sa pamamagitan ni Ramil Gulle, dati kong kasamahan sa ABS-CBN news on line.
Katuwang ni Ramil sa publicity at produksyon ang kanyang asawang si Sarah Saracho na nagsisilbing news writer at editor ng GMA Network News and Public Affairs.
Ito ay dahil nag-aral sa Center for the Arts sina Gulle, isang premyadong manunulat at Saracho kasama ang kanilang mga anak kaya nagkakilala sila ni Vinarao.
Nakuha naman ni Jerome si Lea sa pamamagitan ng kapatid na ampon nito na si Sheilla Habab.
Ayon kay Sheilla, mga dalawang taon na ang nakakaraan ay nag-email sa kanya si Jerome at nagtanong kung gusto niyang magtrabaho sa produksyon ng Center, isang bagay na kanyang tinanguan dahil anya’y magaganda ang adhika at layon ng Foundation lalo na sa mga adbokasiya nito.
Sinabi ni Sheilla na unang itinakda ni Jerome ang pagtatanghal noong Setyembre ng nakaraang taon. “Pero ang sabi ko sa kanya, hindi puwede si Lea ng gano’ng month dahil nasa Amerika ito kaya ginawang November,” pahayag ni Habab.
***
Sinabi ni Lea na gagawin niya ang pagtatanghal pero may bayad kahit na ito ay advocacy show dahil may nakalaan namang pondo sa produksyon lalo na at ayon kay Sheilla ay “malakas ang loob ni Jerome noon dahil ang sabi niya, hindi lang ten million pesos ang kikitain niya sa show kundi twenty million pesos.”
Ang unang presyo ni Salonga ay P500,000.00 para sa pitong kanta na inoohan naman ni Vinarao dahil nanganganan siya sa mga sponsor ng concert.
Hanggang nagtungo muna si Lea sa ibang bansa at nagpatuloy ang preparasyon ng “Echoes of Dreams” na ang mga magtatanghal ay mga kabataang autistic, rehabilitated drug dependents, battered women, special children at iba pa.
“Kaya lang, walang nangyari sa marketing ng show. Nag-Ondoy at lahat. Pero may mga kinunan si Jerome ng pera na may kontrata. Ito ‘yong mga beneficiary niya na nagbenta rin ng tiket,” sabi ni Habab.
Nang mag-November na ay nagsabi si Vinarao na kung puwede ay babaan ang talent fee ni Lea kaya ginawa nila itong P300,000.00 sa apat na kanta.
Dahil hindi na iba si Sheilla kay Lea, hindi sinunod ng international star ang Standard Operating Procedure o SOP na kontrata at down payment mga ilang buwan bago ang pagtatanghal.
***
Sa Araneta Coliseum na lang ibinigay kay Lea ang paunang bayad.
Ayon kay Sheilla, P100,000.00 cash ang iniabot ni Jerome kay Salonga pero ang balanse ay idinaan sa tseke sa halagang P200,000.00.
“Ang ginamit ni Jerome na tseke ay sa nanay niya pero siya ang pumirma,” pagtatapat ni Sheilla.
“Pero kailangan naming magbayad sa mga supplier at sa iba pang talents at ang dami nila,” sabi ni Habab.
“Nagbigay sa akin ng P200,000.00 cash si Jerome pero ipinambayad ko ‘yon sa mga supplier. Binigyan ko ng P16,000.00 ang banda ni Lea. Kulang pa ang pera kaya nag-isyu uli si Jerome ng mga tseke sa ibang supplier.
“Kasi, hindi magtatrabaho ang mga supplier kung walang down payment na cash. May lights and sound. May LCD at iba pa. Kaso, ang ibang tseke, tumalbog din,” phayag ni Sheilla.
***
Post-dated check ang ibinayad kay Lea at ang petsa ay December 5, 2009.
“Ang sabi ko sa kanila, huwag nilang i-deposit hanggang hindi ko sinasabi,” pahayag ni Jerome sa isang eksklusibong panayam.
“Anong magagawa ko? Idineposit ni Mommy (Ligaya Salonga) ang tseke. Nag-text nga si Jerome at nag-missed pero bakit hindi man lang siya nakipag-usap nang personal sa amin, kay Lea at nag-sorry,” sabi ni Sheilla.
“Mas uunahin kong bayaran ang mga supplier at mga participants kaysa kay Lea,” katwiran ni Jerome kaya post-dated check anya ang kanyang ibinigay sa aktres.
“Hindi lang naman si Lea ang makukuha ko sa concert. Isa lang siya sa mga artista,” pahayag ni Vinarao na parang nagsisisi sa pagkuha sa bituin.
“Gano’n? Siya nga ang nagkakandamatay na makuha si Lea sa kanyang concert. June pa niya last year gustong makuha si Lea sa ‘Echoes of Dreams’ pero ang sabi ko, November pa available si Lea. Una ngang naka-schedule ito noong September pero hindi puwede si Lea no’n kaya sinunod nila na November na lang,” sabi ni Sheilla.
***
Nag-Facebook na si Salonga at nai-post na niya ang tumalbog na tseke at maraming sumagot sa kanya na iba’t ibang tao na nakaranas din ng pagtalbog ng tseke ni Jerome.
Isa na rito si Jeff Vadillo na siyang talent manager ng singer na si Richard Poon.
Ayon kay Jeff, dalawang beses tumalbog ang tsekeng ibinigay sa kanila ni Vinarao nang magtanghal ito sa isang palabas ni Jerome sa Music Museum.
Ayon sa mga ka-Facebook ni Lea, may iba pang kaso ng talbog na tseke si Jerome.
Sinabi ni Vadillo na ugali na pala ito ni Vinarao.
“Baka ang sinasabi nilang nasa internet na kaso ko ay ‘yong walang pirma ng judge. Paano ko masasabing ako nga ‘yon?” tanong ni Jerome.
***
Ayon kay Jerome, walang kinita ang “Echoes of Dreams.” “P9,450.00 lang ang net proceeds nito,” pahayag niya.
“I paid P280,000.00 sa tax sa Araneta Coliseum,” sabi ni Vinarao.
Sinabi naman ni Sheilla na siyang tumayong Production Manager sa concert sa technical na aspeto nito, may mga ikinontrata si Jerome na mga organisasyon na kinunan niya ng pera bago mag-show.
“May mga tig-fo-P40,000.00 na kinuha si Jerome sa mga beneficiary at may kontrata sila. Tapos, isa lang ang nabayaran niya. ‘Yong iba, nagreklamo na,” sabi ni Sheilla.
“May iprinisent din na P1,000,000.00 sa stage kay Jerome mula sa Excel Fusion Philippines. Kitang-kita ‘yon ng mga tao,” pagtatapat ni Sheilla na parang napagsakluban ng langit at lupa nang tumalbog ang tseke ng kapatid.
“Hanggang ngayon, may mga naniningil pang supplier sa akin. Ako ang napahamak at sa akin nawalan ng kumpiyansiya ang mga suppliers dahil hindi pa sila nababayaran ni Jerome,” panaghoy ni Sheilla.
“Babayaran ko rin naman sila. Hindi ko sila tatakbuhan,” sabi ni Jerome.
“It would have been better if he told us outright he doesn’t have the money to pay it but he kept on giving us promises that didn’t materialize which made it all the more irritating,” sabi ng manager ni Richard Poon sa Facebook,