Kampuhan ng maralita, tuloy sa gitna ng panggigipit ng pulisya
Sentro ng panawagan ng maralitang mamamayan ang agarang pagbibigay ng P25,000 kompensasyon sa bawat pamilyang nasalanta ng mga kalamidad at sapat na tuloy-tuloy na ayuda.
Nagpapatuloy ang kampuhan ng mahigit 2,000 maralita sa harap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office sa Batasan Road, Quezon City, na nagsimula noong Abril 13, upang igiit ang agarang ayuda at kompensasyon para sa mga nasalanta ng sunod-sunod na kalamidad.
Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ang mga nagkampo ay mula sa Bulacan, Quezon City, Pasig City at Taguig City na lubhang naapektuhan ng mga bagyo at habagat noong 2024 at 2025. Hanggang ngayon, marami sa kanila ang hindi pa nakababangon mula sa pinsala sa kanilang tahanan at kabuhayan.

Sentro ng kanilang panawagan ang agarang pagbibigay ng P25,000 kompensasyon sa bawat pamilyang nasalanta at sapat na tuloy-tuloy na ayuda. Giit ni Elizabeth Guerrero, residente ng Bulacan, hindi sapat ang food packs na ipinamamahagi ng DSWD at hindi nito tinutugunan ang lawak ng pinsala sa kanilang komunidad.
Ayon kay Kadamay secretary general Mimi Doringo, panawagan ng mga nakakampo ang “mabilisang pagtugon at ayuda sa lahat ng biktima ng krisis at kalamidad.”
Dagdag pa niya, “Huwag pag-awayin ang mga maralita para lamang sa ayudang alam naman nating hindi sapat na solusyon. Dahil ang ayuda ay pansamantala lamang.”

Tinangka nang buwagin ng pulisya ang kampuhan noong Abril 15, kung saan hindi bababa sa 20 katao ang nasugatan, kabilang ang matatanda at kababaihan. Gayunman, nananatili at nagpapatuloy ang kampuhan sa kabila ng naturang dispersal.
Para sa mga nagkampo, hindi limos ang kanilang hinihingi kundi karapatan sa sapat, mabilis at makataong ayuda, gayundin ang pangmatagalang solusyon katulad ng disenteng kabuhayan at nakabubuhay na sahod.