Unyon sa electronics sa Laguna, nakakasang magwelga


Nagpasya ang unyon ng mga manggagawa ng Katolec Philippines Corporation sa Laguna na magwelga dahil sa pagsibak sa 19 na kasamahan matapos humiling ng dagdag-sahod at benepisyo.

Nanalo ng botong “yes to strike” sa hanay ng unyon ng mga obrero ng Katolec Philippines Corporation sa Biñan City, Laguna.

Pormal na inihapag ng unyon ang Notice of Strike sa Regional Conciliation and Mediation Board IV-A laban sa hindi makatarungang pagsibak sa trabaho ng 19 na manggagawa sa kompanyang Hapones na gumagawa ng mga piyesang electrical at electronics.

Nagpahayag ang Philippine Metalworkers’ Alliance (PMA) ng pakikiisa sa Katolec Philippines Corporation Labor Union (Kaplu) upang ibalik sa serbisyo ang mga mangagawang ilegal na tinanggal sa trabaho ng manedsment isang taon nang makalipas ngayong Mayo 9.

“Nananataling sugatan ang aming karapatan at dignidad dahil sa malupit na paglabag na ito,” pahayag ng PMA laban sa kakulangan ng aksiyon mula sa manedsment ng kompanya.

Ayon sa grupo, isang senyales na ayaw makipag-ugnayan ng pamunuan ng Katolec ang pagsibak sa kanilang hindi pinangalanang lider matapos nilang humiling ng taas-sahod at benepisyo.

“Ito ay malinaw na hakbangin upang [sawatahin] ang nasabing unyon na nasa ilalim ng aming pambansang unyon,” ayon sa PMA.

Binatikos din ng PMA ang kawalan ng aksiyon sa negosasyon  sa collective bargaining agreement (CBA) na inilapit ng unyon sa manedsment na sinundan ng pagtanggal sa trabaho ng 19 na manggagawa.

“Nanawagan ng PMA sa lahat ng unyon na nasa ilalim nito na suportahan ang lahat ng hakbangin ng Kaplu-PMA upang ipagtagumpay ang kanilang CBA.” dagdag na panawagan ng PMA.

Sa ngayon, wala pang nilalabas na detalye ng isasagawang welga at wala pang pahayag mula sa manedsment ng Katolec.