Himig ng paglaban ng Kordilyera, ninanakaw ng makina
“Dalawang antas ng pambabastos ang ginawa ng AI Salidummay. Komersiyalisado na nga, gumamit pa ng generative AI,” ani Jason Verzola.
Tahasang ninanakaw ng mga makina ang kaluluwa at kasaysayan ng Kordilyera.
Kamakailan, umusbong sa sikat na streaming platform na Spotify at iba pang plataporma ang iba’t ibang remix ng mga awitin ng kilalang grupong kultural na Salidummay. Ginamitan ng artificial intelligence (AI) ang mga kantang naglalarawan ng buhay at pakikibaka ng mga katutubo.
Kasama sa mga inilabas ang kantang “Pagay”, gayundin ang mga reggae at rock version ng “Danum”. Ipinangalan ang mga kantang ito sa isang nagpapakilalang “AI Salidumay”.
Mariing kinondena ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) ang pag-upload ng mga naturang kanta sa Spotify. DKK at Salidummay ang malinaw na nagmamay-ari at tunay na may hawak ng intellectual property rights (IPR) ng mga orihinal na awiting ito.
Hindi kailanman nagbigay ng pahintulot ang grupo para nakawin at gawing pagkakitaan ng mga AI generator ang kanilang sining.
Pambabastos, hindi popularisasyon
Bilang isang kabataang Igorot, napakahalaga ng awiting Salidummay kay Jason Verzola, isang kabataang manggagawang pangkultura ng DKK.
“Nadadaan sa pag-awit nito ang mga damdamin at iniisip na hindi maibigkas ng salita. Nagsisilbi rin itong paraan ng pagsasama-sama at pagbubuo ng pagkakaisa sa komunidad,” sabi ni Verzola, na nagtapos din ng Musicology mula sa UP College of Music.
Isang malaking hakbang pasulong para sa kanya ang ginagawa ng grupong Salidummay na lumilikha ng awiting ispontanyo na nagsasalarawan ng kultura at kasaysayan ng Kaigorotan.
Kaya naman mariing kinondena ang ginawa ng AI Salidumay ni Verzola. “Dalawang antas ng pambabastos ang ginawa ng AI Salidummay. Komersiyalisado na nga, gumamit pa ng generative AI,” giit niya.
Ipinaliwanag niya na nagsimula ang lahat noong Oktubre nang magpaalam ang Sunborn Music na gawan ng AI remix ang kantang “Usto a Dalan”.

Pumayag ang DKK at naging viral ito sa YouTube at Facebook. Napanatili ng Sunborn Music ang progresibong mensahe sa pamamagitan ng caption at napatunayang wala silang kinita mula sa monetization.
Ngunit agad itong sinamantala ng “AI Salidumay”. Walang paalam nilang ginawan ng remix ang kantang “Danum” na umani ng malaking engagement na posibleng pagkakitaan sa social media. Nawala ang progresibo at politikal na caption, kaya nawala rin ang orihinal na esensiya ng kanta.
Dahil dito, napilitan ang DKK na maglabas ng pormal na pahayag para tuligsain ang pamamangka sa dalawang ilog ng nasabing AI creator.
Sabi ni Luchie Maranan, vice chairperson ng DKK, sumosobra na ang pang-aabuso sa paggamit ng AI.
“Pagnanakaw at paglabag na talaga ito ng IPR,” aniya.
Bunga nito, pinag-iisipan ngayon ng DKK na humingi ng legal advice kung paano haharapin ang ganitong kaso ng copyright infringement, lalo pa’t kumikita ang nagpapakilalang AI artist mula sa kanilang orihinal na likha. Hinahanap din nila kung mayroon nang nauna o katulad na kaso na naisampa sa labanang legal sa Baguio.
Rebisyonismo sa porma at nilalaman
Sa loob ng kilusang masa, nagkaroon ng malusog na debate hinggil sa pagpasok ng teknolohiyang ito.
Mayroong nagsasabi, tulad ng pananaw ng ilang mga organisador, na dapat maging mapanuri sa pagbatikos sa AI dahil sa ilang pagkakataon, nakakatulong din ito para mapopularisa ang mga isyu ng mamamayan, gaya ng naging karanasan sa isyu ng Dupax del Norte.
Sang-ayon dito si Verzola, depende sa layunin ng paggamit ng AI. “Kung ang layunin ay popularisasyon, walang problema dito. Malaki pa ang gawaing dapat gampanan sa popularisasyon ng progresibong musika at kultura sa Kordilyera,” aniya.
“Pero kung ang layunin ay kita (monetization), clout chasing, at paramihan ng likes at shares, sa halip na pagmumulat at edukasyon, ito ay pambabastos na. Walang puwang ang liberalisasyon at komersiyalisasyon sa kulturang Kordilyera,” dagdag niya.
Binalaan din ni Maranan ang publiko sa mas malalim na panganib na dala ng ganitong teknolohiya.
“Ang irony lang ng paggamit ng AI, while it may seem visually attractive with audio enhancement, nawa-waterdown ang historicity o specific context ng material at diminished ang indigenous at artistic form and content,” sabi ni Maranan.
Tinawag niya itong isang porma ng rebisyonismo. “I view it as subtle or mild historical revisionism. AI robs the songs of its militant context when used for other purposes,” dagdag pa niya.
Makikita ang militanteng kontekstong ito sa mismong liriko ng mga kanta. Sa awiting “Pagay”, malinaw ang panawagan ng mga magsasaka laban sa mga mangangamkam ng lupa: Entayo ngarud usigen, dagiti mangirurumen / Dasig ti apo’t daga, agraman ab-abuyot da (Usigin natin ang mga mapang-api / Lalo na ang mga panginoong maylupa at ang kanilang mga alipores).
Tumutungo ang kanta sa panawagang magkaisa: Datayo a mannalon, entayo agtitipon / Petpetan ta’y ti kumpay, waya-wayaan ti aw-away (Magkaisa tayong mga magsasaga / Mahigpit nating hawakan ang karit, palayain ang kanayunan).
Ganito rin ang malalim na hugot ng kantang “Danum” at “Usto a Dalan”. Inihahalintulad ng awit ang malakas na agos ng tubig mula sa bundok sa hindi mapipigilang pakikibaka ng masa: Ti kaiyarigan na ti danum a napigsa / Dangadang ti Umili / Sigurado agballigi (Tulad ng malakas na agos ng tubig / Ang pakikibaka ng mamamayan / Nakakasigurong magwawagi)
Sinuhayan ito ni Verzola. “Nawawala ang ‘humanistic’ na katangian ng sining, musika, at kultura kapag ginagamitan ng generative AI, lalong lalo na kapag nilapat ito sa kultura nating mga katutubo,” aniya.
Dahil walang emosyon at kasaysayan ang makina, “nawawala ang kabuuan ng kasaysayan at kulturang pinagmulan nito,” giit pa niya.
Bunga nito, lumalabnaw at nagiging komersiyalisado ang mga awiting orihinal na ginawa para sa protesta at pagmumulat.
Ang siyensiya ng pekeng emosyon
Hindi nakahiwalay ang pagnanakaw sa sining ng Salidummay sa mas malaking sabwatan ng malalaking tech company at record labels. Sa buong mundo, binabaha na ang industriya ng musika ng tinatawag ng mga kritiko bilang AI music slop. Lumalabas sa datos na umaabot sa 50,000 ganap na AI-generated tracks ang ina-upload araw-araw sa mga plataporma, na bumubuo sa 34% ng lahat ng pang-araw-araw na deliveries.
Gaano nga ba kahusay manlinlang ang mga makina at mga gumagamit nito?
Ayon sa isang pandaigdigang sarbey ng Deezer at Ipsos noong taon 2024 at 2025, 97% ng mga tagapakinig ang nabigong matukoy ang pagkakaiba ng musikang buong ginawa ng AI at musikang gawa ng tao.
Sa kabila nito, pinatutunayan ng siyensiya na iba pa rin ang pagtanggap ng katawan at isip ng tao sa tunay na sining. Sa isang pag-aaral ng PLOS One na sumuri sa biometric data ng mga tagapakinig, napatunayang mas lumalaki ang pupil ng mata ng mga nakikinig sa AI soundtracks kumpara sa musikang gawa ng tao.

Ipinapakita ng mas malaking pupil dilation na nangangailangan ng mas mataas na cognitive effort o mas matinding pokus ng isip para maproseso at ma-decode ang impormasyon mula sa musikang likha ng AI.
Samantala, napatunayan din sa pag-aaral na mas itinuturing na pamilyar ng mga tagapakinig ang musikang gawa ng tao kaysa sa parehong kondisyon ng musikang ginawa ng AI.
Malinaw ang dahilan kung bakit. Hindi kailanman mararamdaman ng makina ang mga emosyong nakapaloob sa isang awit. Walang katawan ang AI; wala itong karanasan sa buhay, walang kultural na layunin, at walang malikhaing ahensiya.
Nakadepende lang ang mga AI system sa pagkilala ng mga pattern at estadistika, samantalang humuhugot ang mga totoong artista mula sa kanilang pisikal na karanasan at kultural na intuwisyon.
Kumokonekta ang musika dahil nakaugat ito sa personal na karanasan, pamanang kultural, at panlipunang ugnayan.
Pagbawi sa sariling sining
Sa gitna ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, may hamon si Verzola.
“Dapat magkaroon ng malinaw na pagsusuri at patakaran ang mga progresibong organisasyong pangkultura pagdating sa generative AI. Sa pamamagitan nito, maaari nang makagawa ng mga programa, i.e., magtulak ng mga batas o ordinansa,” panawagan niya.
Bukod dito, “dapat pang sipagan ang paglikha ng mga progresibong awitin, likha, tula, atbp. na siyang tatangkilikin ng masa,” dagdag niya
Para sa mga gumagawa ng AI covers, iginiit ni Verzola: “Hangga’t maaari, magpaalam kayo sa mga orihinal na kompositor at magkaroon ng malinaw na usapan. I-convey niyo ang tunay na mensahe ng mga awitin ng Salidummay.”
Higit sa lahat, hinimok niya ang publiko na tangkilikin ang orihinal na bersiyon ng mga lokal na mang-aawit at kompositor, at linangin ang mga katutubo at lokal na awitin.
Hindi maipapanalo ang laban na ito sa pamamagitan ng pagkopya sa bilis at dami ng nililikha ng mga makina. Mananatiling makabuluhan at awtentiko ang mga tunay na artista sa pamamagitan ng pagpapalakas sa mga katangiang hindi kayang gayahin ng AI: ang katotohanan ng emosyon, kahinaan, at makabuluhang ugnayan sa masa.