Diskriminasyon sa LGBTQ+, atake sa karapatan, inalmahan


Nanawagan ang grupong Bahaghari na palayain na ang mga bilanggong politikal na kinabibilangan ng ilang LGBTQ+ na indibidwal, sa isang protesta nitong Hunyo 18 sa labas ng Department of Justice.

Nanawagan ang grupong Bahaghari, kasama ang Karapatan at Gabriela, na palayain na ang mga bilanggong politikal na kinabibilangan ng ilang LGBTQ+ na indibidwal, sa isang protesta nitong Hunyo 18 sa labas ng Department of Justice sa Maynila.

“Kung [si Marcos Jr.] ay tunay na pro-people at tunay siyang tagapagtanggol ng mga inaapi, kailangan hindi lang puro salita, hindi lang puro pangako, bagkus gawing totoo ang lahat ng pangako,” sabi ni Yell Teresa, tagapagsalita ng Bahaghari.

Ilan sa mga nakulong na miyembro ng LGBTQ+ si Verdy Pongasi, aktibista mula Negros Occidental na ilegal na inaresto noong Okt. 3, 2020 at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives, sunod sa padron ng gawa-gawang kaso, ayon sa Karapatan.

Biktima rin nito si Alexandrea Pacalda, mula sa Quezon, na hanggang ngayon ay nakakulong sa Correctional Institution for Women sa parehas na gawa-gawang kaso.

Ayon kay Matty Rebulado, national convenor ng Stonewall Philippines, alyansang pinamumunuan ng Bahaghari, hindi nararapat ibida ng gobyerno ang pagkakapantay-pantay kung hanggang ngayon ay araw-araw nakararanas ang taumbayan ng diskriminasyon at mga atake sa karapatang pantao.

Kaya panawagan nila ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity, Expression, or Sex Characteristics Equality Bill o SOGIESC Bill.

Tangan din nila ang panawagang hustisya para sa mga miyembro ng LGBTQ+ na pinaslang sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19 na sina Kai Sorem, Maureen Santuyo at RJ Ledesma.

“Hindi magiging selebrasyon ang Pride Month kung patuloy na may naaabuso,” sabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan.