Salamin pa rin ng pamilyang Pinoy ang mga Cosme
Nagtagumpay ang pelikula na iparating ang mensahe ng kahalagahan ng pamilya sa kabila ng mga pagsubok, ‘di pagkakaunawaan at pagkawala.
Mula 1992 hanggang 2003, hindi lang nagbigay ng aliw ang sitcom na “Home Along Da Riles” na umere sa ABS-CBN kundi naging bahagi rin sa tahanan ng mga pamilyang Pilipino.
Matapos ang mahigit dalawang dekada, muling nagbabalik ang sitcom bilang isang pelikula na nagtatangkang kumatok sa makabagong henerasyon, bitbit ang mga aral at nostalgia ng kahapon.
Pinamagatang “Home Along Da Riles: Da Reunion” ang pelikula na isinulat ni Rhandy Reyes, isa sa mga orihinal na manunulat. Nabuo naman ito sa pagdidirehe ni Boy2 Quizon, ang apo ni Dolphy, ang namayapang Comedy King na gumanap na Kevin Cosme, ang ama ng tahanan sa sitcom.
Tampok pa rin sa pelikulang ito ang orihinal na cast na sina Nova Villa, Vandolph, Claudine Barretto, Gio Alvarez, Smokey Manaloto, Boy2 Quizon, Maybelyn dela Cruz, Cita Astals, Sherilyn Reyes-Tan, Ces Quesada, Joymee Lim, Aurora Halili at Dang na may panibagong adisyon ng mga aktor na sina Jenny Quizon, Pepe Herrera at Gardo Versoza.
Umiikot ang kuwento ilang taon matapos pumanaw si Kevin, kung saan sinisikap ng kanyang mga anak na isabuhay ang mga aral na itinuro niya. Ngunit magkakaroon ng hidwaan sa pamilya nang inanunsiyo ni Bing (Barretto) ang plano niyang pagpapakasal sa “imported” na kasintahan. Susubukan ng kanyang mga kapatid na sina Bill (Manaloto), Bob (Alvarez), Baldo (Vandolph) at Estong (Boy2) na pigilan ang kasal.
Tampok pa rin sa pelikula si Azon (Villa), biyuda ni Kevin at “tita nanay” ng magkakapatid na Cosme, na labis na nababahala dahil sa lumalalang pagkakawatak-watak at ang tila pagkalimot sa mga pinahahalagahang aral ng yumaong padre de pamilya.

Pamilyar ang naging timpla ng “Home Along Da Riles: Da Reunion” dahil nakaugnay ito sa panlasa noong dekada 90. Sa pagtutok sa mga bawat eksena, bumabalik ang saya ng kahapon na at ang simplisidad ng buhay.
Patok pa rin ang mga cliché, ang mga nagsasanga-sangang plot point at ang klasikong slapstick humor na may mahabang kasaysayan mula pa sa teatro at bodabil. Kung susuriing mabuti, maikukumpara ang formula ng pelikula sa “Four Sisters and a Wedding” at “Seven Sundays” na mga kuwentong pamilya rin.
Kaugnay nito, sa panahon kung kailan mas tinatangkilik ng mga Pilipino ang mga pelikula’t serye na gawa sa ibang bansa, isang mahalagang paalala ang “Home Along Da Riles: Da Reunion” na dapat mas yakapin natin ang mga pelikulang Pilipino. Sapagkat hindi lang sila basta pelikulang nagbibigay ng aliw, sila’y mga paalala ng ating pagkakakilanlan na dapat nating pahalagahan ano man ang ating edad at kung saang panig man tayo ng mundo.
Bagaman ang primaryang target ng pelikula ang mga nakapanood ng sitcom sa telebisyon, mahalagang bigyan ng pagkakataon na panoorin ito ng mga makabagong henerasyon nang sa gayon ay mas maunawaan aral na iniiwan ng pelikula sa mga manonood nito.
Maraming gustong iparating ang pelikula at marahil ang mga batang 90s na lumaking pinanood ang sitcom ang makakapagbigay ng halaga. Gayunpaman, dapat bigyan ng pagkakataon ng mga makabagong henerasyon na panoorin ang pelikula upang mas maintindihan ang kahalagahan nito na naging sandalaan ng mga nagdaang henerasyon.
Sa kabuuan, naging puso at angkla ng pelikula ang karakter ni Azon na nagluluksa sa pagkamatay ng asawang si Kevin. Puno pa rin ng komedya at katatawanan ang pelikula, ngunit may mabibigat ang palitan ng mga emosyon sa pagtalakay kung paano ba natin hinaharap at pinagdaraanan ang pangungulila.
Sinasagot ng pelikulang ito ang tanong: Paano nga ba natin pupunan ang mga espasyong naiwan ng mga namayapang mahal sa buhay?
Sa ganitong gana, nagtagumpay ang “Home Along Da Riles: Da Reunion” na iparating ang mensahe ng kahalagahan ng pamilya sa kabila ng mga pagsubok, ‘di pagkakaunawaan at pagkawala.
Sa huli, hindi maikakaila ang naging impluwensiya ng “Home Along Da Riles” sa mga batang 90s sapagkat pinanday nito ang kanilang pag-uugali, paniniwala at masasayang ala-ala. Dahilan ito para bigyan ng pagkakataon na panoorin ang pelikula kasama ang ating pamilya.