Sports

Koponang PBA sumabak sa palaro sa Dubai


DUBAI – Sumabak ang Coca Cola Tigers at Air21 Express, dalawang koponan ng PBA (Philippine Basketball Association) laban sa dalawang koponan ng UAE (United Arab Emirates) nitong nakaraang linggo sa Sheikh Hamdan Bin Rashid Al Maktoum International Basketball Tournament na ginanap sa Al Nasr Sports Club sa Dubai. Lulan na rin ito ng impresibong pakita […]

DUBAI – Sumabak ang Coca Cola Tigers at Air21 Express, dalawang koponan ng PBA (Philippine Basketball Association) laban sa dalawang koponan ng UAE (United Arab Emirates) nitong nakaraang linggo sa Sheikh Hamdan Bin Rashid Al Maktoum International Basketball Tournament na ginanap sa Al Nasr Sports Club sa Dubai.

Lulan na rin ito ng impresibong pakita ng Smart Gilas-Team Pilipinas sa kakatapos ring 21st Dubai International Basketball Championship, kung saan nasungkit ng Philippine developmental team ang ikatlong puwesto laban sa mga bigating Pan-Arabic na koponan ng basketball.

Nakopo ng Air21 ang ikalawang puwesto sa palaro nang magapi nila ang Al Nasr Club 84-73 sa kabila ng pisikalidad ng laban at ilang taweag ng referee na hindi pabor sa mga pinoy. Nakuha ni Alex Cabagnot ang titulo ng Best Playmaker sa palaro. Sa naunang laro, yuko ang Coca-Cola Tigers 97-89 sa UAE. Nagapi rin sila ng Air21 at Al Nasr Club.

Nakuha ng UAE ang kampeonato ng palaro.

Ipinangalan kay Shaikh Hamdan Bin Rashid Al Maktoum, deputy minister sa Dubai at Ministro ng Pinansiya ng UAE, ang palaro. Sumasailalim ito sa pamantayan ng FIBA at mayroong one-round elimination series. Hanggang tatlong banyaga ang maaaring maisali sa line-up ng koponan ngunit dalawa lamang ang maaaring sabay na isabak sa palaruan.

Sa unang araw pa lamang ng liga, nilampaso ang dalawang koponan ng PBA. Pinalasap ng UAE National Team ang 80-77 paggapi sa Express, habang ang Tigers naman ay dinomina ng Al Nasr Club, 72-55.

Ani ng dalawang koponan, jet lag at pangit na pag-oopisya ang dahilan ng kanilang pagkatalo. Isang insidente pa ang kinsangkutan ng Air21 kung saan nakatanggap ng sipa si Willie Arboleda sa isang manlalaro ng UAE habang nasa sahig at nag-aagawan sa bola. Nadagdagan pa ito nang, habang nakatikim ng limang puntos na kalamangan ang mga Pinoy, nag-init ang isang manlalaro ng UAE at hinamon ang buong bench ng Express. Rumesponde man ang pulis at ang mga opisyal ng Al Nasr Club, dahil hindi agad napahupa ang manlalarong UAE.

“We were surprised to see that even though team managers from Al Nasr Club already intervened, the man did not back down. Anyway, this is just a basketball game and we don’t mind those kinds of rough plays,” ang pahayag ni Air21 team manager Lito Alvarez.

Sa sumunod na laro, si Vincent Jones naman ang umariba para sa Al Nasr habang inninsa ng Coca-Cola Tigers ang jet lag. Dinomina ng  6-foot-11 Kano ang opensa at depensa, na nakakuha pa ng anim na sapal, ang dalawa rito ay pinalasap niya kay Asi Taulava.

Ito na ang ikalawang taon ng palaro. Saad ni Naji Aljabri, CEO ng New Generation Sport Marketing Event at tagaorganisa ng palaro, gusto niyang subukan ang kakayanan ng pambansang koponan ng UAE at ang Al Nasr Club laban sa mga koponan na manggagaling sa PBA.

“Should the officiating had been fair in our first game, we could have emerged as champions,” ang saad ni Yeng Guiao, coach ng Air21.

Para naman kay Coach Bo Perasol ng Coca Cola, magandang pagkakataon ito para mahasa ang kanyang koponan sa susunod na Fiesta Cup ng PBA kung saan magpapalaro ng imports ang liga. “More than the game, it’s the bonding and preparation for the team,” dagdag ni Perasol.

All-Filipino ang ipinadalang koponan ng dalawang koponan ng PBA.

Mataas ang kanyang pagtingin sa liga ng Pilipinas, na sa pagtingin ni Aljabri ay isa sa pinakaorganisado at prestihiyosong liga ng basketball sa mundo kahanay ng (National Basketball Association) at ng Euro League. “I want to bring the same professional experience and game intensity of the PBA in the UAE and also to provide entertainment to the Filipino expats who are known basketball fanatics,” dagdag ni Aljabri.

ulat ni Angel Tesorero mula sa Dubai