Kalikasan

Atimonan coal plant, pinagpipilitan kahit makasasama


Sa lahat ng fossil fuel, ang coal ang may pinakamataas na carbon emission kapag sinusunog at kabilang sa pinakamalaking pinagmumulan ng nakalalasong polusyon.

Tubong Atimonan, Quezon si Ramon Grimaldo, 72, na mas kilala bilang Ka Ramon. Labimpitong taong gulang pa lang siya nang magsimulang mangisda sa mayamang karagatan ng Lamon Bay.

Mahigit limang dekada na siyang umaasa sa dagat para mabuhay. Kaya mariin niyang tinututulan ang planong pagtatayo ng coal-fired power plant sa kanyang bayan.

Para kay Ka Ramon, hindi lang ito usapin ng kuryente. Usapin ito ng dagat na bumuhay sa kanilang pamilya at ng kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Bilang lider ng Sagip Karagatan, samahan ng maliliit na mangingisda sa Atimonan, ayaw niyang maranasan ng kanilang komunidad ang sinapit ng mga mangingisda sa Batangas at Cebu na naapektuhan ng operasyon ng mga coal-fired power plant (CFPP).

“Maliit na bangkang de-motor at isang de-sagwang katig lang ang gamit ko. Hindi ko kayang mangisda sa Palawan o West Philippine sea. Magastos na, delikado pa,” ani Ka Ramon.

Ayon kay Ka Ramon, humina ang huli ng mga mangingisda dahil sa polusyon at mainit na tubig na ibinubuga ng mga planta. Dahil dito, lumalayo ang mga isda at naaapektuhan maging ang kanilang migratory routes. Marami ring lamang-dagat ang namamatay kapag nahihigop sa cooling system ng planta.

Si Ramon Grimaldo, lider-mangingisda ng Sagip Karagatan sa Atimonan, Quezon. Larawan mula kay Raomon Grimaldo

Sa pag-aaral ng Center for Environmental Concerns (CEC) sa ilang barangay ng Pagbilao, Quezon, malaki ang ibinaba ng dami ng nahuhuling isda matapos magsimulang mag-operate ang Pagbilao Power Station Complex.

Ang CEC ay isang environmental NGO na matagal nang nagsasagawa ng pananaliksik at pakikipagtulungan sa mga apektadong komunidad.

Babala rin ni Ka Ramon na palalalain ng proyekto ang polusyon at kakulangan sa groundwater na siyang pinagkukunan ng malinis na tubig.

“Hindi pa nga naitatayo [ang planong 83 ektaryang CFPP], inangkin na nila ‘yong dalawang ilog [sa Atimonan], ang Matagiktik at Karinay. Naiipon na sa basin ng planta ang tubig mula sa dalawang ilog.”

Sa baybayin ng Atimonan pa rin nakatira si Ka Ramon. May limang apo na siya, limang taong gulang pa lang ang pinakabata, isang edad na lubhang bulnerable sa epekto ng polusyon na dadalhin ng planta. 

Makasasama sa kalusugan ng tao ang coal-fired power plant at alam ito ng pamahalaan. “Nakapagtataka na pinipilit pa rin ito sa amin,” aniya. 

Sa lahat ng fossil fuel, ang coal ang may pinakamataas na carbon emission kapag sinusunog at kabilang sa pinakamalaking pinagmumulan ng nakalalasong polusyon.

Para kay Fr. Warren Puno, kura paroko ng Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Barangay Ponon sa Atimonan, hindi makatuwiran ang patuloy na pagsusulong ng coal.

“‘Di bale sana kung walang alternatibo. Pero laganap na ngayon ang renewable energy,” aniya.

“Hindi lamang ang pagsusunog ng coal ang tinututulan ng simbahan kundi ang buong life cycle nito, lalo na ang pagmimina,” ayon kay Fr. Warren.

Aniya, malaking impluwensiya sa kanya ang mga turo ni Pope Francis tungkol sa pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa mahihirap. Mula noon, hindi na lang siya nagmimisa, aktibo na rin siyang naglilibot sa mga komunidad upang alamin ang kanilang kalagayan at makiisa sa kanilang mga laban.

Si Fr. Warren Puno, kura paroko ng Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Barangay Ponon, Atimonan, Quezon, sa public hearing ng Joint Committees on Energy and Environment ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon. Larawan mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Quezon

Minsan na rin siyang na-red-tag at pinaratangang kasapi ng New People’s Army ng mga sundalo at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa kanyang adbokasiya.

“Mula sa pagmimina, transportasyon, paghuhugas, pagsusunog o combustion, hanggang sa pagtatapon ng coal combustion waste o fly ash, pinsala sa kalusugan at kabuhayan ng tao ang dala ng coal,” dagdag niya.

Ayon sa CEC, naglalabas ang mga coal plant ng sulfur dioxide, nitrogen oxides, mercury, arsenic, lead at iba pang heavy metals na nagdudulot ng polusyon sa hangin at tubig. Nagbubuga rin ang mga ito ng particulate matter na madaling makapasok sa baga at daluyan ng dugo na maaaring magdulot ng mga sakit sa puso, baga at iba pang malulubhang karamdaman.

Sa pag-aaral ng CEC at Bukluran para sa Inang Kalikasan noong 2016 sa Calaca, Batangas, mataas ang naitalang kaso ng upper respiratory tract infection (201 sa 557), hika (68), altapresyon (95) at iba pang sakit sa mga residenteng nakatira malapit sa coal plant.

Dumami rin ang mga kaso ng sakit sa balat, sakit sa puso, pulmonary tuberculosis, diabetes at pulmonya. Marami rin ang nakitaan ng mga kondisyon gaya ng thyroid disorders, peptic ulcer at stroke.

Ang Perez ay isang bayan na  matatagpuan sa isla ng Alabat sa Quezon. Pahaba ang hugis nito. Nakaharap sa Lamon Bay at mga bayan ng Quezon tulad ng Mauban at Atimonan ang kanlurang bahagi nito habang Karagatang Pasipiko naman sa silangan.

Tahimik ang Perez. Payak ang pamumuhay at luntian ang kabundukan. Ngunit tuwing panahon ng amihan, ayon sa mga residente, kasama ng malamig na hangin ang particulate matter na nagmumula umano sa coal plant sa Mauban.

“Ito marahil ang dahilan kung bakit inaatake pa rin ako ng hika kahit pa umuwi na ako sa isla mula Maynila,” ayon kay Andrea Olase, 56.

Si Andrea Olase, dating konsehal ng Perez, Quezon na aktibo sa simbahan at mga civil society organization para isulong ang pangangalaga sa kalikasan tulad ng . Larawan mula sa Power for the People Coalition

Aktibo sa simbahan at mga civil society organization (CSO) ang dating konsehal ng Perez, na mas kilala sa bagong henerasyon bilang Ate Rea.

“Lubhang nakababahala ito. Kailangang may gawin [ako],” ayon kay Rea.

Sa pakikipagtulungan sa mga CSOs gaya ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), taong simbahan at mamamayan, tinalakay, pinagdebatehan at ipinasa ng pamahalaang lokal ng Perez noong Marso 2025 ang ordinansang ipinanukala ni Rea—ang Pambayang Kautusan sa Nagpapanibagong Enerhiya ng Bayan ng Perez.

Idineklara ng nasabing ordinansa na mananatiling fossil fuel-free municipality at pro-renewable energy (RE) gaya ng solar at wind power ang bayan ng Perez.

Convenor din si Fr. Warren ng Quezon for the Environment (Queen), isang koalisyong binubuo ng iba’t ibang organisasyong masa na tutol sa pagkakaroon ng CFPP sa Atimonan. Labing-isang taon na ang plano ng Atimonan One Energy Inc. (A1E) pero 11 taon na  rin nilang aktibong nilalabanan ang pagtatayo ng nasabing planta. 

Iba’t ibang porma ng paglaban ang baon nila: mga pag-aaral hinggil dito, mga kilos-protesta, pagpapanukala sa pamahalaang lokal, pagkuwestiyon, pagsasampa ng mga reklamo at pagkakaso sa mga sangkot sa proyekto—lahat para lang mapigilan ang proyekto.

Kuwento ni Fr. Warren, “Malaki daw ang kikitain ng pamahalaan sa proyekto. Aabot daw ng P600 million. Sa karanasan ng mamamayan ng Mauban at Pagbilao, hindi naman nito napaunlad ang buhay ng mamamayan.” 

Nito lang Mayo 15, nabalita ang malawak at madalas na nangyayaring fishkill o maramihang pagkamatay ng mga isda sa Tayabas Bay. Ayon sa mga tanggol-kalikasan, polusyon sa tubig mula sa coal plant sa Pagbilao ang dahilan ng fishkill.

Nagpasa rin kamakailan ng ordinansa ang Sangguniang Panlalawigan ng Quezon na itinatakdang maging coal-free ang probinsiya, subalit gaya ng moratorium ng Department of Energy, may eksepsiyon—hindi nito tinututulan ang mga committed project.

Sa public hearing hinggil sa ordinansang itinutulak ng Sangguniang Panlalawigan, dumalo ang mga makakalikasan gaya nila Rea at Fr. Warren, at mga kinatawan ng A1E.

“Naramdaman ko na itinutulak na naman nila ang pagtatayo ng CFPP sa Atimonan,” pag-aalala ni Rea.

Protesta niya sa kapulungan, “Bakit hindi kinukonsulta ang mamamayan ng AlQueRez (Atimonan, Quezon, Perez) sa planong ito samantalang apektado ang mga tagaisla, lalo tuwing amihan, ng polusyong manggagaling sa coal plant.”

Dagdag pa niya, “Kapalit ba ng buhay at kabuhayan namin ang milyong pisong buwis na makukuha mula sa planta?”

Sa kasalukuyan, hindi pa aprubado ang nasabing ordinansa na inihain ng Sangguniang Panlalawigan.

“Noong 2015, sinasabi na rin ‘yan sa amin, done deal na daw dahil may Environmental Compliance Certificate na sila noong Oktubre 2015. Pero hindi kami nagpatinag doon. Alam namin na makakasama ito sa mamamayan at sa kalikasan. Kaya wala kaming pagsuko dito,” ayon naman kay Fr. Warren. 

Mahigit isang dekada nang nahahadlangan ng paglaban ng mamamayan ang planong coal plant sa Atimonan. Ngunit para kina Ka Ramon, Fr. Warren at Rea, hindi pa tapos ang laban.

“Hindi porke’t 11 taon na natin napipigilan ang proyekto ay titigil na tayo,” ani Fr. Warren. “Negosyo ang nakikita nila rito. Kami naman, buhay ng tao at kalikasan.”