Maralitang Lungsod

Sa hirap at ginhawa, kapit-bisig tayong maralita


Sa gitna ng kapalpakan ng pamahalaan sa taon-taong paghagupit ng pagbagyo at malakas na ulan, nakahanap ang mga maralitang komunidad ng sandigan sa kanilang mahigpit na pagkakaisa.

Tag-ulan na naman.

Para sa ilan, pagkakataon ito para manatili lang sa bahay at magpahinga kasama ang kanilang pamilya. Pero para sa maralitang lungsod na naninirahan sa mga tabing-ilog at iba pang daluyan ng tubig, mga mababang lugar, mga dump site, at maging mga relokasyon, tiyak na agad ang kanilang paglubog sa baha. Depende na lang sa lakas at tagal ng ulan kung hanggang-baywang ang tubig o lampas-tao.

“Maraming komunidad sa atin ang hindi napapayapa ang buhay [dahil] hindi napoprotektahan ang ating kalikasan,” sabi ni Mimi Doringo, secretary general ng Kadamay, sa kanilang State of the Urban Poor Address nitong Hulyo 24. Hindi rin pinalampas ng lider-maralita ang mga kurakot na opisyal ng gobyerno sa kanilang mga flood control project na lalong nagsadlak sa mga mamamayan.

Patuloy na binabalikat ng mahihirap ang mga sakunang bunsod ng pagbabago sa klima na lalong pinabigat ng mataas na presyo ng langis, kuryente at pagkain. Kung hindi maaasahan ang gobyerno, ano pa ang kanilang magagawa?

Danas palagi ng mga residente ng Barangay Tatalon, Quezon City ang delubyo. Laksa-laksang kabahayan ang nakatirik sa mahigit 90 ektarya nitong lupa, ngunit dahil sa mababa nitong lokasyon, sinasalo ng komunidad ang lahat ng tubig-baha mula sa mga karatig na barangay.

Ayon sa Inklusibo, isang institusyong nakatuon sa maralita at impormal na sektor, halos P2 milyon ang inabot na pinsala sa 131 kabahayan sa Tatalon noong Bagyong Carina noong 2024. Maaaring mas malaki pa ito sa aktuwal dahil sa laki ng populasyon.

Kabilang ang mga residente ng Tatalon sa 2,000 maralitang nangalampag sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Abril 14, 2026 para sa pangako nitong tulong sa mga biktima ng bagyo at habagat. Isang taon na nilang pinapanawagan ang kompensasyon para sa mga nasalanta. Kat Catalan/Pinoy Weekly

Sa buong bansa, mahigit 500,000 pamilyang maralitang lungsod ang bulnerable sa mga sakuna batay sa pag-aaral ng United Nations Human Settlements Programme.

Kalimitang pinsala sa mga kabahayan ang pagkasira ng mga yerong bubong, pader, at kagamitan sa loob at labas ng bahay. Sa matitinding mga kaso, warak ang mismong mga bahay, taniman at sasakyang pangkabuhayan tulad ng jeepney at tricycle.

Naiiwan ang maralita sa literal na kawalan. Ngunit sa gitna ng delubyo, likas pa rin sa kanila ang kagyat na pagkilos at pagtulong sa kapwa walang-wala.

Madalas na magtayo ng soup kitchen ang mga nanay sa Tatalon upang umagapay sa kanilang komunidad na nalubog sa baha. Stand with the Poor/Facebook

Isa sa mga umiral na inisyatiba ng mga maralitang komunidad ang Stand with the Poor. Bunga ng kawalang-aksiyon ng pamahalaan noong pandemya, nagsimula ng relief operations ang iba’t ibang grupo ng maralitang lungsod at advocates para sa mga komunidad na apektado ng lockdown.

Ngayon, nagbibigay sila ng kagyat na tulong sa mga komunidad na nasasalanta ng bagyo at baha o humaharap sa banta ng demolisyon. Naglulunsad sila ng mga kusinang bayan at nagpapamahagi ng pagkain, damit, hygiene kits at iba pang gamit lalo sa panahon ng matinding sakuna.

Nagtayo rin ng kusinang bayan at community pantry ang mga komyuter para sa mga tsuper at opereytor na apektado sa pagmahal ng diesel magmula Marso ngayong taon. Naging paraan din nila ito para manawagan ng pananagutan at dekalidad na serbisyo mula sa administrasyong Marcos Jr.

“Hindi lang naman ito para maging charitable. We also want to politicize it because what happened was very political,” sabi ni Niko Biazon ng Para Commuters’ Network.

Namigay ng libreng pagkain ang mga boluntir ng Para Commuters’ Network sa mga jeepney drayber na apektado ng mataas na presyo ng langis sa Malate, Maynila noong Hulyo 24, 2026. Contributed photo

Sa kasalukuyan, nakasalalay ang parehong inisyatiba sa dami ng natitipong donasyon at sumasaling boluntir. Nananatiling hamon ang pagtuloy-tuloy at pagpalawak ng kanilang mga operasyon at pag-angkop sa pagbabago sa klima.

Ani Biazon, dapat itong planuhin nang maigi upang makaagapay sa mga maralita at tsuper na nawawalan ng kita at makakain dahil sa hagupit ng panahon.

Noong Hunyo 28, 2026, naglunsad ng pagsasanay ang Inklusibo kasama ang mga lider-maralita mula Quezon City at Bulacan upang masustento ang tugon ng mga komunidad tuwing may sakuna. Hans Bautista/Inklusibo

Ngayong taon, mas organisadong sinalubong ng mga grupo ang panahon ng habagat. Bumuo ng masaklaw na mutual aid response plan ang mga lider-maralita mula sa mga bahaing komunidad ng Quezon City at Bulacan katuwang ang Inklusibo.

Pangunahin sa kanilang plano ang pagtiyak ng akses sa pagkain, tubig, gamot at malinis na palikuran. Tinukoy ding priyoridad na tulungan ang mga bata at matatanda na mas bulnerable sa mga sakit na dala ng tubig-ulan.

“Sa agaran, talagang community ang magtutulungan sa pagtaguyod sa isa’t isa. Sa strategic o sa long-term, doon na papasok yung pagseek ng accountability sa gobyerno,” sabi ni Hans Bautista, executive director ng Inklusibo.

Nilangkap din nila sa plano ang aktibong pagtalakay sa mga komunidad tungkol sa krisis sa klima at ekonomiya at pagkampanya para sa mabisang serbisyong panlipunan para sa mahihirap.

Dagdag ni Bautista, “Hindi lang tayo dapat nali-limit sa ayuda. Dapat meron tayong pagkilos na ginagawa para mas mamaintain natin ‘yong dignidad ng tao ‘pag may nangyayaring trahedya sa community.”

Nitong Bagyong Luis at Bagyong Maymay, naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P1.8 bilyong ayuda para sa mahigit-kumulang 124,000 apektadong pamilya sa buong bansa. Halos P14 milyon pa lang ang napamahagi ayon sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Ago. 9.

Patunay muli ang paglubog sa baha ng Metro Manila sa kinahinatnan ng P2 bilyong pondo para sa Oplan Kontra Baha ng administrasyon. Matapos ng flood control scandal, maraming tulak para sa mga proyektong disaster risk reduction ngunit nananatiling kagyat na tugon ng gobyerno ay ayudang may iba’t ibang pangalan.

Maaaring pansamantalang kumapit dito ang maralita, ngunit sa pangmatagalan, titindig sila para sa sarili nilang interes at kapakanan. Tatayo sila sa sarili nilang paa hangga’t hindi tinatangan ng gobyerno ang responsibilidad nito.

Tulad ng maraming bagay, malikhain ang maralita sa kanilang tugon sa krisis sa klima at ekonomiya.

Kuwento ni Bautista, kalakhan ng maralitang lungsod ay nagmula sa mga pamilyang magsasaka sa probinsiya. Dahil sa kaalaman nila sa pagtanim ng gulay at prutas, natukoy na paraan sa pag-unlad at pagpatuloy ng mga kusinang bayan ang paglinang ng mga garden sa komunidad.

“Maraming potential benefits tulad ng nutrition, paggamit ng idle lands at pag-maintain ng community itself. Low-cost pa, kaya kakayanin talaga ng community panghawakan ito,” paliwanag niya.

Nagpipitas si Estrelieta “Ka Inday” Bagasbas ng mga okra at talong sa kanilang community garden sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City. Kat Catalan/Pinoy Weekly File Photo

Maraming mga community garden ang sumibol sa mga nakaraang taon. Kapag tumungo sa Sitio San Roque o sa Sitio Bakal na parehong nasa Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City, may makikita nang matingkad na luntian sa gitna ng tagpi-tagping kulay ng hollow block, kahoy at yero. May kaunting silong, kaunting lasap ng sariwang hangin—kaunting binhi ng pag-asa.