Uncategorized

Di pa rin sumusuko sa laban sa paghahanap ng co-producer si Mario O’Hara para sa pelikula tungkol kay Andres Bonifacio


Handa na ang lahat. Pati ang mga kostyum na gagamitin para sa mga historikal na eksena ay natahi nang halos lahat. Pati ang mga artistang gaganap halimbawa’y si Alfred Vargas para sa papel ni Andres Bonifacio at Coco Martin bilang Emilio Aguinaldo ay kasado na. Pati ang imahinasyon ni Mario O’Hara ay naglalakbay na sa […]

Handa na ang lahat.

Pati ang mga kostyum na gagamitin para sa mga historikal na eksena ay natahi nang halos lahat.

Pati ang mga artistang gaganap halimbawa’y si Alfred Vargas para sa papel ni Andres Bonifacio at Coco Martin bilang Emilio Aguinaldo ay kasado na.

Pati ang imahinasyon ni Mario O’Hara ay naglalakbay na sa malikhaing pagsasapelikula ng makasaysayang pagdinig sa kasong treason ni Bonifacio na inihain sa kanya ng rebolusyonaryong pamahalaan ng Pilipinas ni Aguinaldo noong bago sumapit at pumihit ang 1900.

Naipagkaloob na ng Cinemalaya Foundation at ng Cultural Center of the Philippines sa pamamagitan ng Grassroots Film Productions ang halagang P500,000.00 para sa produksyon at karagdagang P100,000.00 para sa post-production ng pelikulang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” na isa sa limang pelikulang pinili ng 2010 Cinemalaya Independent Film Festival sa kauna-unahang kategorya nitong Open Category.

Pero dahil nga sa ang nais ni Mario ay may kaibang dating ang kanyang obra, may kahalagahan at world-class, kailangang dagdagan ang pundong ito mula sa ibang intresadong mamuhunan.

Karanasan ang nagdidikta na kung talagang mas pulido ang produksyon, dagdagan ang P600,000.00 na gantimpala ng Cinemalaya.

***

Ito nga ang ginawa ni O’Hara.

Nag-isip siya ng mga paraan at tao na makakatulong sa kanya at hindi nagkabula, isang nagngangalang Ellen Ilagan ang nagbigay ng pag-asa kay Mario na maitawid ang kanyang produksyon.

Magkakaloob si Ellen ng karagdagang P500,000.00 para sa pagtustos sa proyekto.

Ayon sa peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas, kaibigang matalik ni Alfred si Ilagan kaya marubdob ang pagtulong sa produksyon.

Pero nang mabasa ani Dennis ni Ellen ang kontrata ay umatras ito.

Kaya ang unang reaksyon ni O’Hara ay umatras din dahil kulang nga ang kanyang gastusin kung isang de-kalidad na pelikula ang kailangang ihain sa mundo.

***

Kaya marami ang naghihinayang sa pagkakaantala ng paggawa ni Mario ng kanyang opisyal na lahok sa Cinemalaya.

Gayunman, hindi pa opisyal o pormal ang pagtalikod ni O’Hara sa kanyang mga obligasyon sa Cinemalaya dahil ang pagsasabi niyang ayaw na niya munang gawin ang pelikula ay sa text na mensahe lang niya kay Adobas.

Nang makarating sa mga kinauukulan ang balitang nag-back out na si Mario sa 2010 Cinemalaya ay marami ang natigagal at nanghinayang.

Isa na sa mga nalungkot ay si Coco.

Isang hamon kay Martin ang pagbibigay-buhay kay Aguinaldo at ang pagkakataong makatrabaho ang premyadong si O’Hara.

“Sayang naman pag hindi natuloy. Sana, makakita pa ng isa pang co-producer para matuloy ang project,” dasal ni Coco sa shoot ng isang independent o indie film na kanyang pinagbibidahan at pinaglalagakan ng puhunan.

***

Para kay Coco ay isang bagay na bihirang mangyari sa isang aktor na tulad niya ang makasama sa pelikula ni Mario at makapaghain ng bagong pananaw at perspektibo sa kasaysayan ng Pilipinas bilang bansa at bilang lipunan.

Ang “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” kasi ay tungkol sa pulitikal na tunggalian sa pagitan nina Andres at Emilio sa ilalim ng rebolusyonaryong gobyerno ni Aguinaldo noong bago pumihit ang sandaang taon ng 1900.

Ayon sa mga tala ni O’Hara na mula sa mga dokumento ng pagdinig sa kasong treason ni Andres sa pamahalaan ni Emilio, may panggagahasa kay Gregoria de Jesus na siyang asawa ni Bonifacio.

May akusasyon din laban kay Aguinaldo na siya umanong nagpapatay kay Andres.

Kaya kailangan ani Mario na mapanood ito ng mga mag-aaral para may bagong konsepto ng historikal na pagsusog sa mga bagay-bagay sa lipunang ito.

***

Kaya naman kung makakatulong ay nagmumungkahi si Coco sa abot ng kanyang makakaya sa pagpapatupad ng pelikula para hindi masayang.

Kahit na nga ang peryodistang pampelikula na si Art Tapalla na nais maging line producer ng pelikula ay naghahanap ng pondo para matuloy lang ang proyektong ito ni O’Hara.

Bilib na bilib sina Art at Coco kay Mario bilang manlilikhang-sining lalo na ang makabayang materyal nito tungkol kay Bonifacio.

Ayon kay Tapalla, may kaklase siya sa Manila High School noon na ngayon ay mayamang-mayaman na at nais na sugurin ang produksyon ng pelikulang digital.

Kaya ipinapahanda na ni Art ang buod ng kuwento ng “Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio” para maipabasa na sa intresadong partido ng produksyon.

Aligaga naman si Adobas sa pangungulit kay Mario na gawin at sulatin na ang buod ng istorya para makaunang hakbang na ng pakikipag-usap sa inaawitang prodyuser.

***

Maging ang kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel ay nanghihinayang din sa naaantalang paggiling ng mga kamera ng obra ni Mario.

Nagkausap na nga naman sina Jowee at O’Hara bago umalis patungong London ang una para mag-aral at magtrabaho roon.

“Nakakapanghinayang pag hindi natuloy ang project. Kasi, it’s a very rare material.

“Ibang klase ang impact ng pelikula pag natapos. At siyempre, iba rin ang approach ni Mario. Very interesting ang historical conflict ng pelikula kaya marami ang nanghihinayang pag hindi ito natuloy.

“At Mario O’Hara na ‘yan. Ang dami nang napatunayan niyan sa industriya kaya dapat lang na matuloy ang pagsasapelikula n’yan,” pahayag ni Morel sa isang overseas call.

***

Si Jowee rin ang kinukuhang cinematographer ni O’Hara pero magagawa lang ni Morel ang pelikula pag Abril ang shooting.

Kaya sa takbo ng mga pangyayari, baka mapunta rin talaga kay Jowee ang sinematograpiya ng obrang ito.

Nag-aaral ng Screenwriting, Digital Film Production, Cinematography at iba pang larangan sa Goldsmith College sa University of London ang direktor ng mga pelikulang “Mga Paru-Parong Rosas (Pink Butterflies),” “Moma,” “Ec2luv,” “When a Gay Man Loves,” “Mona, Singapore Escort,” “Latak,” “HiStory,” “Moving Dreams” at “Strictly Confidential.”

“Gagawin ko pa rin ang ‘Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio pag natuloy sa April. Kasi, ang dami ko pang matututunan kay Direk Mario and it would be a rare chance to work with him,” sabi ni Jowee.

***

“Sana nga ay tulungan pa ng mga tao sa local movie industry si Mario O’Hara para matuloy ang pelikula. Kasi, we owe it to him. Iba ang kanyang nagawa sa showbiz kaya kailangang suportahan siya,” katwiran ni Jowee.

Para kay Morel, iisa lang si Mario O’Hara sa dinami-dami ng mga direktor sa buong Pilipinas.

“Kaya dapat ay nagkakaisa tayong lahat para matupad ang magandang proyekto ni Mario O’Hara,” sabi ni Morel.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko si O’Hara na makakakita siya ng bagong co-producer na magbibigay ng katotohanan sa iskrip na sinulat ng kanyang pamangkin na si Janice O’Hara.