Pekeng party-list ng administrasyon, inireklamo sa Comelec
Pormal nang inireklamo sa Comelec (Commission on Elections) ng grupong Kontra Daya ang diumano’y pekeng mga party-list na ipinatatakbo ng administrasyong Arroyo, kabilang ang mga party-list na magpapatakbo sa anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo, kalihim ng Department of Energy na si Angelo Reyes, at isang kamag-anak ng pamilya Ampatuan. Sa isang sulat […]
Pormal nang inireklamo sa Comelec (Commission on Elections) ng grupong Kontra Daya ang diumano’y pekeng mga party-list na ipinatatakbo ng administrasyong Arroyo, kabilang ang mga party-list na magpapatakbo sa anak ng Pangulo na si Rep. Mikey Arroyo, kalihim ng Department of Energy na si Angelo Reyes, at isang kamag-anak ng pamilya Ampatuan.
Sa isang sulat kay Komisyuner Jose Melo ng Comelec noong Marso 15, pinadidiskuwalipika ng mga convenor ng Kontra Daya ang mga party-list na Batang Iwas Droga (BIDA), Adhikain ng mga Dakilang Anak ng Maharlika (ADAM), Agbiag Timpuyog Ilocano (AGBIAG), Babae para sa Kaunlaran (BABAE KA), League of Youth for Peace and Development (LYPAD), at Kalahi Advocates for Overseas Filipinos (KALAHI).
Nagsimula noong 2003 bilang bahagi ng kampanyang kontra-droga sa hanay ng mga kabataan, inaamin mismo ng BIDA sa kanyang website na itinayo ito ni Ephraim C. Genuino, tagapangulo at chief executive officer ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor). Katambal ng Pagcor sa Dangerous Drugs Board at Department of Education sa proyektong ito, ayon sa Kontra Daya.
Unang nominado naman ng ADAM si DoE Undersecretary Zamzamin Ampatuan, pamangkin ni Andal Ampatuan Sr., dating gobernador ng Maguindanao at isa sa pangunahing suspek sa masaker ng 57 katao noong Nobyembre 2009. Idineklara umano mismo ni Usec. Ampatuan ang ADAM na sarili niyang party-list. “Bilang isang opisyal ng gobyerno, at nanggaling sa isang prominenteng pamilya sa Maguindanao, kuwestiyunable ang kuwalipikasyon ng ADAM at ni Usec. Ampatuan,” sabi ng Kontra Daya.
Samantala, natukoy na umano ang AGBIAG, BABAE KA, LYPAD, at KALAHI bilang mga party-list ng administrasyong Arroyo, ayon sa memorandum ng Office of External Affairs ng Malakanyang noong Okt. 16, 2006. Nakasaad sa nasabing memorandum, iniutos ang pagbibigay ng suporta sa mga party-list na ito, o ang “full support to several COMELEC-accredited (party-list) groups that are ascertained to be pro-administration and ensure the winning of nine (9) to twelve (12) seats in the House of Representatives.”
Inudyok rin ng grupo ang Comelec na imbestigahan ang mga ulat na patatakbuhin ng Ang Galing Pinoy si Rep. Arroyo, at ng 1-UTAK si Kal. Reyes.
Kapag nangyari umano ito, “walang pagpipilian ang Comelec kundi idiskuwalipika” sina Arroyo at Reyes.
“Hindi maaaring magbulag-bulagan ang Comelec sa malinaw na abuso at pagsasalaula sa sistemang party-list sa ilalim ng administrasyong Arroyo…Dahil sa kawalan ng istriktong implementasyon ng batas, nahayaan ang mga kinatawan ng mayor na mga partidong pulitikal, maiimpluwensiyang tao, miyembro ng gabinete, at mga opisyal ng militar na gamitin sa kanilang bentahe ang sistemang party-list,” sabi ng Kontra Daya.
Pinirmahan ang reklamo sa Comelec nina Fr. Joe Dizon, Engr. Rodolfo Lozada, Mother Mary John Mananzan, Renato Reyes Jr., at Grace Poe-Llamanzares, mga convenor ng grupong itinayo para bantayan ang halalan.