KMP, nanawagan ng agarang tulong sa P1B pinsala sa agrikultura


Nanawagan ng agarang tulong mula sa gobyerno ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas para sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyo at ulang dala habagat sa bansa.

Nanawagan ng agarang tulong mula sa gobyerno ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyo at ulang dala habagat sa bansa.

Kasunod ito ng ulat ng Department of Agriculture na tinatayang umabot na sa P1 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa walang tigil na pag-ulan. 

“Kailangan [ng mga magsasaka] ng agarang production subsidy, libreng binhi at inputs, crop insurance at tulong sa rehabilitasyon ng kanilang mga taniman,” sabi ni KMP chairperson Danilo Ramos.

Ayon sa KMP, dobleng pasakit ang sakuna sa magsasaka ng gulay dahil hindi na maibebenta ang kanilang ani.

“Mahabang pila ang naiulat sa La Trinidad Trading Post [sa Benguet] habang mababa pa rin ang presyo sa gitna ng hindi magandang panahon,” pahayag ng KMP sa Ingles. 

Ibinebenta na lang ang mga first-class cabbage sa halagang P20 hanggang P35 kada kilo at ang second-class cabbage naman sa P8 hanggang P10. 

Dahil sa pagkalugi, napilitan na lamang ang mga magsasaka sa Benguet na itapon ang kanilang Chinese cabbage at carrots sa Labey-Lacamen Road. 

Naitala ng La Trinidad Vegetable Trading Post ang 1,800-metric ton na reduction sa mga delivery ng gulay nito mula Ago. 1 hanggang Ago. 10. 

Naniniwala ang KMP na hindi sasapat ang damage assessment at relief goods ng gobyerno.