Manggagawa

Pagtataguyod ng tunay na unyon sa IWS sa Tarlac


Mahirap ipaglaban ang karapatan mo sa planta kung ang mismong unyon ay hindi ka pinoprotektahan.

Mahirap at matagal ang trabaho sa pabrika. Ang mga manggagawa ng International Wiring Systems (Philippines) Corporation o IWS sa Tarlac City, halos walo hanggang 11 oras nakatayo sa trabaho para lang makamit ang kota habang 30 minuto lang ang break para magpahinga at kumain.

Bagamat may unyon, hindi ito ramdam. Mahigit P200 ang buwanan na kaltas para sa butaw ng unyon, benepisyo ng resignasyon at benepisyo sa pagkamatay P7 hanggang P14 kada araw lang naipanalong dagdag-sahod noong 2021. Para sa bawat patak ng pawis sa trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, barya lang ang siyete pesos.

Upang tapatan ang dilawan o mapagkompromisong unyon, muling sinusubukang itayo ng mga manggagawa ang Laban sa Demokratikong Manggagawa-IWS (LDM-IWS), ang unyong namuno noong 1996 hanggang 2011.

Kaugnay nila ngayon ang Association of Democratic Labor Organizations-Kilusang Mayo Uno (ADLO-KMU) upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng tunay, palaban at makabayang unyonismo.

Ang IWS ay isa sa siyam na lokal na kompanya sa Sumitomo Wiring System (SWS), isang Fortune 500 company sa Luisita Industrial Park. Nagsisilbi itong pagawaan ng wiring harness para sa Toyota, Mitsubishi, Honda, Mazda at Ford kung saan iniluluwas ang nabuong produkto sa US, Japan, Canada, Taiwan at Thailand.

Mahirap ipaglaban ang karapatan mo sa planta kung ang mismong unyon ay hindi ka pinoprotektahan. Kasabwat ng management ang kasalukuyang unyon na IWS Workers’ Union (IWSWU). Sa kanilang pammahala, ang dating tatlong taong collective bargaining agreement ay naging limang taon na, pinapanatili ang kontraktuwalisasyon at mataas ang kaltas para sa benepisyo na dapat ang kompanya ang nagbibigay. 

“Minsan gugustuhin mo na lang maging kaswal sa sobrang daming kaltas. Pero wala namang benepisyo. Talo ka,” sabi ang isang manggagawa sa Plant 2 ng IWS. 

Habang siya’y lumulubog sa kaltas, hinaharap naman ng kanyang kapatid ang fixed-term employment (FTE). Bagaman pareho ang trabaho ng regular at kaswal, wala silang benepisyo.

Nangangamba rin siya sapagkat hindi garantisado ang regularisayon pagtapos ng dalawang taong kontrata. Ayon sa ilang mga manggagawa, tatlo hanggang pitong taon silang kaswal.

Sa walong oras na nakatayo ang isang obrero sa IWS, daan-daan ang kota na hinahabol para sa P600. Ang hatian nito sa pamilya ng limang katao ay P120 kada miyembro lang, kaya’t madalas ang overtime.

Kuwento ng isang manggagawang 31 taon na sa IWS, hindi pa rin tumatapat ang kanyang sahod sa living wage lalo na’t hindi na siya makapag overtime dahil sa kanyang edad.

Unti-unti, nakikita nila ang kanilang mga kaibigan na nagkakasakit kakatrabaho. “Sakit sa bato dahil sa pagpigil ng ihi para lang maabot ang kota na tinitiis muna ang paggamit ng CR [dahil walang break],” sabi ni Edwin Pangan, pangulo ng LDM-IWS.

Nilalaman ng polyeto ng Laban sa Demokratikong Manggagawa-International Wiring Systems na humihikayat sa mga manggagawa ng kompanya na itaguyod ang tunay, palaban at makabayang unyonismo. Larawan mula sa LDM-IWS

Hindi rin sapat sa mga manggagawa sa dagdag sahod na P50 hanggang P80 umento sa Central Luzon noong Abril dahil malayo pa rin ito sa tinatayang P1,200 na living wage.

“Karapatan ng mga manggagawang nagpapatakbo sa ating ekonomiya na tumama sa ng disente at nakabubuhay na sahod,” ani Renan Ortiz, chairperson ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler).

Ayon sa Eiler, ang “nakakabuhay na sahod” o “living wage” ay nagbibigay ng “mas mataas na antas ng kapasidad [sa pagtatrabaho].” Sa Annual Survey of Philippine Business and Industry 2022 ng Philippine Statistics Authority, ang pagtupad ng P200 umento sa sahod ay nakakabawas lang ng 13% ng tubo para sa large enterprises. 

Napagmamasdan ng mga manggagawa ng IWS ang tagibang kita ng korporasyon kung saan sa Forecast for Fiscal Year 2025 ng SWS nasa ¥4.5 trilyon sa sales ng taong 2025 o P1.7 trilyon. Habang ang IWS ay mayroong kabuuang $274.1 milyon o P16.8 bilyon sa import at export mula Pebrero 2025 hanggang Enero 2026. 

Ayon sa Ibon Foundation, ang net income ng top 1,000 na korporasyon ay umakyat ng ng 546.5% o P4.7 bilyon. Samantala, ang halaga ng sahod ng manggagawa sa Pilipinas ay tumaas lang ng 3.9% sa loob ng 24 taon. Sa kaso ng kita ng IWS, halos kalahati ng kanilang 11,000 na empleyado ay kasuwal.

Mas malubha pa ang kalagayan ng kababaihan sa pabrika na bumubuo ng 65% ng mga manggagawa tulad ng kawalang dagdag-benepisyo naaayon sa batas para sa maternity leave.

Sa kagustuhan ni Aleli, hindi niya tunay na pangalan, na maging regular sa IWS, pinagbutihan niya nang husto ang kanyang pagtatrabaho. Hindi siya lumiban kahit na tatlong beses siyang nagbuntis habang nakaempleyo sa planta. Pitong taon bago siya naging regular.

Liban sa pagkakait ng maternity leave, hindi rin naaayon sa mga kasalukuyang batas at patakaran sa paggawa ang iba pang kalakaran sa loob ng IWS.

Sa Article 296 ng Labor Code of the Philippines, hindi dapa lalampas sa anim na buwan bilang kontraktuwal ang isang manggagawa, maliban kung ito’y kasama sa kasunduan sa apprenticeship.

Ginagamit ng IWS ang apprenticeship upang patagalin ng dalawa’t kalahating taon ang mga kaswal na manggagawa. Ngunit may ilan pa rin na nanatiling kaswal paglipas ng dalawa’t kalahating taon sa pamamagitan ng renewal ng kontrata ng FTE—isang taktika upang hindi ibigay ang mga benepisyo ng isang manggagawa na kasapi ng unyon.

Ayon sa datos ng Bureau of Labor Relations, sa unang kuwarto ng 2025, may humigit-kumulang 6.52 milyong miyembro ang 152,157 na rehistradong unyon at organisasyon sa paggawa. Sa 23.99 milyong mangggawa sa pribadong sektor, 7.09% lang ang kasapi sa mga enterprise-based na unyon.

Ang patuloy na kontraktwalisasyon ang sanhi ng paghina ng pagtatayo ng mga tunay na unyon. Ayon kay Leandro Gerodias, pambansang pangulo ng ADLO-KMU, nakikita ito ngayon sa IWS na pilit bitawan ang hiling ng mga obrero, dagdag pa dito ang opsyon na “no union” sa eleksiyon.

Talakayan ng mga lider ng Laban sa Demokratikong Manggagawa-International Wiring Systems, komunidad ng Hacienda Luisita at Bagong Alyansang Makabayan-Tarlac noong Hunyo 7, 2026. Larawan mula sa LDM-IWS

Nagtatanong ang mga manggagawa kung nasaan na ang kanilang unyon. Sa kasalukuyan, sila’y nasa ilalim ng IWSWU. Sa loob ng kanilang 15 taon na pamumuno, walang audit na inilabas sa mga koleksiyon mula sa butaw, benepisyo at kita sa scraps at cafeteria na umaabot ng mahigit P150,000 kada taon.

Sa polisiya ng Department of Labor and Employment, kinakailangan ng 20% ng mga manggagawa sa isang establisimyento ang sumapi sa unyon, magkaroon ng constitution and by-laws, listahan ng mga opisyal at butaw na P50 hanggang P70 kada kasapi.

Hiwalay pa ito sa certification election para maging Sole and Exclusive Bargaining Agent na dagdag “sa napakakomplikadong requirements,” ani Gerodias.

Noong 2021, naglaban sa certification election ang LDM-IWS at IWSWU. Ngunit ang IWSWU umano ang nagbibilang ng mga boto at hindi inilabas ang listahan ng mga botante at ang porsiyento ng kanilang pagkapanalo. “Sino ang tunay na nanalo?” ang tanong ng bawat manggagawa ng IWS.

Idinidiin ng LDM-IWS ang karapatan ng lahat ng manggagawa sa pabrika, sa kanilang plataporma para sa living wage, benepisyo tulad ng food at health assistance, pagwawakas ng FTE, pagbalik ng bayad na 15 minutong pahinga, seguridad sa trabaho, makataong kota, pagbigay ng kita ng scrap para sa lahat at pagiging bukas sa pananagutan ng kompanya.

Sa kasalukuyan, patuloy na ipinaglalaban ng mga manggagawa ng IWS ang tunay, palaban at makabayang unyonismo sa kabila ng iba’t ibang maniobra ng kompanya at IWSWU.

Ani Gerodias, ang paglakas ng tunay na unyonismo ay hindi lang nakabatay sa ekonomikong usapin, dapat mayroong prinsipyo at aral upang maintindihan ng mga manggagawa ang ugat at sanhi ng kahirapan at kung paano nila ito lalabanan at bubuwagain. 

Ayon sa mga lider ng LDM-IWS, ang pagtatayo nito’y hindi lang nakakulong sa pag-unlad ng kondisyon nila, kundi ang pamumuhay at karapatan ng bawat manggagawa. Sa pangmatagalang laban, nakikita nila ang LDM-IWS bilang haligi ng pagtatayo ng mga unyon sa bawat lugar-paggawa.