Kompanya ng bakal sa Davao, nireyd, 300 manggagawa, tanggal
Ayon sa Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region, walang kagyat na tulong-pinansiyal o malinaw na plano ang mga sangkot na ahensiya para sa daan-daang manggagawang biglang nawalan ng pagkakakitaan.
Mahigit 300 manggagawa ang nawalan ng trabaho bunga ng isinagawang reyd sa Davao Mighty Steele Corporation sa Barangay Ilang, Bunawan, Davao City nitong Ago. 13 dahil sa umano’y paggawa at pagbebenta ng kompanya ng mga substandard reinforcing steel bar.
Nireyd ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nang nasabing pagawaan. Lumabas din sa ulat ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na mayroong mga radioactive isotopes ang kanilang produkto.
Ayon sa PNRI, walang karampatang lisensiya o awtoridad ang kompanya o ang mga tauhan nito para humawak, tumanggap, magmay-ari, gumamit, mag-imbak, magbenta, maglipat o mag-import o mag-export ng nuclear o radioactive materials.
Ngunit kinondena ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) ang pahayag ng gobyerno na isang “rescue mission” ang ginawa.
Sabi ng mga saksing manggagawa, nakaranas sila ng intimidasyon at harasment mula mga armadong operatiba ng gobyerno. Anila, tinutukan sila ng baril at pinapila hanggang matapos ang operasyon. Kinumpiska rin umano ng mga ahente ng gobyerno ang ilang mga personal na pag-aari tulad ng cellphone at pera.
Ayon sa PAOCC, pinagsanib na puwersa ng Philippine Air Force, Philippine Coast Guard Chemical, Biological, Radiological and Nuclear Unit at Special Operations Group, at 10th Infantry Division ng Philippine Army ang kasama nilang naghain ng search warrant sa kompanya.
Ayon sa KMU-SMR, walang kagyat na tulong-pinansiyal o malinaw na plano ang mga sangkot na ahensiya para sa daan-daang manggagawang biglang nawalan ng pagkakakitaan. Sa huli, naiwan sa ere ang mga manggagawa.
Panawagan ng grupo, kagyat na ibigay ang nakabinbin na dalawang linggong sahod ng mga manggagawa.
“We stand in solidarity with the displaced Davao Mighty Steel workers and demand immediate assistance, protection of their rights, and accountability from the agencies responsible for the operation and its aftermath,” pahayag ng KMU-SMR.