Maralita, naningil sa kapabayaan, korupsiyon ng gobyerno
Iginiit ng mga nagprotesta na habang bilyon-bilyong piso ang ginagastos sa flood control, patuloy na nalulubog sa baha ang mga komunidad at nawawalan ng tahanan, kabuhayan at buhay ang mga mamamayan.
Nagmartsa patungong Mendiola, Maynila sa gitna ng ulan ang mga maralitang lungsod sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) noong Ago. 28 upang singilin ang administrasyong Marcos Jr. sa kapabayaan sa mga nasalanta ng kalamidad at korupsiyon sa mga proyektong flood control.
Sa “Pambansang Araw ng Paniningil,” iginiit ng mga nagprotesta na habang bilyon-bilyong piso ang ginagastos sa flood control, patuloy na nalulubog sa baha ang mga komunidad at nawawalan ng tahanan, kabuhayan at buhay ang mga mamamayan.
Kinalampag ng mga raliyista ang Mendiola Peace Arch habang nanawagan ng sapat na ayuda, kompensasyon at pananagutan para sa mga pamilyang paulit-ulit na pinapasan ang epekto ng baha at kapabayaan ng gobyerno.
Ayon sa Kadamay, lantad ang bigat ng kapabayaan sa mga maralita na madalas walang sapat na kakayahang makabangon matapos ang bawat kalamidad. Dagdag-pasanin din ang panganib ng leptospirosis at iba pang sakit sa mga residenteng napipilitang lumusong sa maruming baha.
“Labing-isang milyong indibidwal ang apektado ng mga bagyo mula pa kay Leleng, kay Luis, kay Maymay, at sa mga kasalukuyan, magdadagdag pa po ito ng bilang. Dahil sa ano? Sa matinding kapabayaan ng nagbibingi-bingihan,” ani Kadamay secretary general Mimi Doringo.
Tinukoy rin ng grupo ang mga anomalya sa flood control bilang patunay na hindi kakulangan ng pondo ang ugat ng problema kundi kung paano ginagamit ang salapi ng bayan.
Kinondena rin ng mga maraliyang grupo ang lumalawak na presensiyang militar ng Estados Unidos at ang Pax Silica sa New Clark City sa Tarlac na anila’y banta sa lupa at kabuhayan ng mga katutubo at mamamayan.