Kakarampot na kita sa paglalala ng sambalilo
Patuloy na nakakaranas ng mababang kita at limitadong pinagkakakitaan, kahit na mahalaga ang gampanin sa pagpapanatili at pagpapayabong ng tradisyon.
Kilala ang bayan ng Cavinti sa lalawigan ng Laguna sa mayaman nitong kasaysayan at kultura. Ngunit kung may isang simbolo na nagpapapapala sa mayabong nitong kultura, ito marahil ang sambalilo.
Tinaguriang “Sambalilo Capital of the Philippines” ang Cavinti dahil sa bawat hibla at paglalala ng mga sambalilo, naipapakita ng mga Lagunense ang kanilang pagiging malikhain at ang pagpapahalaga sa pamanang sining.
Gayunpaman, sa kabila ng pagkilalang ito sa sambalilo, nanatiling nasa bingit ang kalagayan ng mga manghahabi nito.
Ayon kay John Alexis Quilapio at sa iba pang mga manghahabi sa Cavinti, patuloy pa rin silang nakakaranas ng mababang kita at limitadong pinagkakakitaan, kahit na mahalaga ang kanilang gampanin sa pagpapanatili at pagpapayabong ng tradisyong ito.
Lumalaban

Hindi madali ang paggawa ng isang sambalilo. “Mahirap maging maglalala ng sambalilo kasi kailangan talaga ng patience at tiyaga. Hindi lang basta pagtatahi, kailangan mo ring paghandaan,” ani John Alexis, 18, isa sa mga kabataang manghahabi sa Cavinti.
Nagsisimula ang proseso nito sa pagputol sa mga dahon ng pandan gamit ang halabas, itak at kutsilyo. Pagkatapos ay ibibilad ang mga dahon sa araw hanggang sa tuluyang matuyo.
Sa oras na matuyo ang mga dahon, sisimulan ang paglilinis. Huhugasan ng tubig ang mga dahon hanggang sa maalis ang dumi. Pagkatapos, muling ilalatag sa initan upang patuyuin at ihanda na sa paghahabi.
Magsisimula ang ng mga manghahabi sa paglalala gamit ang bulayan, isang kasangkapan na ginamit sa paghiwa ng pandan upang masiguro ang pagkakapantay-pantay ng sukat, saka gagamitin ang hulmahan upang buuin ang korona ng sambalilo hanggang sa mabuo ang laylayan. Tatahiin ang mga gilid upang maging matibay ang pagkakahabi at pinuputol ang mga sobrang hibla para sa maayos na pagtatapos.
“Mahirap ‘yong mismong paggawa kasi kailangan maingat ka sa bawat paghabi. Kapag nagkamali ka, minsan kailangan mong ulitin ‘yong isang parte, kaya dagdag trabaho at oras,” wika ni John Alexis.
Ngunit para sa kanya, hindi ang mahabang proseso ang mas nagpapabigat sa trabaho, kung hindi ang mababang kita mula sa paglala ng sambalilo.
“[Ipinagbibili] po namin ang mga sambalilo P25 kada piraso kapag maliit. ‘Yong malalaki naman po ay P32,” aniya. “Pero iba rin po ang bentahan sa ibang lugar, depende po.”
Sa isang araw, nakakagawa siya ng anim hanggang walong sambalilo. Kung susumahin, nasa P150 hanggang P250 lang ang kinikita kapag naibenta.
Kulang na kulang ang kita na naiuuwi nila upang matustusan ang mga pangangailangan kaya napilitang ipagpaliban muna ni John Alexis ang pag-aaral sa kolehiyo upang tulungan ang kanyang mga magulang.
“Mahirap po ang buhay pero kailangang magpatuloy sa paglala,” sabi ni John Alexis, “Dahil ito lang naman po ang kaya naming gawin ngayon.”
Sa pagpasok ng tag-ulan, nagiging pasakit pa para sa mga manghahabi ang masamang panahon.
“Kung hindi kami makakapagpatuyo, hindi rin kami makakapagpanahi at wala rin kaming kikitain,” sabi ni John Alexis.
Titindig
Ayon sa Ibon Foundation, tinatayang 42% ng lakas-paggawa sa Pilipinas o katumbas ng 20.6 milyong manggagawa ang nasa impormal na sektor. Sa konteksto ng Calabarzon, lumalabas sa Annual 2025 Preliminary Labor Force Survey na nasa 12.5% ang underemployment rate sa rehiyon na nagpapahiwatig na may mga manggagawang naghahangad ng karagdagang oras ng trabaho, dagdag na kita o mas angkop na trabaho.
Batay na rin sa isang pananaliksik ng Remotify kasama ang Department of Information and Communications Technology sa mga home-based workers tulad ng mga manghahabi ng sambalilo sa Cavinti, lumabas na pito sa bawat 10 manggagawa ang hindi nakatatanggap ng anumang benepisyong pangkabuhayan maliban sa kanilang batayang sahod.
Mahigit sa kalahati ng mga kalahok ang nag-ulat ng pabago-bagong kita, samantalang 45% naman ang nagsabi na hindi sila naghahain ng kanilang buwis, bunsod na rin ng kawalan ng regular na kinikita. Humigit-kumulang 40% din ang nagpatunay na nahihirapan silang magpakita ng katibayan ng kita tuwing nag-a-apply ng credit card, loan o mga benepisyo mula sa pamahalaan.
Para sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang ganitong mga pamamalakad ng sistema para sa mga manggagawa ay hindi nakakatulong, bagkus ay nagiging krus na napipilitang iatang sa mga balikat ng mga manggagawa.
“Dumarami ang nalulugmok sa kahirapan dahil walang nalilikhang trabaho, at kung meron man ay mapanganib, kontraktwal, walang benepisyo, at mababa ang sahod,” ani KMU secretary general Jerome Adonis.

Para sa mga manghahabi sa Cavinti, ang halaga ng kanilang paggawa ay nasusukat hindi lang sa dami ng sambalilong natatapos kundi sa perang naiuuwi nila sa kanilang pamilya. Sa kaso ni John Alexis, ang paghahabi ay naging paraan upang makatulong sa kanyang mga magulang.
Ngunit naging dagdag na kalbaryo rin sa kabuhayan ng mga manghahabi ang proseso ng kanilang pagbebenta. Ani John Alexis, ipinagbibili nila ang kanilang mga sambalilo sa mababang halaga. Ang mga ahente na namamakyaw sa pag-angkat ng kanilang produkto ang totoong kumikita.
“Sana naman pare-parehas silang lumaban ng patas, dahil pare-parehas lamang din naman na lumalaban sa buhay,” sabi ng manghahabi.
Ang sambalilo ang pangunahing kalakal o ang One Town, One Product ng Cavinti, ngunit wala rin umanong naibibigay na tulong pinansiyal at suporta ang pamahalaang lokal sa kanilang mga manghahabi.
Lalong mabigat ang sitwasyong ito sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Noong Hunyo 2026, umabot sa 8% ang inflation sa Laguna, habang 4.4% ang food inflation at 13.9% ang inflation para sa housing, water, electricity, gas and other fuels. Bagama’t bumaba sa 7.1% ang headline inflation sa Laguna noong Hulyo 2026, nanatili itong pinakamataas sa mga lalawigan at highly urbanized city sa Calabarzon.
Kung magpapatuloy ang kalakaran sa mababang kitaan sa paglalala ng sambalilo, nanganganib na mawala sa hinaharap ang tradisyong ito.
“Kahit maraming [paghihirap], ipinagpapatuloy ko pa rin ang paggawa ng sambalilo kasi ito ang kabuhayan namin. Masaya ako na nakakapagpatuloy ako sa tradisyong ito at nakikita kong may mga taong gumagamit at nagpapahalaga sa gawa namin,” ani John Alexis.
Ang sambalilo ay simbolo ng kultura ng Cavinti at ang pulso ng kabuhayan ng mga manghahabi. Ngunit kung mananatiling walang makabuluhang suporta at mababa ang kita, mananatili rin sa bingit ang mga gumagawa nito.
Bawat hiblang ipinagdurugtong, makikita ang isang manggagawang patuloy na nagbabanat ng buto upang mapunan ang kakulangan sa kita at isang tradisyong kailangang mapanatili hindi lang bilang pamana, kundi bilang kabuhayang nagbibigay-halaga sa mga kamay na patuloy na bumubuhay rito.