Sa likod ng hiwaga ni Mario Condes at ‘bumaligtad’ na Morong 43
Habang inaatupag ng militar ang sapilitang pagpapaaming rebelde ang Morong 43, hindi naman nila masagot ang batayan ng pang-aaresto sa mga doktor at health worker. Kaya naman tinatawag silang sinungaling, kahit ng Philippine National Police.

Nag-aalala pero nananatiling maunawain ang mga kaanak ng limang detenidong kabilang sa Morong 43 na lumabas kahapon sa telebisyon para “umamin” ng kanilang pagiging New People’s Army (NPA). Inihiwalay na ng kulungan sa loob ng Camp Capinpin sina Ellen Carandang, Cherrielyn Tawagon, Valentin Paulino, Jennilyn Pizarro at Mark Barrientos, matapos pumayag na makipagtulungan sa militar, ayon sa mga opisyal ng Philippine Army.
“Noong una, nagalit ako sa kapatid ko. Pero ngayon, nauunawaan ko na nagawa niya ‘yun dahil pinilit siya ng militar,” sabi sa Pinoy Weekly ni Juni Pizzaro, kapatid ni Jennilyn.
Para naman kay Norma Orgina, ina ni Ellen Carandang, higit pa sa simpleng pamimilit ang ginawa ng militar—umano’y halos kidnapin ang kanyang buong pamilya para masiguro ang kooperasyon ng anak. Noong Marso 6, dinala ni Grace, kapatid ni Carandang, ang apat na anak ng detenido sa loob ng Camp Capinpin.
“Nag-aalala ako kay Ellen at sa mga apo ko. Mula noong ihiwalay sila, di na namin sila nakita,” sabi ni Orgina.
Mahigit isang buwan matapos ang pag-aresto sa Morong, Rizal ng nagsasanay na mga doktor at health worker, hindi pa rin hinaharap ng mga opisyal ng militar ang seryosong mga alegasyon ng tortyur ng Morong 43. Sa halip, ayon sa mga abogado ng Morong 43, patuloy nitong ginagamit ang tortyur at panghaharas sa pamilya para makapamingwit ng pekeng mga testimonya at pagtakpan ang kanilang “kapalpakan.”
Turuan ng AFP at PNP
Halos isang oras din ang ginugol ni Serme Ayuyao, abogado ng Judge Advocate General’s Office ng AFP, sa pagtatangkang huwag pasalitain sa harap ng Commission on Human Rights (CHR) sina Col. Aurelio Baladad, kumander ng 202nd Infantry Brigade at Lt. Col. Jaime Abawag, kumander ng 16th Infantry Battalion ng Philippine Army na nanguna sa reyd sa Morong, Rizal noong Pebrero 6 at humaharap sa mga alegasyon ng tortyur.
Ipinagtanggol ni Ayuyao ang umano’y “right against self-incrimination” ng mga opisyal ng militar—ang parehong karapatang tila ipinagkait sa Morong 43 na pinipilit umamin sa kanilang pagiging rebelde.

Sumali rin sa pagtatanggol si State Prosecutor Romeo Senson, na inaakusahan namang nagbigay ng depektibong warrant of arrest na ginamit laban sa Morong 43. Ayon kay Senson, “Kapag ang isang kaso ay naisampa na, ang korte ang may ekslusibo at orihinal na jurisdiction dito,” aniya, tila pinalakas ang loob ng pagbasura ng Court of Appeals noong nakaraang linggo ng writ of habeas corpus ng Morong 43 dahil sa parehong dahilan.
Inilinaw at iginiit ni Leila de Lima na ang CHR ay isang indipendiyenteng komisyon na may mandato sa ilalim ng 1987 Konstitusyon na mag-imbestiga sa anumang reklamong may kinalaman sa karapatang pantao. “Huwag niyo kaming sabihan na hindi namin puwedeng gampanan ang aming tungkulin,” sabi ni de Lima, chair ng CHR.
Sa wakas, nang magsalita rin si Baladad, sinabi niyang sumuporta lamang ang AFP sa paghahain ng PNP ng search warrant sa compound ni Dr. Melecia Velmonte. Inamin niyang hindi niya nakita ang nasabing search warrant para sa isang Mario Condes, na hindi kabilang sa mga naaresto. Inamin din niyang nakakuha ang AFP noong Pebrero 5, isang araw bago ang reyd, ng intelligence report hinggil sa presensiya ng mga NPA sa lugar.
Samantala, sinabi ng inimbitahan ding si Rizal Police Supt. Marion Balonglong na isinumbong ng isang “walk-in” na impormante si Mario Condes, na umano’y maraming armas at “nananakot” ng mga kapitbahay. Ipinagtaka ni Komisyuner Cecilia Quisumbing kung bakit kailangang magpatulong ng PNP sa AFP sa paghahanap lamang ng isang tao. (May 40 tauhan ng PNP at 90 tauhan ng AFP na sumalakay, sabi ni Balabad.) Inamin din ni Balonglong na hindi na nila tinutugis si Conde.