Kailan matatapos ang ‘reframing’ ng edukasyon?
Hindi makatarungang ipinapasan sa mga paaralan ang paglinang ng anumang kasanayang hinihingi ng pandaigdigang merkado, habang ang ekonomiya mismo ng Pilipinas ay nagpapaanod kung saan ito dalhin ng merkadong ito.
Umaani ng kontrobersiya ang patuloy na “reframing” ng mas mataas na edukasyon. Nakatuon ang mga tagaplano ng edukasyon sa tanong kung dapat bang mamuhunan sa tinatawag na human capital upang makipagsabayan sa pandaigdigang ekonomiya o humubog ng mamamayang may ganap na pag-unlad. Ngunit pinalalabis ang diumano’y salungatan ng dalawang layuning ito.
Lalong lumilinaw na layunin ng pagbabagong ito na tumugon sa nagbabagong pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan ng paggawa, partikular sa mga manggagawang may kasanayan sa artificial intelligence (AI) at iba pang mabilis na umuunlad na digital na teknolohiya.
Binigyang-diin ito sa katatapos lang na Luzon Economic Corridor Investment Forum. Dapat umanong tiyakin ng mas mataas na edukasyon ang mga pangunahing kasanayang kailangan para sa Pax Silica.
Sa bandang huli, nakasandig pa rin ang pagbabago sa direksiyon ng edukasyon sa parehong pamantayang dikta ng merkado. Sinusukat ito sa kakayahan ng mga nagtapos na makahanap ng trabaho at sa bilis ng mga institusyon ng mas mataas na edukasyon na umangkop sa pabago-bagong pangangailangan ng negosyo.
Hindi makatarungang ipinapasan sa mga paaralan ang paglinang ng anumang kasanayang hinihingi ng pandaigdigang merkado, habang ang ekonomiya mismo ng Pilipinas ay nagpapaanod kung saan ito dalhin ng merkadong ito.
Krisis sa trabaho ng kabataan
Ang resulta ay krisis sa trabaho na lalong matindi para sa kabataan. Parami nang paraming kabataang edad 15 hanggang 24 ang naghahanap ngunit hindi makakuha ng trabaho. Nasa 18.6% ang pinakahuling tantos ng kawalan ng trabaho sa kabataan, mahigit tatlong ulit ng iniulat na 6% na pangkalahatang tantos.
Humigit-kumulang 96% o 1.3 milyon ng mga kabataang walang trabaho ang hindi rin nag-aaral o nagsasanay. Kabilang sila sa tinatawag na not in employment, education or training (NEET). May dalawa pang milyong kabataang NEET na nasa labas ng lakas-paggawa. Dahil dito, umaabot sa 3.3 milyon ang kabataang hindi nagtatrabaho, nag-aaral o nagsasanay.
Ipinapakita ng laki ng bilang na ito na mas malalim at nakaugat sa estruktura ng ekonomiya ang problema kaysa sa matagal nang paliwanag ng mga tagaplano ng pamahalaan na hindi lang nagtutugma ang kasanayan ng mga manggagawa at ang mga trabahong makukuha.
Mahigit sangkatlo o 36% ng mga walang trabaho sa bansa ay kabataan. Dapat itong ikabahala hindi lang ng mga institusyon ng mas mataas na edukasyon at mga bumabalangkas ng kurikulum, kundi lalo na ng mga nagpaplano ng pag-unlad ng ekonomiya.
Higit ito sa tanong kung natututuhan ba ng kabataan ang tamang kasanayan. Ang dapat ding itanong ay kung lumilikha ba ang ekonomiya ng disente at produktibong mga trabaho.
Anong kakayahang makahanap ng trabaho?
Sa kabataang lakas-paggawa, 9.9 milyon ang umabot sa junior high school (JHS) o mas mababang antas ng edukasyon, habang 10.2 milyon ang nagtapos ng senior high school (SHS) o umabot sa mas mataas na antas.
Sa mga kabataang may trabaho, 3 milyon ang nagtapos sa JHS o mas mababang antas, habang 2.5 milyon ang nagtapos sa SHS o mas mataas na antas. Sa kabuuan ng lahat ng may trabaho, 30.3 milyon ang umabot sa JHS o mas mababang antas, samantalang 18.5 milyon lang ang umabot sa SHS o mas mataas na antas.
Nagtagumpay nga ba ang sistemang K-12 na gawing handa sa trabaho ang mga nagtapos ng SHS? Masasabing mas pinipili ng kabataan ngayon na huminto sa pag-aaral at maghanap ng trabaho, kahit kakaunti ang mapapasukan.
Sa mga kabataang walang trabaho, 41% ang nagtapos ng kolehiyo at SHS. Lalo nitong ipinapakita na kahit dumaan sa mas mataas na antas ng edukasyon, hirap pa ring makahanap ng trabaho ang mga manggagawa.
Ang ekonomiya ang pumapalya
Agrikultura pa rin ang sektor na may pinakamaraming manggagawang umabot sa JHS o mas mababang antas ng edukasyon, kasunod ang wholesale at retail trade. Sa neoliberal na ekonomiya, kapwa laganap sa dalawang sektor ang mababang sahod, impormal na paggawa, mahinang proteksiyon sa mga manggagawa at hindi tiyak na trabaho.
Nakatutulong ding ipaliwanag ng mga kondisyong ito kung bakit nananatiling mataas ang bilang ng mga may trabaho ngunit naghahanap pa ng dagdag na oras ng paggawa o pagkakakitaan.
Habang tumataas ang antas ng edukasyon, nahihigitan ng wholesale at retail trade ang agrikultura bilang pangunahing pinagkukunan ng trabaho. Ngunit halos hindi bumubuti ang kalidad ng mga trabaho.
Sinasalamin nito ang mas malalim na problema sa estruktura ng ekonomiya. Nililimitahan ng mahinang baseng industriyal ang paglikha ng matatag, produktibo at mas mataas ang sahod na mga trabahong maaaring pasukan ng mga manggagawang patuloy na tumataas ang antas ng edukasyon.
Ang pangunahing usapin ay ang kakayahan ng ekonomiya na magbigay ng trabaho sa mga bagong nagtapos. Hindi kung pumapalya ba ang mas mataas na edukasyon, o kung kulang ang pamumuhunan sa pagsasanay sa mga bagong kasanayan at hindi ito makasabay sa pagbabago ng teknolohiya.
Ang ekonomiya ang pumapalya. Saan pa nga ba dapat iangkla ang kurikulum ng edukasyon kundi sa isang magkakaugnay na plano para sa pambansang pag-unlad ng ekonomiya?
Sa bandang huli, ang estado mismo ang may pananagutan. Wala itong malinaw na patakarang industriyal o seryosong plano para sa pambansang industriyalisasyon na maaaring pagbatayan ng mga kaalaman at kasanayang dapat matutuhan.
Sa halip, higit na itinatali ang pagkakataon ng kabataang makahanap ng trabaho sa isang estratehiyang umaasa sa dayuhang pamumuhunan. Ipinagpapalagay nitong susunod na lamang ang mga trabaho kapag dumating ang mga mamumuhunan.
Ang kawalan ng tunay na pagpaplano para sa pag-unlad ng ekonomiya ang bumibigo sa kabataan.
Paglilingkod sa mga pambansang layunin
Maling paglalagay sa dalawang layunin bilang magkasalungat na pagpipilian ang tanong kung mas mahalaga ba para sa mas mataas na edukasyon ang paghubog ng mamamayan o ang paghahanda sa trabaho. Lalo lang pinatindi ng mga neoliberal na patakaran ang ganitong paghahati.
Halimbawa, ang isang nagtapos ng electrical engineering na naturuan ng diwang makabayan at paglilingkod sa lipunan, ngunit pumasok sa isang pribatisadong kompanya ng kuryente, ay mahaharap sa palaisipan kung bakit isinapribado ang isang mahalagang serbisyong pampubliko.
Hindi ito kabiguan ng dalawang layunin ng mas mataas na edukasyon. Dapat ngang pagsamahin sa pagkatuto ang paghubog ng mga nagtapos na may malasakit sa lipunan at handang gumamit ng mas maunlad na teknolohiya upang baguhin ang ekonomiya at ang buhay ng nakararami. Dapat baguhin ang direksiyon ng mas mataas na edukasyon upang linangin ang kritikal na pag-iisip at mabubuting pagpapahalagang nagsisilbi sa pambansang mga layunin.
Ngunit itinutulak ng pamahalaang Marcos Jr. ang pagbabago sa direksiyon ng edukasyon upang magsilbi sa interes pang-ekonomiya ng Estados Unidos na mangibabaw sa AI global supply chain.
Sino naman ang magtuturo ng mga kasanayang ito? Mangangailangan ang Pax Silica ng mataas na antas ng kasanayang teknolohikal na pinag-aralan at nilinang sa loob ng maraming taon at salinlahi—mga kasanayang hindi pa sinanay na ituro ng sinuman sa kasalukuyang mga gurong Pilipino.
Bakit hahabulin ang adyenda ng ibang bansa kung may isang buong pumapalyang ekonomiyang kailangang paunlarin? Matatapos ang paulit-ulit na pagbabago ng direksiyon kapag nagsimula ang tunay na edukasyon. /Unang inilathala ng Ibon Foundation. Salin ni Joshua Isaac Español.